ALAS singko ng madaling araw ay nasa Kiltepan Peak na sina Ailene at Marco para panoorin ang sunrise. Umupo sila sa malapit sa edge ng bundok habang hinihintay ang paglabas ng araw. Balot na balot na si Ailene ay medyo giniginaw pa rin siya. Parang gusto niyang mag-request ng body heat mula kay Marco kung hindi lamang medyo nakakahiya.
"Sea of clouds," sabi ni Marco habang nakatanaw sa tila makapa na puting usok na tumatabon sa overlooking.
"Wow!" sambit niya. Totoong namangha siya. "That's cool! Parang nasa itaas na rin tayo ng clouds."
"Napakataas kasing lugar ang Sagada. Kaya makikita mo na nilalamon ng ulap ang mga bundok."
"Gaano nga kataas ang Sagada?"
"One thousand five hundred meters above sea level ang Central Sagada."
"Wow! It feels like we're on the top of the world." She had dreamed of being on top of the world. Pero hindi sa literal na paraan. "Parang ganito kataas ang pangarap ko. Hanggang itaas ng ulap. Parang imposible pero puwede palang mangyari."
"So, iyong sinasabi mo noong una tayong nagkita na pangarap mo... ay ang yumaman?"
Tumango siya. "Buong buhay ko, pinangarap kong yumaman. Little did I know mayaman pala talaga ako."
"Gaano kahalaga sa 'yo ang yumaman?"
"Tinatanong pa ba 'yan? The fact na nagpapakahirap akong akyatin ang lahat ng bundok sa Sagada, pasukin ang mga kuweba, tumawid sa gitna ng mga bangin at tiisin ang lamig, ibig sabihin, mahalang-mahalaga sa akin."
Hindi niya maintindihan kung bakit mukhang disappointed si Marco sa sinabi niya. Kunsabagay ay nabanggit nga pala ng lalaki na gusto lang nito ng simpleng buhay sa probinsiya. Mukhang walang interes na yumaman si Marco. Nakaramdam siya ng panghihinayang para sa binata. Gusto niya ng lalaking may gustong marating. Si Marco na sana ang ideal man niya kung mayroon lamang itong pangarap sa buhay.
"Masaya ka na ba talaga sa ganito?" naisipan niyang itanong para pagbaguhin ang isip ni Marco. "Nagpapakapagod ka sa pagtu-tour guide araw-araw gayong puwede ka namang pumunta sa Maynila at maghanap ng magandang trabaho. Alam kong matalino ka. Naobserbahan ko iyon. Kung inaalala mo ang educational qualification, mayroon din namang mga magandang trabahong hindi masyadong kailangan ng educational attainment. Kailangan mo lang patunayan na may ibubuga ka. Bit by bit, aangat ka kung gugustuhin mo. Puwede ka pang yumaman kung magtitiyaga ka."
"Hindi mahalaga sa akin ang pera. Gusto ko lang ng simpleng buhay. Simpleng buhay na walang kumokontrol sa akin kundi sarili ko. Dito ako masaya. Hindi ko kailangan ng pera para sumaya ako."
Medyo tinamaan si Ailene sa sinabi ni Marco. Mukhang pera siguro ang tingin sa kanya ng lalaki. Bigla ay nagkaroon siya ng urge para ipaliwanag ang sarili upang hindi siya ma-bad shot sa binata.
"Ang ginagawa kong ito, hindi lang ito para sa sarili ko. Kung hindi para sa mama ko. Hindi kami naghikahos pero hindi namin naranasan ang marangyang buhay. Hindi ako nakapasok sa pangarap kong university noong college dahil hindi ako kayang pag-aralin ng mama ko doon. Wala akong amang tumulong sa kanya para buhayin ako. May responsibilidad ako sa mama ko. Ipinangako ko sa kanya noong naka-graduate ako na yayaman kami. Ipaparanas ko sa kanya ang marangyang buhay."
"Pero hindi sa yaman nagiging totoong masaya ang isang tao," wika ni Marco. "At the end of the day, pagkatapos mong mahiga at maligo sa salapi, may mararamdaman kang emptiness. At malalaman mo na hindi pala pera ang totoong makakapagbigay sa 'yo ng tunay na kasiyahan."
Napatitig si Ailene kay Marco. Seryosong-seryoso ang mukha ng lalaki na tila ba may pinaghuhugutan sa sinabi. Biglang kumunot ang noo ng binata.
"Nanginginig ka," puna ni Marco. Ikinulong ng binata ang mukha niya sa mga palad nitong walang guwantes.
Niyon lang niya namalayan na nanginginig na pala siya sa ginaw. "Malamig kasi. Nine degrees celcius daw kani-kanina nang i-check ko sa cellphone ko ang temperature."
Ikiniskis ni Marco ang mga palad sa bawat isa at muling inilapat sa mga pisngi niya. Naramdaman niya ang init sa mga palad nito. Hinubad ng binata ang jacket nito at ipinatong sa coat niya.
Na-touch siya sa ginawa ng binata. "Baka naman ikaw ang lamigin dahil wala ka nang jacket."
"Kaya ko ang lamig. Sanay na ako. Punta tayo sa bonfire."
Nilingon niya ang bonfire. "Maraming tao. Hindi tayo makakasingit."
"Gusto mo ng... body heat?" Tila medyo nag-alangan pa si Marco sa pag-aalok sa init ng katawan nito.
"H-Hindi ka puwedeng maghubad dito." Nakuha pa niyang isipin ang abs ni Marco sa pagkakataong iyon.
Ngumiti si Marco. "Hindi ko naman kailangang maghubad. Puwede naman kitang yakapin na lang para mabawasan kahit paano ang panlalamig mo. Parang human jacket o human coat. Kung anuman ang tawag doon. Iyon ay kung papayag ka."
Tumango siya. Tatanggi pa ba siya kung nagyakapan na sila ng binata noong gininaw siya sa Twin Falls? At bakit siya tatanggi kung ang totoo ay kinasabikan niya na muling mangyari ang tagpong iyon?
Habang magkayakap sila ay nabawasan ang ginaw ni Ailene. Pero nadagdagan naman ng extra beat per minute ang puso niya. Parang hindi na siya nanginginig dahil sa ginaw, mukhang nagte-tremble na siya dahil sa kilig naman. Kung ganoon siya kiligin sa tuwing magkayakap sila ni Marco, paano pa kaya kung hahagkan na siya ng binata?
Iniangat niya ang ulo niya sa pagkakasandal sa balikat ni Marco upang tingnan ang mukha ng lalaki. Gusto niyang makita kung may reaksiyon din ang binata sa pagkakalapit nila nang ganoon. Gusto niyang malaman kung nag-offer lang ng yakap si Marco upang makatulong o gusto rin talagang mayakap siyang muli. Gusto niyang kompirmahin kung totoo ang sinabi ni Eira na may gusto rin sa kanya si Marco.
Tinitigan niya ang mga mata ni Marco nang hindi tuluyang bumibitiw sa yakap ng lalaki. Tumitig din ang binata sa kanya. Bumaba ang tingin niya sa mga labi ni Marco bilang pagbibigay ng signal sa lalaki sa gusto niyang mangyari. Yes, she wanted to feel his lips against hers so badly.
Unti-unti niyang inilapit ang mga labi niya sa mga labi ni Marco pero napahinto siya nang biglang may sumigaw sa mismong tabi nila.
"The sun is peeking already!" tinig ng isang lalaking British tourist na na-recognize niya dahil sa accent.
Napadilat siya. Sinira ng turista ang momentum! Nahiya naman siyang ituloy ang paghalik kay Marco kung nagsisimula na palang magpakita ang ipinunta nila sa peak ng Kiltepan. Binitiwan na siya ni Marco at inalalayan siyang tumayo para panoorin ang sunrise.
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series #1 : Ailene [COMPLETED]
RomanceSi Ailene ay isang sosyalerang walang pera. Lahat halos ng damit at sapatos niya ay branded pero galing lang ang mga iyon sa ukay-ukay. Ang mga signature bags niya ay class A replica. Updated siya sa latest high-end gadgets pero binibili lang niya a...