17th Chapter

3.8K 106 7
                                    

MAY PERMISO man si Kring-Kring na mahalin si Paul Christian, hindi iyon naging sapat para tanggapin niya ang alok nito.

Una, kung hindi pa siya lalayo kay Paul Christian, mapipilitan siyang magsinungaling ng magsinungaling dito sa tuwing magtatanong ito tungkol sa nakaraan nila. Hindi magtatagal, alam niyang mahuhuli rin siya sa sarili niyang bibig. At ayaw niyang maghiwalay sila ng landas nang galit ito sa kanya, gaya nang nangyari noong nasa kolehiyo sila.

Ikalawa, para na rin 'yon sa puso niya. Ramdam kasi niyang ngayong nakikilala na niya ang totoong Paul Christian, mas lumalalim ang nararamdaman niya para rito. Mas nagiging buo at totoo. Mas nagiging masakit din.

At ikatlo, hindi siya sigurado kung bakit, pero natatakot siya na baka nagkakagusto na si Paul Christian sa kanya. Hindi dahil sa gusto talaga siya nito, kundi dahil sa tinanim niya sa isip nito na mahal na mahal siya nito noon.

Naputol lang ang pakikipag-usap niya sa sarili nang may bumunggo sa balikat niya. Nag-sorry naman sa kanya ang lalaki kaya pinalagpas na niya.

"Bakit ba parang ang daming tao ngayon dito sa MOA?" nagtatakang tanong niya.

"May artista yata rito ngayon," sagot ni Tiara. "Nakita ko 'yong tarpaulin sa labas. Nandito yata ngayon 'yong mga local and international model ng isang kilalang international clothing line. Eh mostly sa mga local model ay artista rito sa'tin."

"Talaga?"

"Maglalalabas kasi ng Malolos nang aware ka sa mga nangyayari sa Maynila," natatawang sabi ni Pretty.

Eksaheradong sumimangot siya. "Pinag-ti-trip-an niyo na naman ang pagiging probinsiyana ko. Parang hindi kayo probinsiyana."

"At least kami ni Pretty, marunong pumuntang EDSA mag-isa nang hindi naliligaw," natatawang ganti ni Tiara.

Hindi siya nakasagot dahil madalas ay naliligaw siya kapag bumibiyaheng mag-isa sa Maynila kapag may kailangan siyang ayusin na papeles.

"Girls, huwag niyong pag-trip-an si Kring-Kring," saway ni Louie kina Pretty at Tiara. "Baka mag-walk out 'yan. Maligaw pa 'yan."

Pabirong siniko niya sa sikmura si Louie na ikinatawa lang nito.

Naroon silang apat sa mall na iyon ngayon dahil inilibre sila ni Louie bilang selebrasyon na rin sa pagbabalik nito ng bansa.

"Ay, bumili na rin tayo ng swimsuit natin dito," sabi ni Tiara. "Para naman sosyal tayong tingnan sa resort na 'yon."

"Good idea," sang-ayon naman ni Pretty.

Itinaas ni Louie ang mga kamay nito. "I agree. I will pay for them, since ako naman ang magpapa-outing."

Impit na napatili sina Tiara at Pretty, saka mabilis na niyakap si Louie bago nagmamadaling pumasok sa isang women's boutique ang dalawa.

"Big time ka na talaga, Louie," nakangiting sabi niya. "Magpapa-outing ka na sa Batangas next week, ipagsha-shopping mo pa 'yong dalawa."

Ngumiti lang ito. "Hindi naman. Suwerte lang talaga na sa bata kong edad, nakapagtrabaho na ako sa Singapore. Bukod sa okay ang suweldo, maganda rin 'yong experience na 'yon para sa kredibilidad ko bilang engineer."

"Wow talaga," namamanghang sabi niya. "At age twenty six, isa ka na sa mga hotshot junior engineers ng 'Pinas. Iba ka na, friend."

Natawa lang ito, saka ginulo ang buhok niya. "Sumunod ka na kina Pretty at Tiara. Magbabanyo lang ako. I-pa-page mo na lang kami kapag naligaw ka."

Hinampas niya ito sa braso bago niya ito hinayaang magbanyo.

Nang mawala na si Louie ay nawala na rin ang ngiti niya at napalitan iyon ng kalungkutan.

A Fabricated Romance: The Girl In The JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon