Prologue

37.4K 590 19
                                    



NAPATIGIL si Ailene sa pagbaba sa steps nang makita ang bukana ng kuwebang kung tawagin ay Lumiang Burial Cave. Napalunok siya.

No freaking way. There's no way I'm going inside that creepy cave.

Tumalikod siya. Sa kuweba pa nga lang mismo ay natatakot na siya, sa kuweba pang may nakalibing na mga bangkay sa bukana?

Pero... may karapatan ba siyang mag-inarte kung ang katumbas ng pagpasok niya sa kuwebang iyon ay ilang daang milyong piso at pride ang kapalit? Kailangan na lamang niyang isipin na sumali siya sa The Amazing Race o sa Fear Factor kung saan may kapalit na malaking premyo at titulo kapag nanalo siya.

Ngunit hindi lamang ang pagke-caving ang kailangan niyang gawin. Kailangan niyang i-explore ang kagubatan at mga bundok sa Sagada na siyang pinupuntahan ng mga adventurous tourists na napapadpad sa lugar na iyon. Iyon ang hamon sa kanya ng yumaong lolo niya. Iyon ang nakasaad na proviso sa last will and testament ng matanda. Makukuha lamang niya ang kanyang mana kung makukumpleto niya ang challenge na iyon.

Siya na walang kainte-interes sa nature at experience sa adventure? Paano niya magagawa ang hinihinging kondisyon sa last will? Kaya ba niyang gawin at puntahan ang lahat ng nakalistang activities at tourist spots sa Sagada sa sulat ng kanyang lolo? Parang gusto niyang mag-walling at magngangawa. Bakit kailangang pahirapan siya ng kanyang lolo?

Bigla niyang naalala ang isang linya sa sulat na iniwan sa kanya ng lolo niya.

Ang tagumpay at kayamanan ay pinaghihirapan at hindi basta na lamang nakukuha...

"Tutuloy ka pa ba, Ma'am?"

Nilingon ni Ailene ang nagsalita. Ang tour guide na ibinigay ng tourist information center ang kasama niya. Bakas sa mukha ni Marco ang munting pagkainip.

Kanina nang makita niya si Marco ay nagtaka siya kung bakit guwapo ang tour guide niya. Moreno, matangkad at hunk ang lalaki. Curly shag ang hairstyle ng buhok ni Marco kaya nagmukhang rugged ang aura nito. He was ruggedly handsome. Hindi niya inakala na mayroong tour guide na mukhang modelo ang hitsura at tindig. Mukhang haciendero si Marco. In fact, kung hindi lamang niya nalamang tour guide ang lalaki ay baka napagkamalan niyang turista ito.

"At saka talaga bang magke-caving ka nang ganyan ang suot?" patuloy ni Marco

Niyuko ni Ailene ang sarili. Anong masama sa suot niyang Dolce and Gabanna wool flare coat na kulay brown, Levi's black skinny jeans at suade boots? Lahat ng iyon ay galing lamang sa ukay-ukay pero hinding-hindi niya sasabihin iyon. "Anong mali sa suot ko?"

Hinagod ni Marco ng tingin ang kabuuan niya. "Lahat."

Napasinghap siya. "As in?"

Kung makatingin si Marco ay parang natatangahan ito sa kanya. "Kuweba ito, Ma'am. At hindi lang basta kuweba. Makikipot ang mga daanan papunta sa loob, mabato, maputik, may natural pool sa loob, may mga paniki sa ceiling. Kailangan mong sumuot sa mga butas, mag-rappel, mag-climb sa mga bato, mag-slide at lumangoy. Sa tingin mo, puwede 'yang suot mo sa technical spelunking?"

Technical spelunking? Parang gusto niyang mahimatay. Talaga bang gusto ng kanyang lolo na danasin niya ang ganoong klaseng hirap? Paano kung mahulog siya habang nagra-rappel? Paano kung mabagok ang ulo niya? Gusto ba ng kanyang lolo na sumunod siya rito sa kabilang buhay? Hindi makatarungan ito.

Pero pumasok sa isip niya ang nagkikislapang signboards ng mga sikat na luxury brands. Kung makukuha niya ang kanyang mana ay makakabili na siya sa wakas ng mga brand new luxury clothes, shoes, bags, jewelries at kung anu-ano pa. Makakabili na rin siya ng luxury car at titira na siya sa sarili niyang mansiyon.

Kung kinakailangan niyang ilagay ang isang paa niya sa hukay ay gagawin niya para matupad ang mga pangarap niya. Gagawin niya ang lahat para yumaman siya. Gagalugarin niya ang buong kagubatan ng Sagada kung iyon ang gusto ng kanyang lolo.

"Well, naisip kong ayoko munang mag-caving," sabi ni Ailene sa guwapong tour guide. "Doon muna tayo sa..." Saglit pa niyang inisip ang mga nasa listahan niya. "Eco-cultural tour."

"Eco-cultural tour," gagad ni Marco. "Echo Valley, Hanging Coffins, underground river..."

"Hanging coffins? Iyon ba 'yong mga kabaong na nakabitin sa limestone cliffs?"

Tumango si Marco.

She cringed. "May... may nagmumulto ba doon?"

Ngumisi si Marco. "Kung mayroon man, hindi sila nang-aano." Bumaba ang tingin ng lalaki sa mga paa niya. "Madulas ba ang suwelas ng boots mo?"

"Bakit?"

"Magte-trek kasi tayo. Mabangin doon. Kabi-kabila ang malalalim na mga bangin. Madalas na makipot at madulas ang rough trail. Kaya kailangan ng komportable at hindi madulas na footware. Sa katunayan, may nahulog nang Italyano sa bangin sa Echo Valley. Kaya dapat tayong mag-ingat."

Napalunok si Ailene sa takot. May namatay na roon? Nang tingnan niya si Marco ay nabasa niya ang curiosity sa mga mata ng lalaki. Nagtataka siguro ito kung bakit kahit halatang takot siya ay isusuong niya ang sarili sa ganoong klaseng adventure nang nag-iisa.

"Kung natatakot ka, makabubuting 'wag ka nang tumuloy," advise ni Marco. "'Wag mong pahirapan ang sarili mo."

"Hindi mo naiintindihan. Kailangang-kailangan kong gawin ito."

Mukhang lalong na-curious si Marco pero tila hindi makuhang magtanong.

"Dito nakasalalay ang lahat ng pangarap ko," madamdaming sabi niya. Hinugot niya mula sa kanyang bag ang leaflet na ibinigay sa tourist information center. "Kailangan kong mapuntahan ang lahat ng nakasulat dito."

Halatang nag-iisip si Marco. Hindi niya puwedeng sabihin dito ang totoong sitwasyon niya. Hindi niya kilala ang lalaki. Baka magkainteres pa ito sa mana niya at pumorsyento pa sa makukuha niya bilang tour guide niya. Or worse, baka kidnap-in siya ni Marco kapag nakuha na niya ang mana niya.

"Kung gano'n, gawin mo kung anong kailangan mong gawin," kibit-balikat na sabi ni Marco.

"Pero... hindi ba delikado?" nag-aalangang tanong ni Ailene.

"'Wag kang mag-alala. Hindi kita pababayaan." Ngumiti ang guwapong tour guide.

Napatitig siya kay Marco. Talaga bang hindi siya pababayaan ng lalaki? Tutulungan ba siya nitong makompleto ang hamon sa kanya ng lolo niya? Mabait kaya si Marco? At higit sa lahat, single pa kaya ang lalaki?

Teka, ano bang pakialam niya kung single pa si Marco?

Huminga siya nang malalim. This is it.

Gagawin niya ang kailangan niyang gawin. Kiber sa mapanganib na nature trip. Mapapasakanya ang mana niya.


This is the first book of Barely Heiresses Series. This series has eight books in total and was written by eight different authors each book. Please check out the other books in my library (Reading list : Barely Heiresses) to see the other books. Happy reading!

Barely Heiresses Series  #1 : Ailene [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon