NAKAKAILANG na katahimikan ang namagitan kina Marissa at Vicente. Sakay na sila ng taxi at pabalik sa hotel. Panay ang buntong-hininga ng binata habang siya naman ay okupado ang isipan. What happened? Hindi rin niya alam. Ang alam lang niya, ginising ng halik na iyon ang isang damdamin sa kanyang dibdib. She was actually in love with Vicente. Paanong mangyayari iyon gayong ilang araw pa lamang niyang nakikilala ang binata? Totoo ba ang nararamdaman niya o dumadagdag lamang siya sa napakaraming bilang ng mga babaeng nagpapantasya sa binata?
Huminga si Marissa nang malalim. Sumikdo agad ang puso niya sa unang pagtatagpo pa lang ng kanilang mga mata. Was it the sign? Doon ba nagsimula iyon?
Nahawakan ni Marissa ang mga labi kahit katabi niya ang binata. Pakiramdam niya ay nadadama pa rin niya ang mga labi nito roon. His lips were sweet. It almost made her forget her name. Sumagot siya sa halik ng binata hindi dahil eksperto ang mga labi nito at naturuan siya ng tamang galaw, kundi dahil iyon ang isinisigaw ng kanyang puso.
Now what? Hindi kasama sa trabaho ni Marissa ang ibigin si Vicente. Naroon lamang siya bilang bodyguard ng binata, para protektahan ito sa lahat ng oras. At paano kung malaman ng binata ang damdamin niya? Sesesantihin siya. Ang lakas pa naman ng loob niya na sabihin na hindi siya iibig sa binata.
Ang paglalakbay ng isip ni Marissa ay napalis nang may mapansin siya. Pasimpleng luminga-linga siya sa paligid. "Vicente, ito ba ang daan pabalik sa hotel? Bakit parang mas matagal ang biyahe natin ngayon?" alerto ngunit pasimpleng tanong ni Marissa sa binata. Ang ano mang pagkailang na nararamdaman niya ay biglang naisantabi.
Kaswal namang umakto si Vicente na animo naglalambing sa kanya. "Huwag kang magpahalata at magsalita ka lang sa wika natin," anito bago sinulyapan ang driver. "Hindi ko rin sigurado kung ito nga ang daan pero masama ang kutob ko. Kanina ko pa rin napapansin na hindi mapalagay ang mga mata niya."
Uh-oh... Handa si Marissa sa ganoon pero iba na ang sitwasyon. Hindi na lamang basta kliyente si Vicente ngayon. Mahal niya ang binata. Kung dati ay hindi siya nakakaramdam ng anumang emosyon sa bawat assignment niya, ngayon ay hindi niya maidistansiya ang damdamin.
Hinawakan ni Vicente ang kamay ni Marissa at marahang pinisil iyon na para bang nagbibigay ito ng assurance na ito ang bahala sa kanya. "Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Pagtiwalaan mo lang ako, okay?" At nabasa nga niya sa mga mata ng binata ang pangakong iyon. "Manalangin na lang tayo na hindi siya miyembro ng isang malaking grupo."
"Sabihin mo sa kanya na bababa na tayo," aniya.
Binalingan nga ni Vicente ang driver. Subalit hindi pa man nakakapagsalita ang binata ay may hawak nang baril ang driver at itinutok iyon sa kanya. Natilihan siya. Puwede niyang dambahin na agad ang braso ng driver at baliin iyon pero ayaw niyang gumawa ng kahit na kaunting pagkakamali. Kailangan niyang kumuha ng tiyempo. Tamang tiyempo.
Tumigil ang sasakyan at may lumulan pa na isang Pranses na hindi rin niya gusto ang hilatsa ng mukha. Kinuha nito ang baril sa driver at ito ang nagtutok niyon sa kanya. Sa isang tingin pa lang sa mga mata ng lalaking sumakay ay alam na agad niyang naka-drugs ito. At sa malas, mukhang natitipuhan pa siya.
"What do you want from us? Money? You can get all of our belongings and money but please spare us. Let us go," wika ni Vicente.
Nag-usap ang dalawang Pranses.
Ramdam ni Marissa ang pag-igting ng muscles ni Vicente. Nakakaintindi ang binata kahit paano ng wikang iyon kaya nahuhulaan niyang hindi nito nagugustuhan ang naririnig.
"Ano'ng sabi nila?"
"Gusto tayong pakawalan ng driver pero 'yong isa gusto ka niyang ipaiwan." Hindi na idinetalye ni Vicente ang narinig, pero ramdam ni Marissa ang galit nito. Ang facial muscles ay nagngangalit.
"Vicente..." Hindi niya maiwasang maluha. Shit! Sa lahat ng oras na puwede siyang maging emosyonal, bakit ngayon pa?
BINABASA MO ANG
Valencia Series Book 3: Vicente Valencia (Completed)
RomansaPrecious Hearts Romances Vicente Valencia, the singer, needed a bodyguard. Dahil nasa ganoong trabaho si Marissa, tinanggap niya ang hamon. Ngunit hindi iyon magiging madali sa kanya dahil hindi alam ng singer na may bodyguard ito. Ang pamilya ng si...