Chapter Two

11.7K 276 7
                                    

KAHIT naman bilib si Rima sa sarili at may kayabangang taglay, pagpasok niya sa building kung saan siya i-interview-hin ay para siyang nanliit. Kasi naman, ang mga babaeng nakikita niya ay halatang mamahalin ang mga suot at hindi galing sa ukay. Parang halata na cheap-angga siya!

Naghanap muna siya ng ladies' room at sinipat ang sarili sa salamin. Okay naman siya. Mamahalin din naman ang suot niya dahil Valentino iyon. Ang bag niya, Prada!

It's all in the attitude, sa loob-loob niya. Kailangan, mas gilasan pa niya. Kailangan, maganda ang lakad niya—taas-noo; chest out, stomach in; at chin-up. Pinraktis muna niya iyon sa ladies' room. Pagkatapos magpalakad-lakad sa buong espasyo ng banyo, lumabas siya, diretso sa elevator.

Impressed agad siya sa opisinang pag-a-apply-an pagpasok niya roon. Ang lamig, parang ang linis-linis. Blue-gray ang carpeting at parang big time lahat ng tao roon. Kahit alam niyang mga empleyado at empleyada rin lang naman ang karamihan sa mga iyon at hindi naman kalakihan ang mga suweldo, still, parang angat sa iba, lalo na sa kagaya niyang promo girl.

Nagpakilala siya sa receptionist. Sinabihan siya nito na maghintay sa isang waiting area, kung saan may mga nauna na sa kanya na kulang-kulang sampung katao—babae at lalaki. Now, this was more to her element. Sa mga kapwa niya aplikante, nakikita niya ang sarili. Parang mga uhaw ang mga ito—uhaw sa oportunidad, uhaw sa mga bagong karanasan.

"Excuse me, makikiupo," aniya sa babaeng nasa dulo ng mahabang sofa. Umisod ang babaeng naka-navy blue suit.

"For interview ka rin?" tanong niya, kahit obvious ang sagot. Ayaw lang niyang mainip.

"O-oo. Pero ang alam ko, mag-e-exam muna tayo. Pine-prepare pa raw."

"Ah, oo nga pala." Ang tumanim lang kasi sa isip ni Rima noong tawagan siya ay iyong salitang interview. Nakalimutan niyang may nabanggit din nga palang exam ang caller.

In less than fifteen minutes ay may lumapit na babae sa kanila. Ready na raw ang exam at pinasunod sila sa isang silid. Parang conference room iyon. Binigyan sila ng test papers. Kaya lang, sa sobrang dami, parang board exam ang kukunin nila.

Malalaman din daw agad nila ang resulta ng exam dahil computerized naman ang sistema ng office na iyon na distributor ng kung ano-anong imported—mula sa de-lata hanggang pelikula!

Isang oras pagkatapos nilang kumuha ng exam, ini-announce ang mga nagwagi. Tuwid na tuwid si Rima sa pagkakaupo—ini-apply lahat ng nabasa, napanood, at narinig sa mga experts tungkol sa tamang pag-upo. And just the same, chin-up, chest out, et cetera.

Iyong apat lang daw na pinakamataas ang score ang i-interview-hin sa personnel department. At first interview pa lang daw iyon. Kinabukasan ay babalik uli ang makakapasa sa naturang interview para sa panibago na namang interview.

Ang daming chechebureche, sa loob-loob ni Rima. Bakit noong nag-apply siyang promo girl, tanggap agad siya, wala nang exam-exam? Pero sabagay, kompara naman sa opisinang pinanggalingan niya, hi-tech ang kinaroroonan niya ngayon.

"That's it," nakangiting sabi ng babaeng mukhang receptionist.

Teka... Napamaang siya. Hindi yata niya narinig ang pangalan niya sa mga tinawag?

"Bagsak ako?" tanong niya sa babae.

"You're..."

"Prima Donata Manibog." Sinabi niya ang buong pangalan.

"I'm sorry, Miss. Wala rito sa list ang pangalan mo."

"Gano'n?" Ibig sabihin, bagsak siya. Hindi siya hired! Wala nang chance na ma-hire siya?

Ganoon na lang ang panlulupaypay niya, hindi lang ng mga balikat niya kundi pati spirit. Ang dali naman ng exam, multiple choice lang, kaunting English, kaunting Mathematics. Bakit siya bumagsak?

Ang ibang hindi natawag ay nagpaalam na. Wala siyang nagawa kundi lumabas na rin, naghihimutok, lungkot na lungkot. Anong pagmumukha ang ihaharap niya kina Lileth?

Balik na naman siya sa pagiging promo girl.

"Try n'yo 'tong chicken sopas namin, Ma'am. May vitamin A at fiber."

"Subukan n'yo itong Luster shampoo, Ma'am. May keratin at protein extract."

"Bakit hindi na lang ito ang kunin n'yong butter, Ma'am? Forty-three pesos lang, may kasama nang cheese packets."

Et cetera... et cetera.

Halos malaglag na ang mga luha niya.

Bakit parang ayaw siyang bigyan ng Maykapal at ng tadhana ng pagkakataon na umangat sa buhay? Hanggang doon na lang ba talaga siya? Hindi na niya mararanasang tumira sa maayos na bahay? Iyong walang ipis at daga. Iyong hindi nabubulok ang mga haligi at kisame. Iyong nabubuksan at nasasarhan ang mga bintana. Iyong mabango ang banyo.

Masama bang mangarap ng mga ganoong bagay?

Hindi alam ni Rima kung saan pupunta pagkalabas ng building. Kakaliwa ba siya? Kakanan? Tatawid?

And then she saw something. Nasa paa niya, nakadikit sa takong ng sapatos niya.

A piece of paper.

Hinila niya iyon at naghanap ng basurahan. Pero bago pa niya naitapon iyon ay nabuklat niya. Isa iyong advertisement for a job opening. Kopya marahil iyon niyong inilalagay sa mga diyaryo. Naghahanap ang kompanyang kung tawagin ay "Fixtures" ng account executives—twenty-one to twenty-five years old, with pleasing personality, with good communication skills, et cetera.

Binasa niya ang address.

Blush Series 2: Crush ClashTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon