Part 5

11.2K 269 9
                                    


HABANG bumababa sa grand staircase si Ailene ay nakatingin sa kanya ang lahat ng nasa living room. Yes, nag-grand entrance siya sa suot niyang Victoria's Secret faux fur cream coat, Zara pink dress at Guess knee-high boots na lahat ay galing sa ukay-ukay. Feeling siguro nila ay may artistang dumating.

"Hi, everyone!" bati ni Ailene nang tuluyan na siyang makababa. May mga ngiting-ngiti, mayroong nakangiti lang nang bahagya at mayroon ding walang kangiti-ngiti.

Si Don Alfonso ay nakatingin lang sa kanya. Hindi niya mabasa ang nakalarawan sa mga mata ng matanda kaya hindi niya alam kung anong iniisip ng kanyang lolo tungkol sa kanya. Ngunit alam ni Ailene na may mga nalalaman ang matanda tungkol sa kanya mula sa pagpapasubaybay na ginawa nito sa kanya. Baka alam ng kanyang lolo na galing lang sa ukay-ukay ang mga suot niya. Nabawasan tuloy ang confidence niya. Sana naman ay hindi kaagad naitsika ng kanyang lolo sa mga kapatid niya na second hand lang ang mga damit niya.

Si Aunt Carrie na nasa likod ng wheelchair ng don ay mukhang humanga sa suot niya. Pakiramdam ni Ailene ay nainggit ang madrasta sa outfit niya. Siguro kapag nagkaroon sila ng panahong magtsikahan tungkol sa fashion ay tiyak na hihingi ng advice sa kanya ang madrasta.

Hinawakan ni Yumi ang kamay niya. "Girls," tawag-pansin ni Yumi sa limang babaeng iba't-iba ang hitsura at bihis. "This is one of our sisters. She's Ailene Solis. She's a call center agent and—"

"I'm twenty-four years old," sansala ni Ailene sa pag-i-introduce ni Yumi sa kanya. "My interest is fashion. My zodiac sign is Aries and my favorite color is pink." Ngumiti siya sa kanilang lahat pero peke lang ang ngiting iyon.

Mukhang naaliw si Yumi sa mga sinabi niya. Hindi siguro inaasahan ng kapatid na iyon ang ibibigay niyang first set of information tungkol sa kanyang sarili. Pinag-usapan na siguro ng mga kapatid ang tungkol sa tinapos na kurso noong kolehiyo, eskuwelahang dinaluhan, lugar na pinaggalingan at kung anu-ano pang mga nakakabagot na impormasyon tungkol sa sarili ng bawat isa. Wala interes si Ailene na malaman ang mga iyon.

Mas gusto niyang malaman kung ano ang zodiac sign ng mga kapatid para mabasa niya sa horoscope kung ano ang personality ng lahat at kung compatible ba ang signs nila sa bawat isa. Mas madali iyon kaysa ang mag-bonding pa sila para kilalanin ang isa't-isa.

"Hi, Ate Ailene!" masiglang bati sa kanya ng isang babaeng sa tingin niya ay mas bata sa kanya ng ilang taon. Nagniningning ang mga mata ng babae na para bang nakakita ng isang sikat na celebrity.

Well, naiintindihan ni Ailene kung na-mesmerize man ang kapatid sa ganda niya. Simple lang kasi ang damit ng babae. Kaya na-overwhelm marahil sa bonggang outfit niya.

"I'm Eira! My favorite color is green and my zodiac sign is Saggitarius." Bigla na lang siyang niyakap ni Eira nang mahigpit.

Parang gustong ilayo ni Ailene si Eira sa kanya dahil baka ma-deform ang mga balahibo ng suot niyang coat. Nakahinga siya nang maluwang nang bumitiw sa kanya ang kapatid. Malaki pa rin ang pagkakangiti ni Eira.

"And by the way, I hate veggies," dagdag ni Eira. "Ikaw, anong hate mo?"

"Iyong mga FC," kaswal na sagot niya.

"Anong FC?" tanong ni Eira.

"Feeling close agad."

Parang hindi naman nakahalata si Eira na may patama rito ang isinagot niya. Nginitian ni Ailene nang peke ang nakababatang kapatid at inilipat ang tingin sa katabi ng huli.

Nakataas ang isang sulok ng mga labi ng isa pa niyang kapatid habang nakatingin sa kanya. Nakasuot lang ng T-shirt at jeans ang babae. Parang hindi pa nga yata nagsuklay. Mukhang walang balak magpakilala sa kanya ang kapatid kaya siguro ay nagkusa na si Vera na ipakilala siya sa babaeng may misteryosong ngiti.

Barely Heiresses Series  #1 : Ailene [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon