ABALA sa pagbubunot ng damo si Kring-Kring sa bakuran nila nang may aninong nagsilbing lilim sa kanya. Hindi niya iyon pinansin. Tuwing Sabado ng umaga ay iyon ang ginagawa niya. Pampa-kondisyon niya iyon bago niya harapin ang lesson plan niya mayamaya.
"That's not sexy, Kring."
Tumingala siya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Paul Christian na mukha na namang Hollywood actor dahil sa shades nito. Napatayo siya. "Hoy, bakit ka nandito sa bahay namin?"
Humalukipkip ito at tiningnan siya mula ulo hanggang paa – ramdam niya iyon kahit naka-shades ito. "Kung alam ko lang na ganyan ang itsura mo, hindi na sana ako pumunta rito."
Napatingin tuloy siya sa sarili niya. No'n lang niya napansin na hindi pala siya mukhang tao ng mga sandaling iyon.
May suot siyang sombrero na may nakakabit na maliit na payong, maluwag na sweatshirt, lumang jogging pants, magkaibang kulay ng medyas – pink sa kanan, yellow sa kaliwa – at ang naiwang tsinelas ng kuya niya. Hindi kasi niya mahanap ang tsinelas niya na panlabas.
"Nakita na ba kitang ganyan ang itsura no'ng tayo pa?" kunot-noong tanong ni Paul Christian.
"Tsk. Ikaw na nga lang itong nakikitingin, nanlalait ka pa," reklamo niya. "Sabihin mo kung bakit ka nandito. Sa Sabado pa naman 'yong marriage seminar natin, 'di ba?"
"I know. But my photoshoot for today is cancelled."
"So?"
"I got bored. Kaya naisipan kong puntahan ka. Kuwentuhan mo pa ko tungkol sa past natin para maaliw ako," parang hari na utos nito. Pero sa kabilang banda, para rin itong bata na naglalambing.
Bumuntong-hininga siya. Nahihirapan na siyang magtahi-tahi ng kuwento para makabuo ng pekeng past nila ni Paul Christian. Kung totoong writer siya, "writer's block" na siguro ang tawag sa nararanasan niya. "Paul Christian, nag-usap na tayo, 'di ba? Ayokong malaman ng mama ko ang tungkol sa kasunduan natin kaya hindi ka niya puwedeng makilala."
Kumunot ang noo nito. "'Makilala'? Bakit? Hindi mo ba ko pinakilala sa mama mo no'ng tayo pa?"
Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Nabubutasan na nito ang mga kuwento niya. "H-hindi kita pinakilala kay Mama dahil bawal pa kong mag-boyfriend nang naging tayo. We were in a secret relationship."
Napahawak si Paul Christian sa sentido nito. Mas lumalim din ang kunot sa noo nito.
"Paul Christian, ano'ng problema?" nag-aalalang tanong niya.
"Secret relatioship..." halos pabulong na sagot ni Paul Christian. "I suddenly recalled that while I was recovering from the accident, my mom told me once about me having a secret relationship with someone. Pero nang tanungin ko si Mommy kung sino ang babaeng 'yon, ang sabi niya hindi na mahalagang malaman ko 'yon. Since that girl has already left me. Kring, my mom was probably talking about you."
That was definitely not her.
Nang mga sandaling iyon, napaisip siya kung may nakakalimutan ba siya sa nakaraan ni Paul Christian. Pero hindi naman siya nagkaroon ng pagkakataon na mapalapit dito noon kaya hindi siya sigurado kung sino ang babaeng tinutukoy ng ina nito noon.
Isa pa, limang taon na rin ang lumipas simula nang huli niya itong nakita. Hindi na niya gaanong maalala ang ibang detalyeng walang kinalaman sa kanila ni Paul Christian.
Hinawakan niya sa braso si Paul Christian. "Umuwi ka na lang kaya muna at magpahinga? Hindi makakabuti sa'yo kung pilit mong aalalahanin ang nakaraan mo. See? You're having a headache because you're being hard on yourself."

BINABASA MO ANG
A Fabricated Romance: The Girl In The Journal
Romantizm"It's funny how I came to love so many things because of you. I was a better man before than I am today. Because I had you then." Napilitan si Kring-Kring na gumawa ng pekeng love story sa kanyang blog at pinalabas na boyfriend niya ang guwapong sch...