V. pagdalaw

135 14 0
                                    

Dumagundong ang kulog sa kalangitan. Nagitla ang batang babae. Sa may bandang likuran niya ay isang bundok na lumuluha ng apoy. Nang manginig ang lupang kinatatayua niya, pamilyar na mga salita ang pumailanlang.

" Mga hayop sila!"

Pinuno ng boses ang paligid. Tumayo ang batang babae at tumingin sa kalangitang kulay kahel. Sa kanan niya ay isang batang lalaki na mas maliit sa kaniya, hanggang baywang lamang niya ang tangkad ng batang lalaki.

" Hindi ka nararapat na maging anak ko."

Sa kung anumang puwersa, hinablot ng batang babae ang kamay ng batang lalaki at kumaripas ng takbo. Nagkulay pula ang kalangitan habang tumakbo sila sa aspaltadong daan na napaliligiran ng mga pulang lampara. Di naglaon, nakarating sila sa isang masikip na eskinita, eskinitang kinasasabitan ng mga halimaw. Tinatawanan nila siya.

Tumigil siya. Wala na sa kaniyang tabi ang batang lalaki. Pagtingin niya sa taas ay may singsing ng ilaw sa gitna ng madilim na kalangitan. Puti. Kahel.

Tumama ang sinag ng araw sa kaniyang mukha.

Nagmulat si Sal.

Inaasahan niya ang madili at ang init ng bodega ngunit sa halip ay nakakulong pa rin siya sa kaniyang silid. Wala rin naming pagkakaiba. Ito ang silid na kaniyang kinalagyan sa loob ng maraming taon.

Sapat nang piitan ang kaniyang silid.

Napakakakatwa nga, hindi siya pinarusahan ngayon.

Nangangamoy na ang silid. Isang bagay siguro ito na ipinagwalang- bahala ng tagapagsilbi. Nangungulay na ang pader. Kinapa niya ang isang linya sa kaniyang mukha kung saan umano'y may pilat. Kahit si Oleon ay iiwan siya. Siya na estranghero, siya na walang utang na loob.

Ang mga salita ng Signor ay hindi nababali.Araw-araw, dadalaw sa kanilang Casa ang mga kalalakihang nakasuot ng magara at sisilip naman siya sa bintana para Makita sila. Ni hindi nalalaman na mayroong siya. Sinulat niya gamit ang daliri ang pangalan ni Oleon sa sahig. Maging siya ay ikakahiya marahil ang kaniyang ate, Ang mga kaklase niya sa Unibersidad? Tatawanan din siguro nila ang kaniyang liham.

Ngunit ang tawa ni Ren. Ang tawa ni Ren lamang ang kaniyang naalala. Pinulot niya ang isang dibuho ng sariling mukha. Iyon ay mga dibuho na iginuhit ng kasintahan. Siya lamang ang nagpakita sa kaniya ng kaniyang hitsura. Siya ang kaniyang salamin. Maririnig ni Sal ang kaniyang tawa. Ang napakalambing niyang mga salita.

***

Nagsingit siya ng maliit na panyolita sa bintana mga ilang araw na ang nakalilipas. Ito lagi ang senyales niya kay Ren kapag nais niya itong Makita. Matagal na rin pala mula nang huling pagbisita ng mga Lidelse. Ngayong araw, sinagot niya ang kaniyang tawag. Kasalukuyan ay siesta. Payapa ang paligid. At nandoon si Ren sa bubong ng ikalawang palapag ng kanilang Casa gaya ng lagi niyang ginagawa.

Kumakabog. May kung anong kumakabog na naman sa loob ni Sal. Naupo na naman si Ren malapit sa cisterno, maaninag ang mga bukid sa likod ng Casa. napakapayapa pa rin niya.

Nang tumayo ito, sinubukang isara ni Sal ng bintana. Sa kanyang leeg ay nakasabit ang agnos na iniregalo sa kanya noon ng katipan. Idinikit niya ang isang daliri sa bakal na takip nito. Mas lalo niya lamang itong gugustuhin.

" Ren," pagtawag niya. Noon lamang ito tumayo at lumapit sa kanya. Ang bigat ng titig nito. Parang tila puno ng mga salita na hindi niya masabi dahil sa kagagawan ni Sal.Pero ngayong nakatayo siya sa harap nito, ang ninanais lamang ni Sal ay lumutang, lumipad.

Kinuha niya ang kamay ng kasintahan para subukang ilagay dito ang agnos. Marahan lamang inilapat ni Ren ang kaliwang kamay nito sa kamay ni Sal.

" Nais mo bang makarinig ng isang kwento?" tanong niya.

" Nangulila ako sa boses mo." Halos pigil- hininga siyang sumagot habang tumatango.

Tanging ang bintana ang naghihiwalay sa kanila. Hindi alintana ni Ren ang tarik ng kanyang kinatatayuan sapagkat ito na ang nakagisnan na tanawin ni Sal sa kanya. " Pumikit ka. " Nagpatuloy si Ren sa malambing na boses hawak ang magkabila niyang kamay.

" Hindi nakilala ng munting maya ang paglipad, ang araw, o ang mga ulap-

Sapagkat nakakulong siya sa isang marumi at maliit na hawla.

Nang may matining na tunog ang bumasag sa katahimikan.

Mula iyon sa isang itim na ibon na may puting guhit. Lumilipad ito. Sumasayaw sa hangin

Kay ganda. Napakaganda. Hindi nakilala ng munting maya ang paglipad, o ang araw o ang mga ulap hanggang sa dumating ang sandaling iyon

Ikinampay nito ang pakpak. May tangan din pala itong lakas!

Ikinampay niya ito. Paulit- ulit. Walang patid. Sa pagbukas ng mata ng munting maya ay malaya na itong nakikipagsayaw sa alapaap."

Natapos ang kwento ng mariin pa rin ang hawak ng binata sa kanya. " Maari mo nang imulat ang mga mata mo."

At sa pagbukas ng mga mga mata ni Sal ay malaya na nakatapak ang kanyang paa sa yero ng kanilang Casa. Imposible! Nakatapak siya sa labas ng kanyang silid. Hindi marahil ito totoo, Ilusyon lamang siguro ito.

Sa kabila ay pagkabato ay namasdan niyang tanggalin ni Ren ang sapatos at ginalaw- galaw ang mga daliri sa paa. Noon lang niya napansin na ginagaya siya nito. Marahan niyang inalalayan si Sal at iginabay ang tingin sa mga kabahayan. Sa malawak na syudad, sa walang hanggang alapaap.

Sa sobrang pagngiti ni Ren ay tila naniningkit na ang mga mata niya.

" Masisilayan ko pala ito ng ganito," wika ni Sal. Masisilayan pa pala ang mundo salabas, ang sariwang hangin at ang mga ibon. Mula sa tuktok ay nakikita ang mga bubong at ang mga tao sa ibaba na parang mga maliliit na langgam lamang kung titingnan mula sa taas. Ang dami nila. Kanya- kanyang direksyon, maliit, malalaki, matatanda, mga bata, babae, at lalaki. Iba- iba. Nakakamangha.

" Malaya. Mas malaya ka kapag ganito." Sabi ni Ren habang walang takot na nakalaylay ang mga binti nito sa hangin. Ginaya rin siya ni Sal. Parang kailan lang ng mga sandaling pasaglit niyang namamasdan ang labas sa tuwing panakaw na dadalaw si Ren. Panakaw sapagkat hindi nararapat silang magkita hangga't hindi nairaraos ang kasal. Sa pagkakaalam ng pamilya ni Sal, tanging ang naninilaw na talukbong lamang ang mukhang kilala ni Duren kay Sal. Hindi sinasadya ang kanilang pagkikita. Dahil ito sa kapangahasan ni Ren. Kapangahasan na ipinagpapasalamat ni Sal.

" Maari bang manatili tayong ganito habambuhay?"tanong ni Sal. Naisandal na pala niya ang ulo sa balikat ng kausap. Umayos ng upo si Ren para hayaan siyang maging komportable. Mariing hinawakan ni Sal ang agnos. Tama ba na siya pa rin ang nagmamay- ari nito? Dumiretso ng upo si Sal at gumuhit ng isang linya gamit ang kanyang mga daliri kay Ren. Sa pisngi, sa tungko ng ilong, sa maliit na kulubot sa tabi ng kayumanggi nitong mga mata, sa likod ng ulo na mayroong pangilang- ngilang puting buhok. Para bang ikamamatay niya ang hindi pagkabisado sa kanya.

Sapagkat iilang sandali na lamang ay kakatok na ang tagapagsilbi sa pinto ng kanyang silid. Pautloy siyang binabantayan. Kung hindi lamang dahil kay Ren. Sasabihin nito marahil sa kanya na bitawan nito ang lahat ng bigat, ang mga pag- aalinlangan.

Nakahawak pa rin si Ren sa mga kamay niya. Pumikit si Sal. Inilapit ang mga labi sa mukha ng katipan. Paunti- unti. Pagkakulong. Kalayaan. Ren. Tanging ang kanyang Ren.

Mali ito! Naririnig na naman niya ang mga salita ng Signor.Hindi niya ito magugustuhan. Magagalit ang Signor.

Humiwalay si Sal kay Ren. Iniwan ang agnos sa palad niya. Pinigilan ang sarili na lingunin ang alapaap o ang syudad, lahat ng mga ipinakita niya sa kanya at babalik siya sa kanyang cuarto.

" Patawad."

Si Duren iyon.


Ang Mutya ng SalaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon