Humampas ang hangin sa mukha ni Sal nang mahulog siya mula sa karitela. Nakapasok na sila sa Calare ang huling narinig niya sa kutsero. Bumagsak siya sa lupa. Tahimik na nakahiga niyang pinakinggan ang paghina ng tunog ng mga gulong ng karitela. Naupo siya sa lupa at nakabalot ng maputik na kumot. Wala pa ring pinagbago ang Calare, walang kulay o buhay. Tahimik pa rin.
Hindi mahirap hanapin ang Casa ng mga Cuore. Nangingibabaw ito sa ibang mga Casa sa distrito. Tiningnan niya ang bintana ng kaniyang dating silid. Dito niya huling nakita ang kapatid. Kumapal na rin ang damo sa paligid ng Casa at may lumot na na namumuo sa pader.
Lumapit si Sal sa bukana ng bahay at sinubukang kumatok ngunit nag- alangan siya. Masyadong tahimik. Tanging mga bahay-na-bato and saksi sa kanyang pagdating. Walang tao sa kalsada maliban sa kanya. Napakakakaiba.
Natapilok si Sal pagliko niya sa kanan. May nakahigang lalaki malapit sa pinto. Nakalaylay ang kamay, kita ang bunganga at nangagamoy ng alak. Nagising ito at napatingin sa kaniya. " Aba'y, nahulog yata sa akin ang alapaap. Ang tindi ng tama niyon." Maayos at disente and suot nito ngunit nangangamoy din siyang isda. Kinusot nito ang mga mata. Ang naririnig ni Sal noon sa mga tagapagsilbi, ang taong nasa impluwensya ng alak ay maitutulad sa taong wala sa sariling katinuan. Ngunit wala nang ibang tao sa paligid. Marahil, hindi maganda na magtanong pa siya. Marahil, isa siguro siyang maringal na bisita.
" Ikaw ba ay tagapagsilbi ng-" Natigilan si Sal, iniisip kung tama bang idugtong ang kataga 'ng aking Ama'. " Ikaw ba ay bagong tagapagsilbi sa bahay ko?" tuloy niya. Natawa ang lalaki. " Bata. Aywan ko at napadpad ka dito pero hindi ito lugar para maglaro. Saka, ang mga tagapagsilbi, wala silang kasuotang ganito kaganda. Nakikita mo ito? Buhat pa ito sa Halbion sa kanluran."
Tinitigan lamang siya ni Sal. Hindi siya batang paslit na napadpad doon para maglaro. Ito and tahanang hindi niya iniwan ni minsan man. Napasimangot na lang ang kaharap.
" Matagal nang abandonado ang bahay na ito. Ilang lingo na rin. Wala ka ring mananakaw dito, wala ring silbi
"Bakit hindi ako pwedeng manatili dito?"
Tumayo ito para mag-unat unat. " Ang gamo-gamong nakikipaglaro sa apoy ay masusunog. Natawa ito muli ngunit nanahimik lang si Sal kaya't nabura na ang sarkastikong ngiti dito.
" O, sige. Heto ang nalalaman ng lahat. Ang Signor na may- aring bahay na ito ay nagkasala sa batas at ngayong wala nang magpapatakbo dito. Umalis lahat ng mga tagapagsilbi. Nawala. Parang mga langgam na nagkalat. Poof! Parang ganon." Tinapik nito ang balikat ni Sal pagkatapos ay ginulo-gulo ang mahabang buhok ni Sal. Wala pang ibang gumawa noon sa kaniya.
" Itinuturing mo bang isang bata ang isang nasa edad labimpito?" Sinamaan siya ng tingin ni Sal habang tinatanggal ang maputik na telang nakabalot sa kaniya. Ipinakita niya sa kaniya ang luntiang mga mata. Nag- iba ang ekspresyon sa mukha ng lalaki. Sinubukan niya muling buksan ang pinto ngunit mabilis na hinagip ng lalaki ang pulsuhan ni Sal.
" Bakit ka nandito?" Mabigat ang tono ng lalaki.
"Dito ako nakatira."
" Hindi kukuha ng tauhan ang Cuore sa lahi mo. Walang maykaya dito sa Kabisera ang gugustuhing makita na kasama ang isang katulad mo. Iisa lang ang anak ng pamilya dito at kasalukuyan siyang nawawala. "
Ininspeksyon siya ng lalaki ngunit ang huling pangungusap lang ang inalala ni Sal. Noong huli niyang makita ang kapatid, pabalik ito sa Paaralan. Mula sa kanan ng Casa, may mga dumating na Konstable dahilan para magulat ang lalaking kaharap at bitawan siya. Madali siyang tumakbo papunta sa kanila.
May mga hawak silang iilang armas. May mga dala-dala rin silang mga kabayo. Base sa pag- uusap nila, nakasisiguro na susugod sila sa Casa.
Nahiga si Sal para harangan ang pinto. Pinilit nila siyang tumay. Nagagalit na sila. Naubusan na ng pasensya. Maari ngang totoo na na pinoprotektahan niya ang isang bahay na walang laman. Marahil nga'y isang kalokohan ngunit ito ang kaniyang tahanan. Ang bagay na kaniya. Ang uuwian ni Oleon.

BINABASA MO ANG
Ang Mutya ng Salamin
General Fiction"Upang matagpuan nito ang sarili, kailangan nitong mabasag." Ang apat na sulok ng silid ang tanging mundong kinalakihan ni Sal. Gaya ng isang mayang nasa hawla, ninais rin niya na lumipad at makalaya sa kabila ng mga biyaya at yamang natatanggap bil...