10th Chapter

3.6K 118 1
                                    

"MAMA, nandito ako kina Pretty. Hindi ako makakauwi ngayong gabi kasi malakas ang ulan saka mataas ang baha. Pero huwag kayong mag-alala. Maayos naman kami rito," pagsisinungaling ni Kring-Kring sa kanyang ina na kausap niya gamit ang cell phone.

Nag-dinner siya sa mansiyon ng mga Ignacio kasama sina Paul Christian at Lolo Pablo. Pero hindi tumigil ang malakas na ulan at dahil baha na raw sa kalsadang daraanan nila, nagpasya ang matanda na huwag na siyang pauwiin. Wala naman siyang magawa dahil sarado talaga ang dadaanan nilang kalasada dahil sa baha.

Pagkatapos niyang makipag-usap sa kanyang mama ay pumihit siya paharap. Nakita niyang nakaupo si Paul Christian sa kama na gagamitin niya at nakasandal pa sa headboard habang may hawak na tasa ng kape.

Ang guwapo-guwapo nito sa suot na puting T-shirt at pajama bottom.

"Hindi ka pa ba babalik sa kuwarto mo?"

Tinapik ni Paul Christian ang espasyo sa tabi nito. "Hindi pa 'ko inaantok. Magkuwentuhan muna tayo. Marami akong gustong malaman tungkol sa nakaraan natin."

Kinabahan si Kring-Kring. Sa dami ng gawa-gawa niyang kuwento na nasabi kay Paul Christian, natatakot siya na baka may makalimutan siya at maging loophole pa iyon ng kanyang istorya.

Umupo si Kring-Kring sa tabi ni Paul Christian. "Ano ang gusto mong malaman?"

Ibinaba ni Paul Christian ang tasa ng kape sa night table. "Did we have sex before?"

Nagulat siya sa tanong nito kaya nahampas niya nang malakas sa braso ang binata na ikinareklamo nito. "Manyak ka talaga!"

"I'm just curious!" depensa naman ni Paul Christian. "The records of our past said that... that I once asked you to marry me. Hindi ko alam kung totoo bang gano'n lang talaga kita kamahal noon, o baka may nangyari sa 'tin at inakala nating nagbunga kaya ako nagdesisyon na yayain kang magpakasal."

Naawa si Kring-Kring sa kalagayan ni Paul Christian. Tila ba gulong-gulo ito kung bakit niyaya siya nitong magpakasal noon. Na kahit kailan ay hindi nangyari.

"Why, Kring-Kring?" pagpapatuloy ni Paul Christian. "Bakit tinanggihan mo ang alok kong pagpapakasal sa 'yo noon? May nagawa ba 'kong masama sa 'yo? Nasaktan ba kita? May naging pagkukulang ba 'ko?"

Nag-iwas ng tingin si Kring-Kring kay Paul Christian. "Narinig mo naman noon ang mga sinabi ko kay Lolo Pablo, 'di ba? Hindi pa 'ko handang magpakasal noon. Hindi pa tayo handa."

"Hindi mo 'ko gano'n kamahal, 'no?"

Tumango na lang si Kring-Kring para matapos na ang kuryosidad ni Paul Christian.

"I thought so. Naisip ko rin na hindi mo talaga ako gano'n kamahal dahil bukod sa mabilis mong tinanggihan ang alok kong pagpapakasal sa 'yo, pagkatapos ng paghihiwalay natin ay hindi mo na uli ako nilapitan. Ayon sa private detective ko, pagkatapos ng failed marriage proposal ko, naging tahimik na ang lahat sa pagitan natin."

Kung ganoon pala, tama ang iniisip ni Kring-Kring na iniisip ni Paul Christian na naghiwalay sila pagkatapos niyang "tanggihan" ang marriage proposal nito. "Paul Christian, ano'ng iniisip mo at inalok mo 'ko sa pagpapanggap na ito?"

"Na papayag ka dahil hindi mo na 'ko mahal," mabilis na sagot ng binata. "Na magiging madali ang lahat sa pagitan natin dahil kahit may nakaraan tayo, may dalawang mahalagang bagay na ang nawala sa 'tin kaya kampante ako na hindi tayo magkakailangan."

Nilingon ito ni Kring-Kring. "Ano 'yong dalawang mahalagang bagay na 'yon?"

"Una, ang mga alaala ko. Pangalawa, ang pagmamahal mo sa 'kin. Dahil wala na ang dalawang iyon, imposibleng may maramdaman pa tayo sa isa't isa ngayong magkasama na tayo. Tulad ngayon, wala akong maramdamang espesyal para sa 'yo dahil wala akong naaalala."

A Fabricated Romance: The Girl In The JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon