CHAPTER SIX
NAKANGITING pinapanood ni Lana ang mga naglalarong bata sa playground ng Big Hopes Foundation. Masiglang naglalaro ang mga ito na para bang walang iniindang sakit na cancer. Masasayang nagtatawanan at nakangiti ang mga ito. May iba namang mga bata na nandoon rin ngunit hindi na makapaglaro dahil sa nanghihinang katawan. Ngunit ang maganda sa mga batang iyon ay nakangiti pa rin ang mga ito habang matamang nakikinig sa story-telling na ginagawa ng mga nurses ng foundation.
Pati ang mga magulang ng mga bata ay nakangiti rin habang pinapanood ang mga anak. Ito ang isa sa rason kung bakit itinatag ang Big Hopes. Layunin nilang mapangiti at mapatawa pa rin ang mga batang mayroong malubhang sakit. For them, smile from a little warrior is a sign of hope and faith. Ang mga batang nasa playground ngayon ay malapit na ang scheduled operations ng mga ito. Ang iba naman ay malapit na mag-chemotherapy.
"Ma'am Lana," untag sa kanya ng sekretarya niyang si Monica. "Ito na po ang list ng mga dumalo sa anniversary party natin more than three months ago."
Kinuha niya ang isang white folder mula rito. "Thank you, Monica," nakangiting pasasalamat niya rito. Binuklat-buklat niya iyon. "Nakalista ba rito ang lahat?"
"Opo, Ma'am. Nakalista rin po diyan ang pangalan ng sinasabi niyong 'Dylan Guevarra'."
Napatangu-tango siya nang makita nga ang pangalan ng lalaki sa listahan. Napakunot-noo lang siya nang makita kung anong kompanya ang nirerepresenta nito. "Delos Santos Multimedia Companies? May pagmamay-ari ba ng ganoon ang mga Anderson o Guevarra?" she curiously asked.
"Ma'am, ang alam ko po ay sa pinsan niya po iyan. Kay Mr. Ibarra Delos Santos. Noong gabi po ng party ay mga pinsan ni Mr. Delos Santos ang kasama niya at isa na po doon si Mr. Guevarra," imporma sa kanya nito.
"Ganoon ba?" Ang importante lang naman kay Lana ay makumpirma na dumalo nga si Dylan sa anniversary party ng Big Hopes. "Sige, maraming salamat, Monica. Puwede ka ng bumalik sa trabaho mo."
Nagpaalam na ito sa kanya at umalis na. Tinignan niya muli ang listahan at nakapirma nga doon si Dylan. Kaya totoo ngang narinig nito ang speech niya at posibleng...
Napailing-iling si Lana. It's been two days since Dylan confessed his true feelings towards her. Nag-creep out na naman siya kaya talagang iniwasan niya at muling pinagtaguan ito.
Ilang beses nga bang tumawag sa kanya si Dylan sa opisina sa nakalipas na dalawang araw? Kahit kailan ay hindi niya sinagot ang tawag nito at laging bilin niya kay Monica na mag-alibi na wala siya.
Why is Dylan too obsessed with her? Sa nakalap niyang impormasyon, ito pa mismo ang hinahabol ng mga babae! Kaya bakit naman nito pinipilit ang sarili sa kanya?
Baka nga kasi mahal talaga ako... Napakamot ng ulo si Lana at saka bumalik na sa loob ng opisina niya. Sumasakit na ang ulo niya sa kakaisip kung paano bang makakalabas siya sa kasal na iyon. Pumayag siyang i-work out iyon pero mabilis din nagbago ang isip niya. Kung mahal talaga siya ni Dylan, masasaktan lang ito.
Pagpasok ni Lana sa opisina niya ay agad siyang umupo sa swivel chair niya at inasikaso na ang mga trabaho niya. Maya-maya ay pumasok si Monica sa opisina niya na may dala-dalang isang bungkos ng red roses.
"Ma'am, may nagpa-deliver po ng mga rosas na ito para sa inyo," anito.
Nagsalubong ang mga kilay niya nang maramdaman ang pagkabog ng dibdib. "K-Kanino daw galing?"
Nagkibit-balikat ito. "May card naman po, Ma'am. Baka nakalagay po kung kanino galing. Baka po sa manliligaw niyo," tukso pa nito habang inaabot sa kanya ang bulaklak.
BINABASA MO ANG
Making Love - Published by PHR
RomanceNalasing si Lana isang gabi at pagkagising niya ay nasa tabi na siya ng isang lalaki! She slept with a stranger named Dylan Guevarra! What's worst? Legal ang kasal kaya naman nagkaroon siya ng instant secret husband! Ano ngayon ang gagawin ni Lana s...