HINDI malaman ni Marissa kung paano itataboy ang Pranses na kanina pa dikit nang dikit sa kanya. Ni hindi nga niya maalala kung ano ang pangalan nito.
Si Vicente ay pinagkakaguluhan pa ng karamihan habang siya ay nasa isang tabi at nagmamasid-masid sa mga taong naroroon. Sa tingin niya ay wala namang banta sa kaligtasan ng binata. Si Dylan naman ay kausap din ang mga big boss. Lihim pa siyang napapalatak tuwing pumapasok sa isip niya ang mga Valencia. Wala siyang itulak-kabigin pagdating sa pisikal na hitsura ng mga ito. Lahat ay talaga namang guwapo at nag-uumapaw ang personalidad. Naisip tuloy niya na lahi si Vicente ng mga guwapo. Sa maikling oras na nagkakuwentuhan sila ay napatunayan niyang mababa rin ang loob ni Vicente. Isang katangian na talaga namang kahanga-hanga.
"Vous êtes ravissante!" anang lalaki.
Hindi iyon naiintindihan ni Marissa pero hindi niya gusto ang timbre niyon dahil na rin sa paraan ng Pranses ng pagtingin sa kanya. The guy liked her. Huwag lang itong magkakamali ng kilos dahil kayang-kaya niyang itumba gamit lamang ang mga basic judo throw.
"Hi there, sweetheart," anang tinig ni Vicente kasabay ng pagpulupot ng isang kamay nito sa kanyang baywang. He kissed her temple. Nagulat siya pero agad ding naunawaan ang mensahe ng mga mata ng binata na nagsasabi na "just go with the flow."
Noon din mismo ay naunawaan ni Marissa na inililigtas siya ni Vicente mula sa kamay ng lalaking kausap nito. "Hi," sagot niya bago ipinulupot din ang isang braso sa baywang ng binata. "You've been neglecting me," kunwa ay nagtatampo niyang wika bago idinikit ang kanyang ulo sa balikat nito. Tila natigilan ang binata sa ginawa niya pero agad din naman itong nakabawi. Natilihan si Marissa. There was that peculiar feeling again. Iyon ang unang pagkakataon na naging ganoon sila kalapit ng binata. At nagdudulot ng kakaibang kaba ang palad nito na nasa baywang niya. Hindi niya maintindihan ngunit tila may maliliit na boltahe ng kuryenteng nanunulay sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan. At ang amoy ng binata, napakasuwabe ng dating sa kanyang ilong. It was mild and yet it screamed of masculinity. Tila nanunukso at naaakit naman siyang ipikit ang mga mata at punuin ang mga baga ng amoy ni Vicente.
"Oh, I'll never do that to you," ani Vicente na nagpabalik sa naglalakbay niyang isipan. Binalingan ng binata ang Pranses. May sinabi ito sa lalaki sa seryosong tinig pero dahil hindi siya nakakaintindi ng salitang iyon ay hindi rin niya maunawaan. Hanggang sa nagkukumahog nang magpaalam ang Pranses.
"Ano'ng nangyayari?" naguguluhan niyang tanong. "Hindi ko siya maintindihan pero—"
Binawi na ni Vicente ang brasong nakapulupot sa baywang niya. Funny, but she felt empty because of that. "Type ka niya," anito bago tumiim ang mga labi. Saglit lang naman ang kaseryosuhan ng mga mata ng binata, muli na iyong kumalma. "Hindi ka pa kumakain, ah."
Sumikdo ang puso ni Marissa. Paano nito nalaman na hindi pa siya kumakain gayong pagdating na pagdating nila ay abala na agad ito sa pakikipagkuwentuhan sa mga naroon? "Okay lang ako," aniya, bagaman nakakaramdam na nga ng gutom. Hindi lamang siya makaiwas kanina sa Pranses kaya hindi siya makakuha ng pagkain.
"Are you?" hindi kumbinsidong tanong ng binata. Pagkatapos ay hinawakan nito ang braso niya at inakay patungo sa buffet table. "Sabay na tayo. Hindi pa rin naman ako kumakain." Napatingin siya sa kamay nitong nakahawak sa kanyang braso. Pero bago pa man siya mag-isip ng kung ano-ano ay ipinilig na niya ang ulo.
Kumuha sila ng pagkain. Pagkatapos ay dinala iyon sa mesa nila at kumain. Kahit hindi palakuwento si Vicente ay napalagay siya rito kahit paano.
"Pagdating pa lang natin dito, napansin ko nang masama ang tama sa 'yo ni Gustav. Hindi ko siya masisisi, maganda ka naman talaga," hindi niya inaasahang wika ng binata. Pakiramdam ni Marissa ay tumaba ang puso niya sa sinabi nito, na maganda raw siya. Alam niya iyon pero dahil nagmula iyon sa bibig ng binata, pakiramdam niya ay tunog iyon ng kampana.
"Okay lang sana kung single siya, kaya lang may asawa na 'yon, Marissa. Binabalaan lang kita. Nasa iyo pa rin kung—" Natigilan ito sa pagsasalita at napatitig sa kanya. Alam ni Marissa na iyon ay dahil sa maluwang niyang pagkakangiti. Ngiti na noon lamang nakita ng binata.
"Salamat sa pagliligtas sa akin. Actually, kahit single siya, hindi ko iko-commit ang sarili ko sa kanya. No way. Ayoko lang gumawa ng gulo kanina. Isa pa, hindi ko rin maintindihan ang mga pinagsasabi niya."
Tila wala sa sariling tumango si Vicente. Hindi nito inaalis ang tingin sa kanyang mukha. Marahil ay dahil sa ngiti niya. Bigla tuloy siyang nailang dahil umaakto itong animo naengkanto sa pagkakatingin sa kanya.
"Ah, excuse saglit, ha? Naalala ko lang na may kailangan nga pala akong tawagan," pag-iwas ni Marissa. Bago pa makasagot ang binata ay nakalayo na siya sa mesa nila. Pumasok siya sa loob ng bahay at hinanap ang comfort room. Nakapagtanong naman siya sa isang katulong.
BINABASA MO ANG
Valencia Series Book 3: Vicente Valencia (Completed)
RomancePrecious Hearts Romances Vicente Valencia, the singer, needed a bodyguard. Dahil nasa ganoong trabaho si Marissa, tinanggap niya ang hamon. Ngunit hindi iyon magiging madali sa kanya dahil hindi alam ng singer na may bodyguard ito. Ang pamilya ng si...