Part 12

22.5K 416 2
                                    


"YES, YES. I've seen the repertoire. Interesting selection, indeed," masiglang wika ni Vicente sa kanyang producer. Naroon na sila sa bahay nito kung saan ginaganap ang welcome party para sa kanya. Isa iyong garden party. Ang malawak na bakuran ay nagniningning sa mga ilaw at iba pang dekorasyon. Mahigit tatlumpung tao ang naroroon, lahat ay konektado sa album recording niya.

Pasimpleng luminga si Vicente sa paligid. Si Dylan ay abalang-abala sa pakikipag-usap sa ibang executives. Napangiti siya. Bilang manager niya ay may bahagi rin ito sa mga kita niya. Gayunman, hindi iyon napupunta sa pinsan niya dahil awtomatikong dumederetso iyon sa Valencia Foundation. Isa iyong nongovernment organization na tumutulong sa mga kababayan nila sa Mindoro para makapag-aral. Hindi lamang ang share ni Dylan sa kita niya ang iniaambag nito sa foundation dahil nagbibigay rin ang pinsan niya mula sa sariling kita. Well, all of them were practicing just the same.

Nakita rin niya si Marissa sa isang sulok. Nag-iisa ito pero wala sa hitsura na naa-out of place. She looked dignified and confident. At hindi rin maikakaila na maganda ang dalaga kahit hindi gaanong magarbo ang ayos nito.

Totoo ang dahilan ni Vicente kaya ayaw na niya ng assistant na babae. They ended up loving him. Hindi iisang beses na tinangka ng mga ito na akitin siya. Iyong huli pa nga ay nahuli niyang nilagyan ng sleeping pill ang kanyang inumin kaya sinesante niya. Ang iba ay siguradong magte-take advantage na sa sitwasyon. Wika nga ng isang kasabihan ay palay na ang lumalapit kaya samantalahin na ng manok. Pero hindi siya ganoon. Para sa kanya, ang trabaho ay trabaho. Hindi dapat haluan ng kung ano-anong bagay. Valencia men were raised well. Pinalaki sila na may respeto sa mga babae at walang sino man sa kanila ang naging mapaglaro.

"Hire me and rest assured I won't fall in love with you." Iyon ang sinabi ni Marissa. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano ang naramdaman nang oras na iyon. Subalit nahamon siya ng determinadong mga mata ng dalaga. Tinanggap niya ito. Wala namang masama kung susubukan niya ang dalaga, lalo pa at napagkasunduan nilang nasa kanya ang karapatan para paalisin ito sa sandaling hindi ito tumupad sa pangako.

Hindi lang maintindihan ni Vicente kung bakit natatagpuan na lang niya ang sarili na palihim na tinitingnan si Marissa at pinanonood ang bawat galaw nito. May kung ano sa dalaga na kumukuha ng kanyang atensiyon. Maganda ito. Aminado siya roon. Pero lahat naman ng naging assistant niya ay maganda at poised. Lamang, sa tingin niya ay may kakaiba talaga sa dalaga.

Bahagyang kumunot ang noo ni Vicente nang makitang nilapitan si Marissa ng isang Pranses. Kung tama ang pagkakatanda niya ay Gustav ang pangalan ng lalaki. At kanina pa rin niya napansin na hindi nito inaalisan ng tingin si Marissa. At hindi mapagkakatiwalaan ang klase ng tingin ng lalaki.

There you go, boy. Paano mo nalaman na kanina pa niya tinitingnan si Marissa? And look at your eyebrows. They're forming a line! tukso ng isip niya. Sinuri niya ang sarili. At sa kanyang pagkasorpresa ay salubong nga ang kanyang mga kilay. At bakit pakiramdam niya ay gusto niyang ialis doon ang dalaga at ilayo kay Gustav?

Of course, she's under my custody. Dapat lang na ilayo ko siya sa mga tipo ni Gustav, katwiran ni Vicente bago nagpaalam sa mga kausap at malalaki ang hakbang na tinungo ang kinaroroonan ng dalaga.   

Valencia Series Book 3: Vicente Valencia (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon