Chapter One

28.8K 423 30
                                    

"BIRTHDAY mo, Rima?" tanong ni Lileth. Maliit ito na mataba. "Carolina" ang totoong pangalan nito, pero dahil sa katabaan, pinalayawan ng "Lileth," as in, lilitsunin.

"Mag-aanak ka sa binyag?" tanong naman ni Josephine. Kung tutuusin ay mataba rin ito, ngunit mas mataas ito kaysa kay Lileth. Malusog ang dibdib at malapad ang balakang nito, mahilig sa masisikip na damit kaya napapag-kamalang sexy.

"Kailan ka pa naging stewardess, Rima?" Si Fely. Tama lang ang katawan at taas nito. Ito ang pinakamatanda sa kanilang grupo, hiwalay sa asawa, at may tatlong anak na binubuhay.

"None of the above," taas-noong sabi ni Rima.

"Eh, bakit suot mo ang pamburol mo?" tanong ni Josephine.

Ang "pamburol" na sinasabi nito ay ang pink ensemble ni Rima na nabili niya sa ukay-ukay: pink na palda at pink na blouse—three-fourths ang manggas at boat-necked.

Naglagay pa siya ng white and pink polka-dotted scarf. Nasa shade din ng pink ang kanyang sapatos na dalawang pulgada ang takong. Nakaputing stockings siya. Ang buhok niya ay nakapusod na may pink clasp sa likod. Nakasabit sa braso niya ang puting bag, na nabili rin niya sa ukay-ukay.

"Mga luka-luka!" sabi niya. "May job interview ako ngayon."

"Job interview?" chorus ng tatlo niyang kasama sa bahay na para bang noon lang narinig ang salitang "job interview."

"Oo. Tinawagan ako n'ong pinadalhan ko ng application letter at resumé. Sabi ko naman sa inyo, wala akong balak maging promo girl forever and ever."

Mukhang offended ang tatlo.

"Kaysa walang trabaho," ani Lileth. "Magre-resign ka ba?"

"Depende. Kung matatanggap ako ngayon, di magre-resign na ako."

"Sigurado ka ba na matatanggap ka?" Si Fely. "Mahigpit ang kompetensiya sa trabaho ngayon, lalo na at sangkaterba na naman ang g-um-raduate last month."

"At least dito, kahit paano, may kita tayo," sabi ni Lileth.

"Kaso nga, alam n'yo naman na hindi ang maging promo girl ang ambisyon ko sa buhay. Aminin na natin, wala namang asenso ang trabaho natin. Malamang, eh, cancer pa ang makuha natin sa kakatikim ng instant noodles!"

"Bahala ka. Good luck na lang," sabi ni Josephine.

"Pero kailangan bang mukha kang first lady sa job interview na 'yan?" Si Fely.

"Sa Makati 'yong pupuntahan ko, 'no! Alangan namang magmaong ako? Saka, sawa na nga akong magmaong."

Maong pants lagi ang suot nila sa trabaho. Ang pang-itaas nila ay T-shirt na may logo ng mga produktong ipino-promote nila sa mga supermarkets. Sa kasalukuyan, ang logo ng isang brand ng instant noodles ang naka-emboss sa kanang dibdib ng T-shirt nina Josephine.

"Overdressed ka naman yata." si Lileth. "Saka, sinauna pa 'yan, eh."

"Excuse me! Ito ang tinatawag na classic," sabi ni Rima. "Mabuti na 'yong hindi ako mukhang yagit. Importante 'yon. Kasi, kapag mukha kang yagit, lalo kang aapihin."

Napangiwi si Fely. "Hindi ka nga siguro aapihin diyan sa suot mo, pagtatawanan ka lang."

"Ano ba kayo? Imbes na i-encourage n'yo ako sa pangarap ko, nilalait n'yo ako."

Mga talangka!

"Hindi ka namin nilalait. Ayaw lang namin na magmukha kang tanga." Si Lileth.

"Mukha akong tanga, gano'n?"

Nagtinginan lang ang tatlo, pero hindi nag-comment.

"Diyan na nga kayo!" Lumabas siya ng pinto.

"Sasakay ka sa jeep na ganyan ang ayos mo?" habol ni Lileth.

"Hindi! FX!" paangil na sagot ni Rima. Sino kaya ang gustong mag-jeep na naka-dress for success? Kaso, can't afford siya na mag-taxi. Magtitiyaga na lang siya sa FX taxi.

Walang lingon-lingon na bumaba siya ng hagdan.

Dalawang palapag ang apartment na iyon, pero iyong itaas lang ang sa kanila. Iba pa ang umuupa sa ibaba—isang pamilya na isang kahig-isang tuka rin na nagtitinda ng mga lutong pagkain sa harap ng bahay.

Malungkot pagmasdan ang tirahan nila sa labas, parang madilim. Matagal nang kumupas ang pintura niyon, napalitan na ng alikabok at usok galing sa mga sasakyan at sa mga barbecue-han sa tabi-tabi.

Alam niya, mas masuwerte pa rin siya kaysa sa kanyang mga kaibigan at mga kababata na iniwan niya sa probinsiya. Nagsipag-asawa na ang mga ito ng mga tagaroon din, maya't maya, nanganganak, pero wala namang ikinabubuhay maliban sa pangingisda at pagtatanim sa hindi naman lupa ng mga ito.

Napailing siya. Hindi siya nakokonsiyensiya na iniwan niya roon ang kanyang inay at itay at dalawang kapatid. Ayaw niyang tumanda na hindi man lang nasusubukan ang mga kakayahan niya. Masyadong limitado ang buhay sa probinsiya nila. Ano ang mararating niya roon?

Wala siyang balak mag-asawa ng mangingisda o kaya ay magsasaka, pagkatapos ay aanakan siya nang aanakan. At sa edad na beinte-sais ay magmumukha na siyang kuwarenta y sais!

Sabi nga ng mga sosyal: "No way, Jose!"

Sa sakayan ay pinagtitinginan si Rima ng mga tao. Inggit lang kayo! sa loob-loob niya. Ngayon lang nakakita ang mga ito ng naglalakad na Barbie doll! Hindi nga lang siya blonde at mestiza, pero puwede naman siyang ihilera sa mga models, ayon sa kanya.

Bakit ba hindi? Matangkad siya, slim, morena, at may mukha rin naman. Kung wala siguro siyang hitsura, walang manliligaw sa kanya, at saka baka nagsawa na siyang tumingin sa salamin.

Kaya, ano man ang sabihin ng iba, para sa kanya, may angkin siyang ganda. Hindi naman sa nagyayabang siya, kaya lang—sa nagagandahan talaga siya sa sarili niya, eh.

May dumaang FX taxi. Sa likod na lang niyon may bakanteng upuan. Ayaw sana niya roon dahil maalog at nakakawala ng poise. Kaso, male-late na siya. Para ano pa at pumorma siya para magpa-impress kung late siya?

Sumakay siya sa FX taxi at pinigil ang sarili na magreklamo sa mahal ng singil. Noong huli siyang nag-FX taxi, sampung piso lang ang siningil sa kanya sa ganoon din kalayo na biyahe, ngayon, beinte-singko!

Pero sabi nga ng marami, kung gusto niyang umasenso sa buhay at hindi small-in ng kapwa, dapat umasta siyang asensado at hindi mukhang gutom.

Hindi niya malaman kung paano pupuwesto nang mahusay sa upuan. Dumudulas ang palda niya at wala siyang makapitan. May malaking bagahe pa ang katabi niya na nasa gitna, hindi niya tuloy maigalaw ang mga paa.

Hah! Darating din ang araw, hindi na siya magko-commute. Magkakaroon siya ng sariling sasakyan. Yayaman din siya.

Kinuha niya ang pressed powder sa bag at nag-retouch.

Bakit ba hindi pa siya nadi-discover para maging artista? Eh, ano kung maitim siya? Bakit si Assunta at si Alessandra? Bakit wala pa ring nag-aalok sa kanya para maging fashion model kagaya ni Tweety de Leon? Feeling naman niya, hindi sila nagkakalayo ng ganda. At bakit kapag sumasali siya sa mga beauty contest, hindi siya nagwawagi? Nakakaintindi naman siya at nakakapagsalita ng Ingles, ah!

Mga bulag ang mga judge.

Blush Series 2: Crush ClashTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon