Part 12

8.7K 244 18
                                    


TINITIGAN ni Ailene ang mahaba ngunit mababang hapag na may malalaking dahon ng saging na pinagdugtung-dugtong. Nakahain na sa dahon ang mga pagkain. Nakasalampak silang lahat na magkakapatid palibot sa boodle fight dinner na inihanda ng isang local guide para sa kanila. Gaya nga ng plano ay magka-camping silang magkakapatid sa Lake Danum.

Tumabi na naman sa kanya si Eira sa hapag. Si Berry ay tumabi lang sa kanya dahil wala nang mapupuwestuhan. Ayaw niyang katabi si Berry pero kaysa naman si Sky ang tumabi sa kanya, pagtitiyagaan na lang niya ang kawalang table manners ni Berry na tamang-tama lang naman dahil hindi kailangan ng table manners sa klase ng dinner na pagsasaluhan nila.

Kumakain na ang lahat pero siya ay nakatunganga pa rin. Makita pa lang niya kung paano dumakot ng ulam at kanin si Berry ay nawawalan na siya ng gana.

"Ailene," tawag-pansin sa kanya ni Yumi. "Bakit hindi ka pa kumakain?"

"Hindi ko lang type ang ulam."

"Ang sarap kaya!" sabad ni Berry na may tumalsik pang mga butil ng kanin mula sa bibig.

Ang ganda sanang babae pero balahura. Ang totoo ay gusto sana niyang turuan ng table manners at proper etiquette si Berry. Pero baka imbes na magpasalamat ay hingan pa siya ng bayad ng kapatid kapalit ng pagpayag na turuan niya.

"Kung ayaw mo ng parte mo, akin na lang," alok pa ni Berry.

Muntik na niyang pandilatan si Berry.

"Ate Ailene," tawag sa kanya ni Eira. "Natatakot ka sigurong masira ang nail polish mo. Wala akong nail polish. Gusto mo subuan kita?" Dumakot ang bunso nila ng kanin at ulam at iniumang sa kanya.

Napanganga siya sa sinabi ni Eira pero kaagad din niyang isinara ang bibig dahil baka bigla nga siyang subuan ng kapatid gamit ang kamay bilang kobyertos. "No, thanks." Alam niyang nagmamagandang-loob lang si Eira pero ang weird ang gustong mangyari ng kapatid. "Si Mabel na lang ang subuan mo. I'm sure, maa-appreciate niya 'yan." Dahil gusto ni Mabel na may gumagawa ng mga bagay para dito.

At inalok nga ng loka si Mabel at nagpasubo naman ang huli kay Eira. Muntik nang matampal ni Ailene ang noo.

"Start eating, Ailene," sabi ni Vera. "Minsan lang ito. Ma-experience mo man lang. Gayahin mo ako. Watch carefully." Napatingin siya sa paraan ng pagkain ng pangalawang panganay nila. Si Vera ay mukhang sosyal pero cowgirl. Kahit nagkakamay ay parang may touch of class pa rin.

Napilitan na siyang magsimulang kumain. Ginaya na lang niya ang pagkain ni Vera. Hindi tumigil sa pag-i-instruct ang kapatid hanggang sa ma-perfect niya ang pagkain nang nakakamay. It was not as if she did not know how to eat with her hands. Hindi lang talaga niya type ang military style of eating. Lalo na kung ang katabi niya ay si Berry na mukhang pati ang parte niya ay kinukuha na rin nito nang pasimple.

Napatingin si Ailene kay Amira na nasa dulo at tahimik na kumakain. Parang walang kasalo ang kapatid at walang pakialam sa paligid. Natitiyak niya nang mga oras na iyon ay iniisip ni Amira na hindi mga tao ang mga kasama kung hindi mga puno at ang kaluluwa ni Amira ay naglalakbay sa nature.

"May dinala akong bottle of champagne!" Itinaas ni Sky ang bote. "Kinuha ko sa bar kanina."

"Kaya ba may basag na bote ng Henry Jayer sa bar kanina na nililinis si Doray?" tukoy ni Yumi sa kasambahay sa mansiyon. "Ikaw ba ang nakabasag niyon, Sky?"

Nagkagat-labi si Sky. "Oo, Ate Yumi. Sorry. Nagmamadali kasi ako sa pagkuha nito kanina."

Henry Jayer? Kung hindi siya nagkakamali ay napakamahal ng brand ng wine na iyon. Pumapalo sa one hundred thousand pesos ang isang bote ng alak na iyon. Kaya nang ngumiti si Yumi at sabihing "Okay lang, Sky. Mag-ingat ka na sa susunod, ha," ay napahawak siya sa dibdib. Hindi siya makapaniwala na hindi pinagalitan ni Yumi si Sky.

One hundred thousand pesos ang nasayang na alak na iyon! Pambili na sana iyon ng isang Louis Vuitton bag!

"Okay ka lang, Ate Ailene?" tanong ni Eira. "Nabulunan ka ba? Gusto mo ng tubig?"

Bago pa siya makasagot ay may narinig siyang tila pumutok at biglang may tumama sa noo niya. Dahil siguro sa lakas ng impact ng kung anong bagay sa noo niya ay natumba siya pahiga sa lupa. Parang nakakita siya ng stars na umiikot sa palibot sa ulo niya.

Nakita na lang niya na may dinampot si Eira at tumambad sa paningin niya ang isang cork. Iyon ang cork sa champage bottle na binuksan ni Sky. Lumayo na nga siya pero inabot pa rin siya ng pagiging disgrasyadora ni Sky!

Parang gusto na lang niyang gayahin ang trip ni Amira. Gusto na lang niyang isipin na isang LV, isang Prada, isang Chanel, isang Lana Marks, isang Hermes, isang Marc Jacobs at isang Fendi na bags ang half-sisters niya at ang kaluluwa niya ay naglalamyerda sa Paris bitbit ang maraming shopping bags para hindi na siya mabuwisit sa mga kapatid niya.

Barely Heiresses Series  #1 : Ailene [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon