"AYOKO na!" reklamo ni Ailene nang marating nila ang underground river. Yumuko siya at itinukod ang mga kamay sa tuhod habang hinihingal.
Hindi siya pinagpapawisan dahil malamig ang klima pero pagod na pagod na siya. Kanina pa sila naglalakad sa makipot at masukal na daanan. Ilang beses na halos humiwalay ang kaluluwa niya sa katawang lupa niya sa takot sa mga banging nararaanan nila.
"Ayoko na! Gusto ko nang umuwi."
"Kailangan nating magpatuloy," sabi ni Marco. "Walang shortcut dito papunta sa bahay n'yo. Kailangan nating tapusin ang trail palabas sa sementadong kalsada."
"Malayo pa ba?"
"Medyo."
Napalabi siya. Parang gusto na niyang umiyak at maglulupasay. "Pagod na pagod na 'ko. Hindi ba puwedeng magpahinga na muna tayo?"
Ang lugar na iyon ay ang pinakababa ng bangin kung saan may malaking kuweba na dinadaluyan ng underground river. Maraming maliliit na bato ang nagkalat sa paligid. May ilang mga puno rin doon ngunit mas pinili niyang sumalampak sa gitna—malapit sa ilog—dahil sa takot na baka biglang may sumulpot na ahas.
Wala na siyang pakialam kahit madumihan ang pants at coat niya. Pagod na pagod siya.
"Puwede ka na munang magpahinga," wika ni Marco. "Pi-picture-an ba kita habang nakasalampak ka riyan?" tanong nito habang inihahanda ang camera.
Kanina, kahit pagod at iritado na siya sa walang hanggang lakaran sa gitna ng mga bangin ay todo-smile pa rin siya sa tuwing may picture at video.
"Don't you dare!" asik niya sa lalaki.
Nakuha pang ngumisi ng kumag. Sa halip na maawa ay parang naaaliw pa sa kamiserablehan niya si Marco. Inirapan niya ang lalaki. Hinubad niya ang boots at medyas niya dahil pakiramdam niya ay pudpod na ang mga talampakan niya. Masakit ang mga paa at binti niya. Pagkaalis niya sa mga sapatos ay nakita kaagad niya ang pamumula ng mga talampakan niya, partikular ang mga daliri ng paa. Inikot-ikot at iginalaw-galaw niya ang mga paa para maibsan ang sakit.
She could not believe his grandfather wanted her to suffer like that. Ang sabi ng kanyang lolo ay gusto nitong ma-appreciate niya ang nature sa pamamagitan ng paggalugad sa Sagada. Pero paano niya maa-appreciate ang kalikasan kung walang ginawa ang lugar na iyon kung hindi ang takutin siya sa mga bangin at pagurin siya nang ganoon?
"Kailangan mo ba ng tulong?" tanong ni Marco nang tumigil ito sa harapan niya. Nakatingin ang lalaki sa mga paa niya. "Magaling akong magmasahe ng paa."
Nag-angat siya ng kilay. Tour guide-slash-masahista? Masyado yatang attentive ang lalaki.
"Anong iniisip mo? Pati ba sa paghawak sa paa mo, iniisip mo na may malisya ako?"
"Hindi ko iniisip 'yon!" mabilis na sagot niya. "May extra charge?" Naalala niya si Berry na sa tuwing may gagawin pabor sa kanya ay nanghihingi ng 'lagay.'
Marco smiled crookedly. "Mukha bang pera ang tingin mo sa akin?"
Umakto pa siyang nag-iisip. "Okay. Masahihin mo ako."
Umupo sa harap niya si Marco at kinuha ang kaliwang paa niya. Inispeksiyon nito ang mga iyon na para bang hinahanapan ng imperfection ang paa niya. Sa palagay niya ay na-impress ang lalaki sa paa niya dahil alaga iyon sa foot spa at cute ang pink nail polish niya.
Sinimulan ni Marco na hagurin ang paa niya. In fairness ay masarap ang ginagawa ng lalaki.
"Hindi ka ba talaga sanay sa mahabang lakaran?" tanong ni Marco.
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series #1 : Ailene [COMPLETED]
Roman d'amourSi Ailene ay isang sosyalerang walang pera. Lahat halos ng damit at sapatos niya ay branded pero galing lang ang mga iyon sa ukay-ukay. Ang mga signature bags niya ay class A replica. Updated siya sa latest high-end gadgets pero binibili lang niya a...