GUSTO nang lumubog ni Kring-Kring sa kahihiyan dahil pinagbubulungan siya ng mga estudyanteng nakakasalubong niya. Mukhang naging successful ang pagkakalat ng mga "witness" sa naging "marriage proposal" ni Paul Christian. Dahil sa eksena nila ng binata ay napurnada ang pagpo-propose ni Mr. Reynaldo kay Miss Reymundo. Pero wala namang problema dahil si Miss Reymundo na ang mismong nagyaya kay Mr. Reynaldo na magpakasal dahil kinilig daw si Miss Reymundo sa kanila ni Paul Christian.
"Buntis 'yan kaya magpapakasal na sila. Ang landi kasi," malakas na sabi ng babae na halatang pinariringgan siya.
Napayuko na lang si Kring-Kring.
"Well, at least 'yong kaibigan ko, guwapo ang boylet. Kayo, nganga! Kaya nga nakikitsismis ka lang sa buhay nang may buhay, 'di ba?" angil ni Tiara sa mga babaeng nagpaparinig sa kanya.
Hinila niya ang kaibigan. "Huwag mo na lang pansinin, Tiara."
"Alam mo, Kring," sabi naman ni Pretty. "Mas interesante pa ang nangyayaring ito kaysa sa mga gawa-gawa mong eksena sa blog mo."
"Magpasalamat ka na lang na hindi pa itinatanggi ni Paul Christian Ignacio ang hinala ng mga tao tungkol sa "relasyon" ninyo, kundi, talagang mapapahiya ka," iiling-iling na sabi ni Tiara.
Bumuga ng hangin si Kring-Kring. "I really hate my wild imagination sometimes."
"Ano'ng balak mong gawin ngayon?" tanong ni Pretty.
"Hihingi ako ng sorry kay Paul Christian," mariing sagot ni Kring-Kring, saka tiningala ang Natividad Hall. "Ngayon na bago pa niya 'ko tuluyang sakalin. 'Una na ko, girls."
Nag-ipon ng lakas ng loob si Kring-Kring, saka siya umakyat ng Natividad Hall. Naitanong na niya kay Louie ang schedule ng klase ng binata kaya alam niya kung saan pupuntahan si Paul Christian.
"Kring-Kring?"
Nalingunan niya si Louie na pababa ng hagdan. May kasama itong dalawang lalaki.
"So, ikaw pala si Kring-Kring, ha? Totoo bang buntis ka na?"
"Gusto kong makausap si Paul Christian," sabi na lang niya.
Bumuga ng hangin si Louie. "Bumalik ka na lang sa klase mo, Kring-Kring."
Umiling siya. "Louie, hindi ako aalis dito hangga't hindi ko nakakausap si Paul Christian."
"Bakit?" pangungulit uli ng isa sa dalawang mokong na hindi niya kilala. "Pag-uusapan na ba ninyo ang tungkol sa baby?"
"Alam ninyo, kanina pa kayo, eh," naiinis na sabi ni Kring-Kring sa lalaki. "Hindi ko kayo kukuhaning ninong kaya 'wag kayong magpa-cute."
"Kung gano'n, totoo pala na ikaw ang nagkakalat ng balitang iyon."
Nanlamig ang buong katawan ni Kring-Kring nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Lumunok siya habang unti-unting lumingon sa nagmamay-ari ng tinig. "Paul Christian..."
Naningkit ang mga mata ni Paul Christian. "Marami kang dapat ipaliwanag sa 'kin, Chrissy... O mas gusto mo bang tawagin kitang 'Kring-Kring'?"
Napalunok siya. Ramdam niya. Isang lipat na lang ng pahina, magwawakas na ang istorya nila. Kailangan niyang idikit iyon. Ayaw niyang matapos agad ang isang kuwento na may potensiyal na magtapos ng maganda. Lumapit siya kay Paul Christian sa kabila ng nakikita niyang galit sa mga mata nito. "Puwede ba tayong mag-usap?"
Niyaya na ni Louie ang mga kaklase nito na umalis para marahil bigyan sila ni Paul Christian ng privacy.
Dumako ang malalamig na mga mata ni Paul Christian sa kanya. "Pinalagpas ko na ipinagkakalat mong girlfriend kita. Ngayon naman, ipinagkakalat mong nabuntis kita? Gusto mo ba talaga akong galitin?"
Narinig marahil ng binata ang sinabi niya sa kaklase nito kanina. Nasabi lang naman niya iyon dala ng inis. "I'm sorry, Paul Christian. No'ng una, gumawa lang ako ng kuwento dahil may nakasagutan akong blogger din. Ayokong mawala ang credibility ko bilang tagabigay ng love advice kaya sinabi kong may boyfriend ako. Nagsimula rin ako ng isang love story. Hindi ko pinlano na maging ikaw ang pretend boyfriend ko na walang alam sa nangyayari. Pero kasi, 'yong mga nagaganap na eksena sa pagitan natin, nagkakaro'n ng romansa kapag isinusulat ko na."
"Hindi ko maintindihan."
Nararamdam ni Kring-Kring ang panlalamig ng kanyang mga kamay. "Gusto kita, Paul Christian."
Halatang nagulat sa ipinagtapat niya ang binata, pero nang makabawi ay nag-iwas ito ng tingin. "Nababaitan ako sa 'yo, Chrissy dahil sa ginawa mong pagsauli ng ID ko. Pero hindi kita gusto sa paraan na gusto mo ako. Sorry."
Sa totoo lang, walang maramdamang sakit si Kring-Kring. Pakiramdam niya, manhid siya. "Okay lang."
"Hindi ko rin gusto ang ginawa mong pagkakalat ng pekeng kuwento. Pero hindi ko itinatanggi ang maling hinala ng mga tao tungkol sa 'tin dahil ayokong mapahiya ka. Kaibigan ka ni Louie na kaibigan ko at bilang respeto sa kanya, hahayaan kong ikaw na ang tumapos ng maling tsismis na 'to."
Habang nakayuko si Kring-Kring ay nakita niya ang mga sapatos ni Paul Christian na unti-unting naglalakad palayo sa kanya. Noon nawala ang pamamanhid ng kanyang puso. Unti-unting gumapang ang sakit hanggang sa mamalayan na lang niyang napapatakan na ng kanyang luha ang sahig. Hindi siya nasaktan dahil lang binasted siya ni Paul Christian. Mas masakit at nakakahiya na kinamumuhian siya ng lalaking gusto niya.
***
NANG gabing iyon, nag-post si Kring-Kring ng blog entry na tumapos sa pekeng love story nila ni Paul Christian:
Posted by Kring-Kring at 01:51 AM
#TheBreakUp/Finale/The End
Maraming nagsasabing suwerte raw ako kay PC—oo, totoo iyon—pero hindi nila alam ang hirap na pinagdaraanan ko sa araw-araw. Lagi akong may takot na baka may makita siyang hihigit sa akin. Hindi ko kinaya ang mga pagdududa ko kaya bumitiw na ako.
PC doesn't deserve an insecure girl who can't even fight for him. But maybe someday, when I'm more mature, love will lead us back to each other. Bago magtapos ang lahat, gusto ko lang linawin na hindi ako totoong buntis. At hindi ko rin tinanggap ang proposal niya.
Thank you for following our love story, but it has to end. This account won't be active anymore. Goodbye.
BINABASA MO ANG
A Fabricated Romance: The Girl In The Journal
Romansa"It's funny how I came to love so many things because of you. I was a better man before than I am today. Because I had you then." Napilitan si Kring-Kring na gumawa ng pekeng love story sa kanyang blog at pinalabas na boyfriend niya ang guwapong sch...