Wakas

3.7K 116 46
                                    

A/N: Dito na po nagtatapos ang Paper Stars. Marami pong salamat sa masugid niyong pagsubaybay sa kwentong ito. Sana po subaybayan niyo pa rin ang journey ni Aya sa pangalawang aklat ng kwento ng buhay niya, ang Paper Planes. Yoroshiku onegaishimasu. :)



WAKAS




Gutom. Pagod. Hapdi. Tatlong salitang alam na alam ko simula pagkabata. Tatlong salitang halos araw-araw ko nararanasan. Tatlong salitang umiikot sa isipan ko habang nakadapa na naman ako sa malamig na sahig at binababoy ng taong kinilala kong ama sa aking harapan ang kanyang kabiyak sa isang hindi makataong paraan.

Hindi ako makagalaw galing sa natanggap kong sipa at suntok mula sa taong iyon. Umiikot ang aking paningin at halos hindi na maramdaman ang aking mga braso at hita. Kanina pa lumilipad sa kawalan ang utak ko dahil sa pinasinghot nitong droga sa akin kanina.

Droga. Isang mapangahas ngunit nakakatuwang bagay. Alam kong masama ang bagay na iyon, alam kong ipinagbabawal at maaari kong ikamatay ngunit tinuring ko itong isang agimat, isang pananggalang laban sa lahat ng pananakit sa akin ng hayop na iyon. Isang panandaliang pagtakas sa mapait na katotohanan ng aking buhay. Dahil kung mamamatay man rin lang ako, mas pipiliin kong mamatay na hindi bitbit ang sakit.

Isa raw akong patapong bata. Napulot lang nina Nanay sa isang kumpol na basurahan noong minsang pauwi sila ng kanyang asawa galing sa kapistahan ng Ninyo. Tantiya niya ay apat na taong gulang pa lang ako noon nang matagpuan nila, umiiyak at yakap-yakap ang sarili sa loob ng isang malaking kahong may nakadikit na sticker ng Jesus Reigns. Para kay Nanay, isa akong biyaya ng Ninyo sa ilang taon nilang pagdarasal na magkaanak. Para naman sa kanyang asawa, isang pabigat at dagdag na palamunin sa kanyang pamamahay.

Sa naaalala ko, si Nanay lang ang naging mabait sa akin. Dahil sa kakaibang kulay ng aking buhok at mga mata, ilang pintas ang natanggap ko sa ibang mga tao. Anak ng pokpok. Anak ng engkanto. Anak ng pusa! Hindi rin ginawang madali ng aking ama-amahan ang aking buhay. Konting pagkakamali, ilang balatay na ng sinturon ang matatamo ko mula rito. Kapag nagtama ang aming paningin, katumbas ay isang malakas na sampal.

Lumala pa ito noong ako'y nagsimula ng magbinata. Bugbog ang aabutin ko kapag hindi ako nakadelihinsiya sa kalye. Laging kinukulang ang nakukuha ko sa paglilimos dahil na rin sa aking hindi kapani-paniwalang banyagang hitsura. Nagsimula kami sa simpleng pagnanakaw na humantong sa pagsna-snatch at sa huli ay pangho-hold-up. Pagkatapos noon ay didiretso kami ng mga katulad kong batang kalye sa likod ng isang sirang gusali. Ilalabas namin sa pinagtaguan ang isang bote na may nangangalahating pandikit at saka paghahatiin sa mga dala naming supot. Kanya-kanya kami ng upo sa mga sulok para singhutin ang napakasarap na pandikit na iyon.

Iyon ang naging buhay ko bago ko nakilala si Merideth. Ah, Merideth! Siya ang pinakamagandang babaeng nasilayan ng aking mga mata noong minsang napadako kami ng mga kasama ko sa isang kalyeng punung-puno ng mga sumasayaw na ilaw at mga dalagang halos walang saplot sa katawan. Napatigil ako nang makita ko siyang pinipilit ng isang nakakalbong lalaki na may malaking tiyan at nagkakapalang mga ginto sa katawan na sumakay sa kanyang maalikabok na sasakyan.

"Hoy! Ano iyan?!" Sigaw ko rito.

"Wala kang pakialam, bata! Umalis ka riyan!" Tinadyakan niya ako sa hita at agad akong napaupo sa maputik na gutter ng kalsada.

Galit ko itong tinitigan at nang makita ko ang mangiyak-iyak na mukha ng babae, sumigaw ako nang napalakas, tinakbo ang distansya namin noong malababoy na lalaki at saka kinagat ang kanyang braso nang napakalakas. Nabitawan nito ang kanyang hawak na braso at agad akong sinapak. Muli akong bumagsak sa kalsada at nalasahan ang dugo sa gilid ng aking bunganga. Hindi ko iyon inalintana at mabilis na bumangon para itakbo ang dalaga palayo roon. Sa ganoong paraan ko nakilala si Merideth, ang unang babaeng nagpatibok ng bata kong puso.

Paper Stars (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon