Part 18

21.7K 415 25
                                    


HANDA nang matulog si Marissa nang tumunog ang kanyang telepono. Hindi niya naiwasang tumaas ang kilay nang makitang si Vicente ang tumatawag. Nakapagpalitan na sila ng binata ng cell phone number.

"Hello, Vicente? May kailangan ka ba?"

Walang sagot sa kabilang linya.

"Vicente? Hello?"

"Sabi ko na nga ba at maganda ang boses mo sa telepono. Husky pero naroon pa rin ang sweetness. And sensuality, too. I might get addicted to calling you. Ano kaya kung tatawagan na lang kita kahit nasa harap lang kita?"

Nahigit ni Marissa ang hininga sa kaprangkahan ng binata. Bakit ganoon? Bakit lagi siyang apektado sa mga sinasabi nito? At bakit madalas umuurong ang dila niya para barahin ang mga banat nito, gayong dati-rati naman ay kaya niyang i-handle ang mga katulad nito?

"Bakit, hindi ba maganda ang boses ko sa personal?" tanong niya. Sa kanyang isip ay pilit nagsusumiksik ang isang salita. Sexy. At iyon ay patungkol sa boses ng binata. His voice was undeniably sexy and full of passion. Iyon ang klase ng tinig na marinig mo pa lang ay kahuhumalingan na at agad gigitaw sa isip ang imahe ng isang guwapong lalaki. And Vicente is not a disappointment dahil talaga namang guwapo ito at malakas ang appeal.

"Oh, no. Don't get me wrong—"

"Bakit ka tumawag?" putol ni Marissa. "May kailangan ka ba?"

Humalakhak si Vicente. Tila musika ang dating niyon sa kanyang tainga. "Aware ka ba na mataray ang tono mo ngayon?"

Napapikit siya. Mukhang sinusubukan talaga ng binata ang pasensiya niya. But damn it! Pilit ding nagsusumiksik sa kanyang isip ang nanunuksong mga mata nito.

"Vicente..." babala niya.

"And I like the way you pronounce my name. Anyway, nabanggit ko na ba sa 'yo na kasama sa trabaho mo ang paggising sa akin sa umaga?"

Nanlaki ang mga mata ni Marissa. "Kasama iyon?"

"Yes. Trabaho mong siguruhin na hindi ako male-late sa appointments ko kaya kailangan mo akong gisingin."

"Pero kusa ka namang gumigising nitong nakaraan, ah," kunot-noong pangangatwiran niya.

"Alam ko. This time kasi, mapupuyat ako kaya gusto kong magpagising sa 'yo bukas. Bye, Issa. Goodnight. Huwag mong kalilimutan na gisingin ako, ha? Hindi ko ila-lock ang silid ko para makapasok ka."

"B-bakit ka mapupuyat? Aalis ka ba?" Hindi puwedeng umalis si Vicente na wala siya dahil trabaho niyang bantayan ito.

"Hindi. Hmm, may kino-compose akong kanta ngayon. Kailangan ko nang gawin ito ngayon habang nasa mood ako. Sige na, Marissa. Gusto ko lang magpagising bukas kaya kita tinawagan. Matulog ka na."

Hindi na siya nakapag-react dahil naputol na ang linya ng telepono. Nagkibit-balikat na lang siya bago humiga sa kama.

Hindi siya makatulog kaya ipinasya niyang uminom muna ng mainit na gatas. Lumabas siya ng silid at nagtungo sa pinakakusina kung saan naroon ang ilang importanteng gamit tulad ng microwave oven, coffeemaker, at ref. Lahat ng iyon ay ini-request ni Vicente sa EurInt.

Nag-init ng gatas si Marissa. Napansin niya ang liwanag sa silid ng binata. Ipinasya niyang gawan ito ng kape tutal naman ay alam na niya kung ano ang timplang gusto nito. Kumuha na rin siya ng mga cookies at binitbit iyon papunta sa silid ng binata.

Kumatok siya.

"Bukas 'yan, Issa. Pasok ka na."

Saglit na itinaas niya ang isang tuhod at ipinatong doon ang dalang tray bago pinihit ang seradura ng pinto. Itinulak niya ang pinto bago muling kinuha ang tray.

Napakaguwapo! Mabuti na lang at hindi naisatinig ni Marissa ang papuring iyon. Kung marunong lang siyang gumuhit ay siguradong isasalin niya sa canvass ang sandaling iyon. Ang binata ay naka-lotus position sa kama nito habang kilik ang isang gitara. May mga papel na nasa harap nito at may kagat na lapis. He wears a loose shirt and a boxer shorts. Lihim siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Duda siya kung magagawa niyang alisin sa memorya ang hitsura ng binata.

"Dinalhan lang kita ng kape at cookies." Inilapag niya ang tray sa bedside table.

Tinanggal ni Vicente ang kagat na lapis bago bahagyang ngumiti kay Marissa. Sumikdo ang puso niya. Ano ba ang mayroon sa ngiti ng binata at sa tuwina ay tila tumatalon ang puso niya?

"You're sweet," komento nito habang hindi siya hinihiwalayan ng tingin. Ang mga mata ng binata ay tila may kislap ng kasiyahan.

"That's my job. Sige lalabas na ako."

Tumango ito. "Goodnight."

"'Night." Pinihit na ni Marissa ang seradura ng pinto. Ngunit hindi niya napaglabanan ang kagustuhang muling lingunin si Vicente. Lumingon siya. And at that moment hindi niya alam kung sino ang mas nabigla; siya dahil nakatingin sa kanya ang binata, o ang binata na marahil ay hindi inaasahan ang paglingon niya dahil sa pagkagulat na rumehistro sa mukha nito. Nagsalubong ang mga mata nila. Kapagkuwan ay sabay ring nagbawi ng tingin ang bawat isa.

Pakiramdam ni Marissa ay mabibingi na siya sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Napabilis tuloy ang paglabas niya ng silid.

Valencia Series Book 3: Vicente Valencia (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon