9th Chapter

3.9K 127 11
                                    

"PUWEDE ba tayong magkuwentuhan, hija?"

Natigil sa pagsubo ng biko si Kring-Kring nang lapitan siya ni Lolo Pablo. Ibinaba niya ang platito sa mesita at ngumiti siya sa matanda. "Oo naman po, Lolo."

Naglakad sila ni Lolo Pablo sa hardin. Simple lang iyon, gaya nang kung gaano kasimple ang ancestral house na pag-aari ng matanda. Pero gustong-gusto niya ang mabulaklak na mga puno ng bougainvillaea.

"Kring-Kring, ano'ng naramdaman mo nang muli kayong magkita ng apo ko?" tanong ni Lolo Pablo.

Tumingala siya sa mga bulaklak. "I felt blessed when I saw Paul Christian again, Lolo."

"Blessed?" tila gulat na sabi ni Lolo Pablo. "Hindi ko inaasahan ang sagot mong 'yan, hija."

Napangiti si Kring-Kring. "Sa dami ng taong nagkakahiwalay minu-minuto sa bawat araw, masuwerte ako na nagkita uli kami ni Paul Christian, Lolo Pablo."

Napahalakhak ang matanda. "Kung gano'n, napakasaya mo siguro nang muli kayong nagkasama ng apo ko."

Muling napangiti si Kring-Kring. "Sa totoo lang ho, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag. Para hong himala ang nangyaring ito. Mahirap paniwalaan, pero nangyayari talaga. Minsan, nakakatakot na ho."

"Bakit naman nakakatakot?"

"Ayoko ho kasing magising isang araw at malaman na panaginip lang ang lahat ng ito."

Sa isip-isip ni Kring-Kring, nagmumumog na siya ng Zonrox. Kinikilabutan siya sa kanyang mga sinasabi, pero kailangan niyang pantayan ang script at acting ni Paul Christian kanina. Baka mamaya, makahalata si Lolo Pablo na talagang wala silang past ng apo nito.

"Napakalalim talaga ng naging pagmamahalan ninyo ni Paul Christian noon," tila malungkot na sabi ni Lolo Pablo. "Naging napakasakit marahil para sa 'yo nang bigla na lang siyang nawala."

Naalala ni Kring-Kring ang nakatalikod na pigura ni Paul Christian habang naglalakad ito palayo sa kanya ng huling araw na nakita niya ito. Sapat na iyon para maging totoo ang kalungkutan niya.

"I can see it in your eyes, hija." Tinapik siya ni Lolo Pablo sa balikat. "Labis ka sigurong nagtaka kung bakit hindi mo na uli nakita si Paul Christian."

Ngumiti lang si Kring-Kring. Hindi pa naikuwento ng magaling niyang "fiancé" ang nangyari rito pagkatapos nitong maaksidente.

"Ilang buwan lang matapos maka-graduate ni Paul Christian, naaksidente siya. Isang gabi, nagmamadali siyang umalis ng bahay nila. Walang nakakaalam kung bakit. Hanggang sa nakatanggap na lang ng tawag ang kanyang ina na nagsabi sa 'min na nasa ospital ang apo ko, malala ang kalagayan."

"Hindi ho ba siya nagpaalam sa kahit sino sa inyo bago siya umalis ng gabing 'yon?" nagtatakang tanong ni Kring-Kring.

Malungkot na umiling ang matanda. "Malayo ang loob ni Paul Christian sa 'kin noon, kahit na sa iisang bahay lang kami nakatira. Marahil ay masama ang loob niya sa 'kin dahil sinuportahan ko ang desisyon ng iba kong anak at ng sarili ko na ring manugang na palayasin ang ina niya sa mansiyon."

Nagulat si Kring-Kring sa kanyang nalaman, pero hindi niya iyon ipinahalata.

"Sa lalim ng naging relasyon ninyo ng apo ko, malamang ay naibahagi niya sa 'yo ang tungkol sa pagkatao niya. Na anak siya sa labas."

Napasinghap si Kring-Kring pero nang maalalang dapat niyang kontrolin ang kanyang reaksiyon ay dahan-dahan niyang pinakawalan ang kanyang hininga.

"His mom was a househelp in the Ignacio household. Pero dahil sa naging pagkakasala nila ng anak ko, ang ama ni Paul Christian, napilitan akong paalisin si Christina sa aming tahanan," malungkot na sabi ni Lolo Pablo na ang ina ng binata marahil na tinutukoy. "It happened when Paul Christian was only ten. Simula no'n ay hindi na niya gaanong kinibo ang pamilya namin. He became distant. Nang manirahan sa States ang daddy niya, ang stepmom at ang ate niya noong labinlimang taong gulang siya, nagpaiwan siya rito sa Pilipinas."

A Fabricated Romance: The Girl In The JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon