15th Chapter

3.2K 115 4
                                    

"IPALIWANAG mo sa'kin ang lahat, Kring-Kring. Lahat."

Napabuntong-hininga si Kring-Kring dahil sa hinihingi ni Louie.

Kagabi, naabutan ni Louie si Paul Christian. Nagtaka ito kung bakit hindi ito naaalala ng kaklase nito. Samantalang nagtaka naman si Paul Christian kung paano ito nakilala ng kababata niya.

Dahil madaling-araw na no'n, sinabi na lang niya kay Paul Christian na dati nitong kaklase s Louie, saka niya sinabihan ang dalawang lalaki na umuwi na muna at saka na lang sila mag-usap-usap, dahil pagagalitan na siya ng mama niya.

Nang umagang iyon, binisita siya ni Louie.

"Kring-Kring," naiinip na sabi ni Louie.

Itinaas niya ang mga kamay niya bilang tanda ng pagsuko. "Mag-e-explain na po."

Dahil nasa tindahan nila ang kanyang ina, at dalawa lang sila ni Louie sa bahay ng mga sandaling iyon, ikinuwento na niya ang lahat.

Pagkatapos niyang magkuwento, halata sa mukha ni Louie ang matinding pagkabigla.

"God, Kring-Kring. What have you gotten yourself into?" hindi makapaniwalang tanong ni Louie. "I was only away for two years, pagkatapos ay ganito na ang nangyari?"

Dalawang taon na ang nakakalipas, nagpuntang Singapore si Louie dahil inilipat ito ng construstion firm na pinagtatrabauhan nito sa branch niyon sa nabanggit na bansa. Malamang ay tapos na ang kontrata ng binata kaya umuwi na ito ng Pilipinas.

"Hindi ko rin naman naisip na hahantong sa ganito ang lahat," katwiran niya.

"Kapag nalaman ni Tita Claudia ang tungkol dito, tiyak na sasama ang loob niya. Kring-Kring, hindi ka ba nag-iisip?"

Kakaiba ang pagkakaibigan nila ni Louie. Magkababata sila na nagkalayo noong magbinata na ang mokong dahil ayaw nitong dinidikitan niya ito na sumisira raw sa diskarte nito sa mga babae.

Pero nang lumabas noon ang issue tungkol sa kanila ni Paul Christian na nagkataong kaklase pala nito, bumalik ito sa buhay niya. Unti-unti, bumalik ang dati nilang pagkakaibigan. At kahit nasa Singapore na si Louie no'n, patuloy pa rin ang pangangamusta nito sa kanya.

'Yon nga lang, inilihim niya rito ang muli nilang pagkikita ni Paul Christian.

"Desperada ako," katwiran niya. "Kailangan ko ng pera."

"Sana nilapitan mo ko. Alam mong tutulungan kita," paghihinanakit nito.

"Pero alam mo rin naman na ayokong nangungutang, 'di ba?"

Saglit na natigilan si Louie. Alam niyang alam nito ang takot niya na iyon dahil nasaksihan nito ang mga panahong hiyang-hiya sa sinasapit ng pamilya niya kapag sinisingil sila ng kung sinu-sinong pinagkakautangan ng magaling niyang ama.

Bumuntong-hininga si Louie. "Alam ko 'yon, Kring-Kring. Pero alam mo rin na mali 'tong ginagawa mo, 'di ba? Tell me, can you even tell what's reality from your fabricated stories?"

Natamaan siya sa sinabi ni Louie. Sa dami ng kasinungalingan niyang sinabi kay Paul Christian para mapaniwala ito na may nakaraan nga sila, minsan ay hindi na rin niya alam kung ano ang totoo sa hindi.

"Itigil mo na 'to, Kring-Kring."

Tumutol agad ang buong pagkatao niya. "Hindi puwede, Louie. May kasunduan kami ni Paul Christian. Kailangan ko siyang pakasalan para matubos ko ang titulo ng lupa namin."

"Tutulungan kita," giit ni Louie. "Ako ang magpapahiram sa'yo ng pera."

"Pero Louie –"

"Malaki na ang ipon ko. At wala naman akong sinusuportahan dahil pensiyonado ang mga magulang ko. Walang problema kung pahihiramin kita ng gano'ng kalaking halaga."

A Fabricated Romance: The Girl In The JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon