Ngayon lamang niya napagtanto na nakakasakal na ang dilim, init, at amoy ng kanyang kwarto na dati ay isang santuaryo sa kanya. Isang santwaryo dahil ito lang ang kanyang pagmamay- ari. Lahat ng nandito ay kanya. Isang kasinungalingan.
Kung dudungaw sa bintana, maaninag ang parang pilak na liwanag ng buwan sa damuhan na nababahiran ng kaunting kahel na ilaw na mula sa mga lampara sa loob ng Casa. May pagdiriwang ba? Napakakakatwa. Walang hilig ang Signor sa mga ganitong kapritso. Ngunit di yon ang mahalaga. Ang importante ay ang mga bulaklak sa kanyang lamesa. Mga bulaklak na ipinadala ni Ren.
Kung paano ito nakalusot sa Signor ay hindi na rin niya maisip. Ganoon lang siguro kagaling si Ren. Ilang linggo bago ang araw na ito, gumuhit siya ng dibuho. Ipinadala niya ang larawan sa kasintahan na sinagot ng padala ng labing- apat na bulaklak ng krisantemo. Ika-labing apat ng Nobembre ang petsa ngayong gabi.
Binasag ang katahimikan ng mahinahon na katok sa pinto. Ah, ito na nga ang sandaling pinakahihintay! Halos takbuhin niya ang pinto. Isang manipis na larawan ang isiningit sa makitid na espasyo sa pagitan ng sahig at ng pinto. Nakaguhit dito ang isang prinsesang nakakulong sa tore na iniligtas ng isang prinsipe. Binuksan niya ang pinto at sinalubong nya ng buong lugod si Ren.
Nakatingkayad siyang tumayo para magsalubong ang kanilang titig. Idinampi ni Ren ang palad ni Sal sa kanyang maputlang pisngi, dinadama ito, bago yumuko para mailapat ni Sal ang mga paa. Idinikit ni Sal ang noo sa kaharap, pagkatapos ay niyakap. Inilagay ng binata ang agnos sa kamay ng dalagita at ibinuklat niya ang sarahan. Hinawakan naman ni Ren ang magkabilang dulo at binalot siyang muli sa kanyang mga bisig. Ibinalik niya ang agnos kay Sal.
" Itatago mo ba ito habambuhay?" bulong niya.
" Habambuhay." Tugon ni Sal.
Lumingon siya sa silid na siyam na taon din niyang kinalagyan. Kay tagal na nga pala! Pambihirang mga bagay nga ang naidudulot ng kapangahasan nila ngayon. Nakasuot pa nga ng isang magarang kasuotan si Sal. Ang sabi kasi ng guro niya sa mabuting asal, nararapat na magbihis ng maganda ang isang babae para sa kanyang asawa. Isang ordinaryong baro at makulay na saya at panuelo na may mga burda. Hindi ito karaniwan, kaya aminin man ay nakakahiya pa rin na makita siya sa ganong ayos.
" Kailangan nating magmadali, handa ka na ba?" Lumingon muna sa paligid si Ren bago humarap muli kay Sal. Tiningnan muli ni Sal ang sarili sa salamin ng agnos bagamat wala siang makita sa kulimlim ng kwarto.
Ilang segundo ang lumipas bago siya sumagot ng Oo. Matagal, mahina, tila nag-aalangan. Naalala ni Sal na iiwan na nga pala niya ang belo ngunit ito na ang kanyang pagkakataon.
Mahinahong ginabayan ni Ren palabas sa kwarto ang dalagita. Taliwas sa kanyang inaasahan, hindi ipinakita sa kanya ang daan na ginagamit sa pag- akyat sa bubong. Bagkus ay dumaan sila sa isang lagusan na nadadaanan lamang niya kasama ang mga tagapagsilbi kapag nais niyang magpunta sa palikuran. Isang bihirang daan palabas ng Casa. Isang daan para sa kanya.
Nang makalabas sa lupa ng mga Cuore, kasama niya ang kasintahan na pumasok sa isang carruaje na nakahimpil sa isang tagong lugar sa likod ng Casa. Nang makapasok sila ay saka lumbas ulit si Ren at bumalik kasama ang kutsero.
Unang beses niya na makakita muli ng kutsero ng malapitan, o ang makasakay muli ng carruaje o ang kahit lumabas man lang sa Casa nila. Sobra- sobra. Nakakatakot. At tila isang impulso, humiga siya sa mga hita ni Ren, sa anggulo na nakatago siya sa kutsero, sa mundo sa labas, at ang liwanag lang ng buwan ang umaabot sa kanya.
Sa maliit na espasyo ng bintana ay nakikita niyang sumusunod ang buwan sa kanila at tumatakbo palayo ang mga itim na pigura ng mga puno at ng mga bahay. Hindi na mawari kung nasaan na sila.
BINABASA MO ANG
Ang Mutya ng Salamin
General Fiction"Upang matagpuan nito ang sarili, kailangan nitong mabasag." Ang apat na sulok ng silid ang tanging mundong kinalakihan ni Sal. Gaya ng isang mayang nasa hawla, ninais rin niya na lumipad at makalaya sa kabila ng mga biyaya at yamang natatanggap bil...