5th Chapter

3.5K 118 3
                                    

"NABASA ko 'yong 'break-up' post mo tungkol sa inyo ni Paul Christian. Nagdrama ka pa," naiiling na sabi ni Tiara.

Bumuntong-hininga si Kring-Kring. "Ang sabi ni Paul Christian, ako nang bahala kung paano ko tatapusin ang 'relasyon' namin."

"Stay strong, Kring-Kring!" sigaw ng isa sa mga kaeskuwela niyang babae na nasalubong lang nila. Kaninang umaga pa pinapalakas ng mga tao ang loob niya dahil iniisip ng mga ito na depressed siya dahil sa "paghihiwalay" nila ni Paul Christian.

Alanganing ngumiti si Kring-Kring. "Thank you. Kaya ko 'to."

Natawa si Pretty. "Naks. Parang tunay, ha? So, Kring, ano na'ng balak mo ngayon?"

"Magpapaka-busy na lang siguro ako sa school para makapag-move on ako."

Sa kanyang iritasyon ay bigla na lang tumawa nang malakas sina Pretty at Tiara.

"Nagmu-move on pero hindi naman naging kayo?" pang-aasar ni Tiara.

Nalulungkot talaga siya. "Girls, uuwi na 'ko. Masama ang pakiramdam ko." Hindi na siya nagpapigil sa mga kaibigan niya. Dere-deretso siyang lumabas ng unibersidad nila kahit may susunod pa siyang klase.

Natigilan si Kring-Kring nang makita si Paul Christian na may kausap na magandang babae na mukhang Chinese. Pero sa kanyang pagkagulat ay sinampal ng babae si Paul Christian. Pagkatapos ay nag-walk out ang tsinita at sumakay sa magarang kotse.

Nang tuluyan nang nakaalis ang babae, tumayo siya sa tabi ni Paul Christian.

"Sino 'yon?" hindi mapigilang tanong niya.

Ang akala niya, hindi siya papansinin ni Paul Christian. Kaya nagulat siya nang sumagot ito, kahit pa malayo ang tingin nito. "Veronika Chua. My almost-girlfriend." Dumako ang tingin ni Paul Christian sa kanya. "Kung wala lang sanang kumalat na tsismis tungkol sa pagpo-propose ko ng kasal sa girlfriend ko."

Napasinghap si Kring-Kring. Gabundok ang bigat ng guilt na dumagan sa kanyang dibdib. At sa pagkakataong iyon, may kahalo na iyong takot. "K-kung gano'n, nagulo ang love life mo dahil sa ginawa kong peke nating love story?"

Matagal bago muling nagsalita si Paul Christian. "Magulo naman na talaga sa simula pa lang. Baka nga nakatulong pa ang ginawa mo."

Malikot ang imahinasyon niya kaya nanghula siya. "Sinasaktan mo ba si Veronika kaya hindi mo dine-deny noon nang akalain ng mga taong girlfriend mo talaga ako?"

Napalitan ng galit ang sakit sa mga mata ni Paul Christian. "How can she get affected by that when she chose another guy over me?"

Natahimik si Kring-Kring. Kung ganoon, bukod pala sa ayaw lang siya nitong mapahiya, may iba pa itong agenda kaya hindi nito itinatanggi ang tsismis na girlfriend siya ni Paul Christian. May pinagseselos pala ito kaya hinahayaan siya ng binata sa pekeng love story na "ipinagkalat" niya.

May kakaiba kay Paul Christian ngayon. Nang mga sandaling iyon, napatunayan ni Kring-Kring na hindi niya talaga kilala ang binata. Napakamisteryoso nito. Gusto niyang malaman isa-isa ang mga itinatago ng binata.

"Kung muntik mo na siyang maging girlfriend, ibig sabihin, mahal ninyo ang isa't isa," maingat na sabi ni Kring-Kring. "Pero bakit ka niya ipinagpalit sa ibang lalaki?"

"Dahil hindi niya ako kayang ipaglaban sa pamilya niya. They can't accept me because I'm not Chinese," naghihinanakit na sabi ni Paul Christian.

Nagulat si Kring-Kring. Hindi niya akalaing sasabihin ni Paul Christian ang mga bagay na iyon sa kanya. Dala marahil ng matinding sama ng loob kaya iyon nagawa ng binata.

Mayamaya lang ay tila natauhan si Paul Christian. Tila ba hindi rin ito makapaniwala na ibinahagi nito ang kaalaman na iyon sa kanya. Isinuklay ni Paul Christian ang mga daliri sa buhok nito. "May hihilingin ako sa 'yo, Chrissy. Dapat mo 'kong pagbigyan kung gusto mong patawarin kita sa atraso mo sa 'kin."

Tumango lang si Kring-Kring.

"Huwag mong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa 'min ni Veronika Chua. What we have—or rather, what we had should remain a secret."

Marami pang gustong itanong si Kring-Kring kay Paul Christian, pero tinalikuran na siya nito at naglakad na palayo.

Sa bawat hakbang ni Paul Christian, pakiramdam niya ay tinatapakan ng binata ang puso niya. May mahal na pala itong iba. At mas masakit malaman na isa siya sa mga dahilan kung bakit nasira ang pag-asa ni Paul Christian sa babaeng gusto nitong maging girlfriend.

Sa gawa-gawa niyang love story, siya ang bidang babae.

Sa totoong buhay pala, siya ang kontrabida.

Ang hindi alam ni Kring-Kring ng araw na 'yon, five years pala ang dadaan bago uli sila magkita ni Paul Christian.

A Fabricated Romance: The Girl In The JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon