SA MAKATI rin ang address na nakalagay sa papel na napulot ni Rima. Sa Westmont Village iyon. Pero sa kagaya niyang minsan lang tumapak sa Makati, para siyang naliligaw sa gubat. Hindi niya alam kung kakaliwa siya o kakanan. Sinubukan niyang pumara ng taxi. Tinanggihan siya ng driver. Malapit lang daw ang pupuntahan niya.
Ilang tao na ang napagtanungan niya, pero hindi pa rin niya nahahanap ang address. And then she saw the road sign—Westmont. May arrow na naka-drawing—pakaliwa.
Kahit masakit na ang mga paa niya dahil sa taas ng takong niya, sige pa rin siya. Hindi siya susuko. Hindi siya uuwing luhaan.
Pero dahil hindi pa siya sigurado sa dinadaanan, mabagal ang lakad niya. Maya't maya ay lumilinga siya sa paghahanap ng kahit anong palatandaan na malapit na siya.
Sa kakalinga, nabangga siya ng isang foreigner na nagmamadali. Napasadsad siya sa kotseng nakaparada sa tabi ng daan. Kung walang kotse roon, malamang na sumemplang siya at napatihaya sa kalsada. Six-footer yata ang foreigner at mataba rin. Nagmamadali ito. Nang makita nitong hindi naman siya nasaktan, nag-sorry lang at kumaripas na ng takbo.
Pero hindi siya okay.
Dahil nag-ingay ang alarm ng kotse. Nang angatin niya ang kamay na napakapit sa side mirror, humiwalay ang salamin doon!
"Nanay ko!"
Napatingin sa kanya ang mga nagdaraan. Pakiramdam niya ay inaakusahan siya ng mga ito.
"Hindi ko sinasadya." Pinulot niya ang salamin at nagpalinga-linga. Ano ang gagawin niya roon? Baka hulihin siya ng pulis.
Sa takot na may makakita pang pulis sa nangyari, ipinatong niya ang salamin sa hood ng kotse at parang ipis na nagmamadaling umalis.
Iyon nga lang, hindi siya nakatakas dahil may sumigaw na sa kanya.
"Hey, Miss!"
Paglingon niya, tumambad ang isang lalaking mukhang harassed. Naka-polo shirt ito na nakalas na sa pagkaka-tuck-in ang kalahati ng laylayan, maluwag na ang necktie nito, magulo ang buhok, at namumula ang mga mata.
"Ako?" tanong ni Rima rito at itinuro pa ang sarili.
"Yes, you!" Dinuro na siya ng lalaki, pagkatapos ay sinenyasan siyang lumapit dito.
"Bakit ho?"
"I saw you! Kitang-kita kita. Tinanggal mo ang side mirror ko." Ito na ang lumapit sa kanya. Mababa lang ito nang kaunti sa foreigner na nakabangga niya. Pero mas maayos naman ang katawan nito—meaning, hindi ito mataba.
Nasa thirties siguro ang lalaki. Medyo may mga puting buhok na. Namangha si Rima—dahil kahit pala mukhang bagong gising at gusot ang suot at buhok nito ay guwapo pa rin.
As in.
Matangos ang ilong nito; ang mga labi ay kagaya ng kay Edu Manzano; ang mga mata ay parang kay Richard Gere, singkit pero hindi mukhang Intsik. Kaso lang, ang kay Richard Gere, parang nakatawa; ang sa lalaki, galit.
"Hindi ko naman ho sinasadya. Nasagi lang ako at nasagi ko ang kotse n'yo kaya natanggal ang..." Sinulyapan niya ang side mirror.
"So? Nakaperhuwisyo ka, pero balak mong takasan?"
"Hindi ako tatakas!" tanggi niya. Paano naman siya hindi tatakas, eh, malay ba niya kung ano ang dapat niyang gawin sa side mirror na iyon?
"Ang mabuti pa, ipagawa mo 'yan," anito.
"Ano 'kamo?" bulalas ni Rima. Siya ang magpapagawa? Pambili nga ng sarili niyang salamin, wala siya. Sira-ulo ba ang lalaking ito? Para side mirror lang!
"Bakit ko ipapagawa iyan? Kasalanan ko ba kung mahina ang pagkakadikit niyan? 'Yong binilhan mo ng kotse mo ang angalan mo!"
"Ikaw pa ang galit?"
"Ang yabang mo! Malay ko ba kung sa 'yo nga 'tong kotse? Malay ko ba kung Dugo-dugo Gang ka at balak mo akong utuin?"
"Marami ka pang katwiran. Bayaran mo na lang ang nasira mo!"
"Excuse me. Wala akong balak. As I told you before, just a minute ago, I did not meant to do it. The foreigner pushed me there in the car!" Huh! Akala yata ng lalaking ito, hindi niya kayang mag-English!
Nakamata na parang nakangiwi sa kanya ang lalaki, ngunit hindi makaimik.
"What now? You cannot talk? Because you know it for a fact that I am correct. You are wrong. Don't you ever dare accuse me of crimes I did not committed," pagtataray pa niya.
"Commit," sabi ng lalaki.
"No, I did not committed any crimes," giit ni Rima.
"Commit," ulit ng lalaki.
"Hay, naku, bahala ka sa buhay mo! Alam mo, mas mabuting umuwi ka na sa inyo. Matulog ka. Bangag ka yata, eh!" Nag-about-face siya. Pero lumingon uli siya. "Adik!" Binirahan niya ng lakad na mabilis.
Parang narinig pa niyang nagmura ang lalaki, kaso, masyadong fluent sa English, hindi niya naintindihan ang mga sinabi nito.
"Manigas ka riyan!" bulong pa niya. Bad trip. Hindi yata masuwerteng araw sa kanya ang ikawalo ng buwang kasalukuyan.
Pero pagdating niya sa kanto, bumulaga sa kanya ang entrance ng Westmont Village. Kailangan na lang niyang tumawid. Parang ang tagal magpalit ng ilaw-trapiko. Atat na siyang magkatrabaho.
BINABASA MO ANG
Blush Series 2: Crush Clash
RomanceAlam ni Rima sa sarili na hindi lang siya pang-promo girl sa supermarket na nagpapa-sample ng iba't ibang produkto. She had proven herself right nang matanggap siyang account executive sa isang kompanya. From selling instant noodles, she would now b...