NANG araw na iyon ay walang schedule ng tour si Ailene kaya napagpasyahan niyang libutin ang town proper nang mag-isa at kumain sa Youghurt House. Somehow she was expecting she would ran into Marco and they would eat together in the famous yogurt restaurant. Parang date lang.
Na-excite siya nang makita nga niya si Marco sa tapat ng isang souvenir shop pero nalusaw ang excitement niya nang mamukhaan ang kausap ng binata. Si Amira! Kaagad na sumulak ang matinding inis sa dibdib niya.
Bakit magkausap ang kapatid niya at tour guide niya? Magkakilala ba ang mga ito? Anong pinag-uusapan ng dalawa?
Nang makita niyang ngumiti si Amira ay napasinghap siya. Niyon lang niya nakitang ngumiti ang babaeng iyon. Ano ang ibig sabihin nito? May gusto ba si Amira kay Marco? No! Hindi siya makapapayag na akitin ni Amira si Marco! Madali lang magagawa iyon ni Amira dahil ang tulad ng kapatid niya ang tipo ng babae ni Marco. Parehong nature-lover ang dalawa.
Hindi napigilan ni Ailene ang sarili na lapitan ang dalawa na nagulat sa bigla niyang pagsulpot. Alam niyang magkasalubong ang mga kilay niya nang paglipat-lipatin ang tingin sa dalawa.
"Anong pinag-uusapan n'yo?" may himig paninitang tanong niya.
Naningkit ang mga mata ni Amira sa kanya. "Bakit kailangan mong malaman?" malamig na tanong ni Amira.
"Dahil tour guide ko ang kausap mo." Kung makabigkas siya ng 'tour guide' ay parang 'boyfriend' ang sinabi niya. Ganoon ka-possessive ang dating niya. Hindi pa nga siya nasiyahan at kumapit pa siya sa braso ni Marco na mukhang nasosopresa sa ikinikilos niya.
Kung makatingin sa kanya si Amira ay tila ba natatangahan sa kanya ang kapatid. "Tour guide mo lang pala, eh." Bumaling si Amira kay Marco. "Thank you sa information, Marco."
May kasamang konting irap nang daanan siya ng tingin ni Amira bago tumalikod ang babae.
Parang gusto niyang hablutin ang napakahabang buhok ng kapatid.
"Anong pinag-usapan n'yo?" pasitang tanong niya kay Marco.
Nakita niya ng amusement sa mga mata ng binata. "Tungkol lang sa minahan."
"Iyon lang?" nagdududang tanong niya.
"Ano pa bang dapat naming pag-usapan?"
"Wala! Wala kayong dapat pag-usapan. Kaya 'wag mo na siyang kakausapin kahit kailan."
"Bakit naman?"
"Because I hate her."
"Dahil lang hate mo siya, hindi ko na siya puwedeng kausapin? Bakit?"
"Oo. Dahil..." Bakit nga ba? "Dahil tour guide kita. Dapat loyal ka sa akin. Dapat kakampi kita."
"Iyon lang ang dahilan?"
"Oo. May iba pa ba dapat?"
Mukhang diskumpiyado si Marco sa sagot niya.
"Bakit kung makatingin ka, parang iniisip mong nagseselos ako?" Muntik na niyang matakpan ang bibig. Ano ba iyong nasabi niya?
Marco smiled crookedly.
"Bakit naman ako magseselos? Tour guide lang kita," defensive na sabi niya kahit wala namang sinabi ang lalaki. "At saka hate ko lang talaga si Amira."
"Hi, Marco!" bati ng isang kulot na babaeng biglang lumapit sa kanila ni Marco.
"Hi, Maria," ganting-bati ng lalaki.
"Birthday ko bukas. Punta ka naman sa bahay namin bukas ng hapon."
Naningkit ang mga mata niya nang makita ang kislap sa mga mata ni Maria. Aha! May gusto ang babae kay Marco at balak nitong akitin ang lalaki bukas. Iyon kaagad ang pumasok sa isip niya.
Bago pa man bumuka ang bibig ni Marco ay nagsalita na si Ailene.
"Hindi siya puwede bukas dahil may lakad kami." Muli siyang kumapit sa braso ni Marco.
Nakita niya nang lumipat sa kamay niyang nakakapit sa braso ni Marco ang tingin ni Maria. Halatang nadismaya ang kulot na babae.
"Happy birthday na lang sa 'yo," dagdag niya. "From Marco... and I."
Lumakad na palayo ang babae na halatang naimbyerna kay Ailene.
"Bakit mo siya itinaboy?" tanong ni Marco.
"Huh? Well, hindi ko lang gusto ang hilatsa ng mukha niya. Parang may binabalak siyang masama sa 'yo. Parang gusto ka niyang pikutin."
Ngumiti ang binata. "Napakapossessive mo namang tourist sa tour guide mo." Tinapunan ng lalaki ng tingin ang kamay niya sa braso nito.
Bigla niyang binawi ang kamay. Oo nga naman. Bakit ba niya ginagawa iyon? Nang salubungin niya ang tingin ni Marco ay nakita niya ang paghihinala sa mga mata ng lalaki. Naghihinala na ba ang binata na may gusto siya rito?
"Marco!" tawag ng isang lalaking tinig.
Isang lalaking naka-backpack at mukhang turista ang papalapit sa kanila. Guwapo ang lalaki pero mas guwapo nang di hamak si Marco. Tumingin sa kanya ang turista at ngumiti sa kanya.
"Good morning, Sir," bati ni Marco sa lumapit. Mukhang si Marco din ang tour guide ng lalaki.
"Good morning," balik-bati ng turista at saka bumaling kay Ailene. "Good morning, beautiful."
"Pumunta ka na sa van, Sir," wika ni Marco. "Susunod na ako."
"Hindi mo man lang ba ako ipapakilala sa kasama mo?" tukoy ng turista kay Ailene.
Halatang interesado sa kanya ang turista.
Tinapunan siya ng tingin ni Marco. "Girlfriend ko, Sir."
Tama ba siya ng dinig? Girlfriend daw siya ni Marco?
"Gano'n ba?" Halatang napilitan lang ang ngiti ng lalaki. Nag-hello na lang sa kanya ang turista at tumalikod na para tumungo sa van.
Bago ba siya makapagtanong kay Marco ay nanguna nang magpaliwanag ang lalaki.
"Playboy 'yon. Kahapon, may babaeng tourist na nakasabay namin sa Mt. Ampacao ang dinigahan niya at kinuhanan niya ng number. Mapapahamak ka lang sa kanya. Mukhang gusto ka ring digahan. Kaya naisip kong sabihing girlfriend na lang kita para hindi na siya magpilit."
Umangat ang kilay niya. "Playboy siya... o nagseselos ka lang?"
Bahagyang ngumiti si Marco. "Bakit naman ako magseselos? For your information, hindi ako possessive at selosong... tour guide."
"He-he," she mocked a laugh. "Funny."
"Mauna na 'ko," paalam ni Marco. Humakbang na palayo ang lalaki.
"Mag-ingat ka, honey!" pilyang pahabol niya.
Lumingon si Marco at ngumiti nang maluwang sa kanya.
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series #1 : Ailene [COMPLETED]
RomanceSi Ailene ay isang sosyalerang walang pera. Lahat halos ng damit at sapatos niya ay branded pero galing lang ang mga iyon sa ukay-ukay. Ang mga signature bags niya ay class A replica. Updated siya sa latest high-end gadgets pero binibili lang niya a...