ALA-UNA na nang madaling araw pero hindi pa rin makatulog si Ailene dahil sa kaiisip sa nangyari kanina. Pinasan siya ni Marco hanggang sa ibaba ng bundok at binuhat papasok sa sasakyan ng minamaneho ng driver. Idiniretso siya ng lalaki sa ospital para ipatingin sa doktor ang tuhod niya kahit alam naman niyang hindi naman seryoso iyon.
Sumama pa si Marco sa paghatid sa kanya sa bahay niya. Karaniwan kasi ay bumababa na ang lalaki sa sasakyan kapag nasa town na sila. Ang driver ang naghahatid sa kanya. Ngunit sa pagkakataong iyon ay inihatid siya ni Marco para mabuhat hanggang sa loob ng mansiyon.
Hindi tuloy niya maiwasang isipin kung gaano kaya ka-sweet na nobyo si Marco. Kung ganoon mag-alaga sa costumer na babae ang binata, paano pa kaya kung nobya na nito? Marco was not only physically beautiful. He was also very caring and sweet. Kung sana lang ay mayaman ang lalaki, kompletos rekados na sana ito.
Bigla siyang bumangon sa pagkakahiga sa kama. Teka, bakit pinupuyat niya ang sarili niya sa pag-iisip sa isang tour guide? Isa siyang Banal. Hindi dapat niya iniisip ang isang hamak na tour guide. Hindi dapat niya ninanamnam sa isip ang pagdidikit ng mga katawan nila kanina.
Napagpasyahan niyang bumaba sa kusina para uminom ng tubig at baka sakaling mahimasmasan siya sa nangyayari sa kanya.
Patay ang ilaw sa kusina pero may liwanag doon at galing iyon sa nakabukas na ref. Paglapit niya ay napangiwi siya. Nakatambay na naman sa nakabukas na pinto ng ref si Berry habang kumakain. Nakalapag sa sahig ang mga kinakain ng kapatid. Ngumiti si Berry nang makita siya.
"'Uy! Tara, saluhan mo 'ko," yaya ni Berry.
Umiling siya. "Kukuha lang ako ng tubig." Inabot niya ang pitsel mula sa loob ng ref. "Bakit ba palagi kang nakatambay diyan? Puwede ka namang kumain doon sa table."
"Mas okay dito kasi mas madaling umabot ng pagkain. Nakakatamad 'yong bukas-sara ng pridyider."
Napanganga si Ailene sa ibinigay na paliwanag ni Berry. "Hindi mo ba alam kung gaano kalaki ang kuryenteng nasasayang dahil nakabukas ng ref nang matagal?"
"Okay lang 'yon! Mayaman naman ang pamilya Banal. Kayang-kayang bayaran 'yan. Gusto mo, bilhin pa natin 'yong Meralco, eh," sabi ni Berry habang ngumunguya. "'Nga pala, 'yong naghatid sa 'yo kanina, dyowa mo ba 'yon?"
"Hindi, ah! Tour guide ko lang 'yon."
Bakit lahat na lang ay pinagkakamalan silang magnobyo? Miski iyong tindera sa tindahan sa Bokong Falls na pinagbilhan nila ni Marco ng softdrinks ay sinabing bagay sila ni Marco. Dapat ay naiinis siya pero bakit parang may kaunting kilig siyang nararamdaman sa tuwing may nanunudyo sa kanya kay Marco?
"Tour guide?" bulalas ni Berry. "Ganoon kaguwapo at ka-macho, tour guide?"
"Oo nga."
"Mukha siyang mayaman. Ang kinis ng kutis sa mukha. May dyowa ba 'yon? Dyowain ko kaya."
"'Wag na 'wag mo siyang lalapitan!" marahas na utos niya.
Natigil sa pagkagat ng lemon pie si Berry at tumitig sa kanya. Nagliwanag ang mukha ng kapatid. "Ah... type mo, no!"
Nagbuga siya ng hangin. "Excuse me! Hindi ko siya type! Isa akong Banal. Bakit ako magkakagusto sa isang tour guide lang?"
"Weh?" Bakas ang pagdududa sa mukha ni Berry. "Type mo! Kunwari pa 'to, eh. Siguro nga hindi siya bagay sa 'yo dahil mayaman ka at mahirap lang siya. Pero kailangan mo bang magseryoso?"
"Anong ibig mong sabihin?" kunut-noong tanong niya.
"Hindi mo naman papakasalan, eh. Hindi mo seseryosohin. Fling-fling lang. Habang nandito ka sa Sagada, i-fling mo. Pag-uwi mo sa Manila, good-bye. Gano'n lang. Parang titikman mo lang ang hotness niya." Ang wicked ng ngisi ng kapatid.
Napasinghap siya sa sinabi ni Berry.
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series #1 : Ailene [COMPLETED]
RomanceSi Ailene ay isang sosyalerang walang pera. Lahat halos ng damit at sapatos niya ay branded pero galing lang ang mga iyon sa ukay-ukay. Ang mga signature bags niya ay class A replica. Updated siya sa latest high-end gadgets pero binibili lang niya a...