Chapter 11

10.4K 283 0
                                    

NAHABAG at nabahala nang husto si Rima sa mga isiniwalat ni Andy tungkol sa anak nito. Pakiramdam tuloy niya, kailangan niyang alagaang mabuti si Dakota. Parang hindi na dahil sa malaking suweldo kaya niya ginusto ang trabaho, bagay na hindi rin niya mapaniwalaan sa sarili. Mayroon pala siyang kakayahang magmalasakit nang ganoon sa kapwa. Desidido siyang gampanan nang mabuti ang trabaho.

Bago siya umuwi para kunin ang mga gamit at damit sa apartment, nag-insist si Dakota na dumaan sila sa mall para ibili ng pasalubong ang mga kasama niya sa bahay. Sumama pa ito sa kanya roon.

Since señorita naman ang alaga niya, ipinagamit sa kanila ni Andy ang van. Kailangan munang ihatid sa opisina ang mga empleyado kaya ginabi sila ng uwi.

Gulantang naman sina Fely nang malamang pagiging yaya ang kinabagsakan niya. Habang kinakain nila ang dala-dala nilang pizza, ipinaliwanag ni Rima sa mga kaibigan ang nangyari. Pati si Dakota, nakiki-explain.

"Bakit ba naman matigas ang ulo mo, bata ka?" tanong ni Fely pagkatapos nilang magpaliwanag kung bakit kailangan ni Dakota ng yaya.

"Feeling niya, walang nagmamahal sa kanya," ani Rima.

"Sus, kung ako ang ganyan kayaman, 'di bale nang walang nagmamahal," ani Lileth.

"Wala ka pa bang yaya?" tanong ni Josephine.

"Meron sa house. Pero kinausap ko na si Lola. Sabi ko, hindi na si Mina ang yaya ko," bale-walang sagot nito.

Nagimbal si Rima sa sinabi nito. "Tinanggal mo sa trabaho ang yaya mo?"

"No naman. Di kay lola na lang siya, tutal, maid naman talaga siya ni Lola. Naging yaya ko lang siya no'ng dumating ako ro'n."

"I see." Mabuti naman kung ganoon dahil ayaw niyang makonsiyensiya na dahil sa kanya ay mayroong nilalang na nawalan ng trabaho.

Pagkatapos kumain, tinulungan pa siya ni Dakota na mag-empake. Iyon nga lang, pinagtawanan nito ang wardrobe niya. Wala ba raw siyang damit na hindi complimentary T-shirts ng mga food corporation? Kawawa naman daw siya.

"At least, may naisusuot. At saka pambahay lang naman."

"Kahit na. Cheap."

"Eh, sa poor lang ako, eh."

"I'll give you clothes na lang pagdating sa house. Iwan mo na 'yang mga cheap dito."

Kaya sa bandang huli, mas marami pang iniwan si Rima kaysa dinala. Nang magpaalam siya sa tatlong kasama, hindi nila napigilan ang mapaluha. Hindi nila alam kung kailan uli sila magkikita-kita.

Nasa van na sila nang mapansin niyang basa rin ang mga mata ni Dakota.

"Bakit? May naalala kang malungkot na pelikula?" tanong niya.

"I was touched," sagot nito.

"Saan?"

"Your friendship. I never had a real friend."

"You mean to say, you don't have any friends in school?"

Umiling ito. "They don't like me. Saka, 'di ba, transferee lang ako? Inaaway lang nila ako ro'n. Ayoko na ngang pumasok."

"Hindi puwede. Hindi ako susuwelduhan ng tatay mo kung hindi ka papasok."

"Ayoko, eh."

"Gusto naming lahat kaya papasok ka."

Umismid lang ito at tumahimik na.

TIPIKAL na lola ang lola ni Dakota. Doting. Pagkarating na pagkarating nila, hindi nito malaman kung paano iwe-welcome at aasikasuhin ang apo. Kulang na lang ay paliguan nito si Dakota, bagay na halatang ikinaiinis ng bagets.

"Why is she like that?" tanong ni Dakota sa kanya nang mapag-isa sila sa silid nito, na parang silid sa isang five-star hotel. Kung hindi dahil sa mga nakakalat na stuffed toys, mukha na talagang hotel iyon. Everything matched. Masyadong malaki ang kama para dito.

"Sino?"

"Si Lola. Lagi na lang ewan. Nakabuntot."

"Mahal ka niya. Ganoon talaga ang mga lola, lalo na at panganay ka nilang apo."

"I understand that. Kaya lang, she makes me feel like she's making up for something, like my parents. And it only makes me feel that my parents don't really care about me."

Tinabihan ito ni Rima sa kama. "Mahal ka ng parents mo, lalo na ng daddy mo. Alam ko dahil nagkausap na kami."

"Bakit wala siya rito? Bakit ayaw niya na kasama ako?"

"Sinabi mo na ba sa daddy mo na gusto mong magkasama kayo?"

Hindi ito nakasagot.

"Sabihin mo muna. Mahirap naman 'yang nagpe-presume ka lang. Siyempre, iba ang isip ng matatanda sa mga bata. Kailangan n'yong mag-usap para magkaintindihan kayo. Kayo, kapag nag-uusap kayo ng daddy mo, tinatarayan mo agad. Naiinis tuloy siya."

"'Kainis siya, eh."

"Alam mo kasi, maraming iniisip at ginagawa ang daddy mo at para sa 'yo lahat 'yon. 'Tapos, dinadagdagan mo pa ang mga problema niya. Natural lang na uminit ang ulo niya, pero hindi ibig sabihin n'on, hindi ka niya mahal. Marami siyang sinabi sa akin."

And she told Dakota what she knew. About Dakota's problems in school and her misbehaviors.

Tahimik lang na nakinig ito. Nang matapos si Rima, pumasok si Dakota sa walk-in closet, kinuha ang schoolbag at buhat doon ay may inilabas na cellphone. Iba pa iyon doon sa nakita niyang ginagamit nito.

Blush Series 2: Crush ClashTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon