Bulacan State University
NAKATULALA si Kring-Kring sa labas ng bintana ng kanilang classroom. Malakas ang ulan, kaya baha na naman sa unibersidad nila. Hinayaan lang niyang magdaldalan sa kanyang tabi ang mga kaibigang sina Pretty at Tiara.
Naging kaibigan niya ang dalawa mula pa noong first year college siya. Magkakaklase kasi sila sa kurso nilang Education. Pare-pareho rin silang nagme-major sa English.
Naputol lang ang kanyang pagmumuni-muni nang mula sa labas ng bintana ay may nakita siyang matingkad na pulang payong. Bumilis ang tibok ng puso niya sa pag-asang si Paul Christian ang nagmamay-ari ng payong. Isang buwan na kasi ang lumipas mula nang huli silang magkita ng binata.
"Classmates, suspended na raw ang klase!" anunsiyo ng presidente ng klase.
"Kring-Kring, saan ka pupunta?" tanong ni Pretty nang bigla siyang tumayo.
"Uuwi na!" sigaw niya habang tumatakbo palabas.
Paglabas pa lang ni Kring-Kring ng Roxas Hall—ang college building ng Education—ay sumalubong na sa kanya ang hanggang bukungbukong na baha.
Lumingon si Kring-Kring sa paligid. Nakita niya ang pulang payong sa kabilang panig ng kalsada—sa Natividad Hall na college building ng Engineering. Napangiti siya nang makita si Paul Christian.
Nililis niya ang pantalon hanggang sa tuhod, pagkatapos ay hinubad ang suot na sneakers. Hindi na nakakahiyang magyapak sa eskuwelahan dahil halos lahat ng kaeskuwela niya ay iyon na ang ginagawa para maiwasang mabasa ang mga sapatos.
Bitbit ang sapatos sa isang kamay ay tinawid ni Kring-Kring ang distansiya sa pagitan nila ni Paul Christian. Nabasa siya ng ulan pero hindi na niya iyon inintindi. Tumayo siya sa tabi ng binata na mukhang hindi pa siya napapansin.
"Kung kelan naman naiwan ko ang payong ko, saka pa umulan ng malakas," malakas na sabi ni Kring-Kring.
"Chrissy?"
Nilinga niya si Paul Christian at nagpanggap na nagulat. "O, Paul Christian! Ikaw pala."
Bahagya itong ngumiti.
Nagkagulo ang mga paruparong ligaw sa kanyang tiyan. Ngayon lang siya kinilig sa simpleng ngiti lang ng isang lalaki. "Ahm, Paul Christian, mauna na 'ko, ha? Kailangan ko na kasing umuwi." Binagalan niya ang lakad, sa pag-asang baka sakaling mag-alok ito na ihatid siya kahit hanggang sakayan lang.
One, two, three—
"Chrissy, gusto mong sumabay na lang sa 'kin?"
Ngayon naman ay ang puso ni Kring-Kring ang humampas sa kanyang dibdib. Mabilis siyang naglakad paatras, pabalik sa tabi ni Paul Christian. "Talaga? Walang bawian?"
Tumango ito. "Malaki naman itong payong ko para sa 'ting dalawa."
Kinagat niya ang kanyang ibabang labi upang pigilan ang sariling tumili. "Sa Kapitolyo ako sasakay. Okay lang?"
"Okay lang. Doon din naman ang sakayan ko."
Lumuwang ang ngiti ni Kring-Kring. "Okay. Ngayon pa lang, salamat na."
Napansin niyang dumako ang tingin ni Paul Christian sa hawak niyang sapatos, pagkatapos ay sa kanyang mga paa dumako ang paningin nito. Sa kanyang pagkagulat ay hinubad ni Paul Christian ang suot na Vans at binitbit ang mga iyon sa isang kamay, habang ang isa ay nakahawak sa payong.
Sabay silang lumusong sa baha. Hanggang sa labas ng unibersidad ay baha pa rin.
Malapit lang ang nilakad nina Kring-Kring at Paul Christian kaya maiiksing usapan lang ang naging palitan nila. Nalaman niyang nasa huling taon na pala ito sa kurso nitong Civil Engineering, at mas matanda ito ng isang taon sa kanya. Nagulat ang binata nang sabihin niyang nasa huling taon na rin siya ng kanyang kurso.
BINABASA MO ANG
A Fabricated Romance: The Girl In The Journal
Romantizm"It's funny how I came to love so many things because of you. I was a better man before than I am today. Because I had you then." Napilitan si Kring-Kring na gumawa ng pekeng love story sa kanyang blog at pinalabas na boyfriend niya ang guwapong sch...