I. panaginip

230 12 20
                                    


Binuklat ni Sal ang lumang kwaderno na nahanap niya kahapon sa mga patapong gamit sa kaniyang silid. Naninilaw na ang papel nito at gulanit ang gilid nito. Kakaiba ang mga salita liban sa isang petsa na kilalang-kilala niya.

1856

Ipinanganak siya sa taong ito.

Sa isang napakagandang umaga, pupunta siya sa labas. Babatiin siya ng langit at papanooring mag-iba ng hugis ang mga ulap. Malambot ngunit makati sa balat ang damo.

"Sal! Sal!"


Tinawag siya ng tagapagsilbi. Rinig pa rin ang boses niya kahit na nakasara ang pinto ng makulimlim na silid ni Sal.

Sa isang napakagandan umaga, maririnig niyang tinatawag siya ng malakas sapagkat tatawagin siya ng tagapagsilbi mula sa paanan ng isang burol. Magkukunwari si Sal na hindi niya siya naririnig. May binatang uupo sa tabi niya.


Kumatok ang tagapagsilbi.


Sa napakagandang araw na iyon, lilingon ang binata sa direksyon ng boses na tumatawag sa kaniya. Hahawak si Sal sa braso ng binata. Makikita niya ang bata niyang kapatid.

" Sasabihin ko iyan kay Papa!" Magsusumbong ang bata ngunit hindi ito iisipin ni Sal.

" May isinulat akong tula sa bagong wika na nakita ko." Magyayabang si Sal at matutuwa ang binata.

" Ipapakita ko rin iyon kay Papa. Magugulat siguro siya."


Kung napakaganda ng umaga, bababa si Sal sa burol para puntahan ang tagapagsilbi. Pupuntahan niya ang kaniyang Papa. Makikita niya siyang nakaupo sa ilalim ng mayabong na puno. Nakatalikod sa kaniya. Kakausapin siya ng Papa.

" Mga hayop sila!"

Napakibot si Sal.


Nagmula ang boses sa labas ng kaniyang silid, sa likod ng mga kapis na bintana na madalang niya lamang buksan. Natahimik sandali. Tinitigan niya ang mga bintana. Ang dali ngang kalimutan na nasa loob pa rin siya ng kaniyang silid at wala sa mga burol na nakikita niya sa labas. Pinagmasdan niya muli ang naninilaw na kwaderno tapos ay ang nakasarang pinto ng kwarto.

Sigurado, ang mga Mercantile na naman ang bisita ngayon. Kilalang- kilala na ang kanilang mga boses, malakas, maingay, ngunit peke. Ngayon lamang naging magaspang ang pananalita nila.


Nasa tabi ng kwaderno ang belo. Sandaling sumilay sa bintana ang imahe ng mga Mercantile na nanunudyo, nakaupo sa bintana. Malikmata. Mailis niyang tinakpan muli ang mukha gamit ang kaniyang belo. Napapasobra na siguro siya sa pagsilip sa labas. Naramdaman siguro nila ang kaniyang presensya kaya nagawa nilang magsalita ng ganoon.

Habang suot niya ang belo, hindi nila siya makikita.

Patuloy silang nag-usap. Ang wika nila, Caligarian? Halbioni? Ah, ni hindi sila nag-uusap sa wikang Mutiaran. Nagkaingay ang mga kabayo at mga kutsero. Bumuntong-hininga si Sal at binuksan ang bintana sa espasyong sapat lamang para isingit ang hinliliit.


Sa gabuhok na espasyo, kitang-kita ang bubong ng mga karwahe sa mga pader ng kanilang Casa. Sa bakuran, naroon ang isang binata. Lumingon ang binata sa kwarto ni Sal.

Nalaman niya sigurong pinagmamasdan niya siya. Ang isang mabuting dalaga ay mahihiya at isasara ang bintana, ngunit namula lamang si Sal at patuloy siyang pinagmasdan.

Ang Mutya ng SalaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon