HINIMATAY si Rima nang pagbukas niya ng pinto ay bumulaga sa kanya ang mga mukha ng kanyang inay at itay. Kasama ni Dakota ang dalawa.
"Prima, anak. Hoy!"
Nahimasmasan siya nang tapik-tapikin ng itay niya ang pisngi niya. Nasa sahig siya.
Tinulungan siya ng itay niya na maupo sa sofa.
"Here's the water," sabi ni Dakota. Ibinigay nito sa kanya ang isang basong tubig.
Hindi naman siguro siya ganoon katagal nawalan ng malay. Segundo lang siguro.
"Bakit ka ba hinimatay? May sakit ka ba, anak?" anang inay niya.
"Maybe she's pregnant," bale-walang sabi ni Dakota. Umupo ito sa tabi niya.
"Ano'ng pinagsasasabi mo riyan?" singhal niya sa alaga.
"Nagdadalantao ka ba, anak?" tanong ng inay niya.
"Hindi ho! Maniwala kayo sa batang 'to, kung anu-ano ang sinasabi."
Nagsalita ang itay niya. "Wala namang masama, anak, kung magpapakasal na kayo ng ama ni Dakota. Matutuwa pa nga kami na lalagay ka na sa tahimik. Hindi na kami laging mag-aalala roon sa atin na walang mag-aalaga sa iyo."
Napatingin siya kay Dakota, pagkatapos ay sa mga magulang naman niya. Magsasalita na sana siya nang tumunog ang doorbell.
"That's Daddy!"
Si Dakota ang nagbukas ng pinto.
Si Andy nga.
"Hi, Daddy! Rima's parents are here. Pag-uusapan n'yo ang kasal n'yo, 'di ba, Daddy? Pinasundo mo sila sa amin ni Mang Ver?"
Napakunot ang noo ni Andy, napatingin sa kanya.
Todo ang iling ni Rima.
Sa mga magulang naman niya tumingin si Andy.
"Magandang gabi po sa inyo. Pasensiya na po kayo, hindi ako ang personal na sumundo sa inyo. May inasikaso po kasi ako. Kumain na po ba kayo?"
"Naku, busog pa kami, hijo. At huwag mo kaming alalahanin. Naiintindihan namin na abala kang tao," sabi ng itay niya.
"Sandali!" sigaw ni Rima, sabay tindig. "Nagkakamali kayo. It's all a big mistake. May hindi tama sa mga nangyayari. Nagkakamali po kayo, Inay, Itay."
"Rima," ani Andy, pagkatapos ay lumapit at umakbay sa kanya. "Pagod pa sa biyahe ang inay at itay mo. Pagpahingahin muna natin sila. Bukas na natin ito pag-usapan."
"Oo nga," sang-ayon ni Dakota na para bang kung sinong contessa na inasikaso ang mga magulang niya. "I'll show you your room. I'll call you 'Lolo' and 'Lola' na. Okay lang ba 'yon?"
Natawa ang inay niya. "Oo naman, ineng. Aba'y kaganda mong bata. Kahit sino, gugustuhin kang maging apo."
Hanggang tainga ang ngiti ni Dakota. "We had dinner na on the way here. Kasi medyo malayo ang biniyahe namin. Nag-excuse naman ako sa school. I'll take the exams na lang tomorrow after class," sabi nito kay Andy.
Andy nodded.
Pumasok sa guest room ang mga magulang ni Rima. Naiwan sila ni Andy sa sala.
"Maniwala ka, wala akong kinalaman dito," sabi agad niya. "Hinimatay nga ako nang makita ko ang mga Inay. Hindi ko alam kung ano ang gustong mangyari ng anak mo."
BINABASA MO ANG
Blush Series 2: Crush Clash
RomanceAlam ni Rima sa sarili na hindi lang siya pang-promo girl sa supermarket na nagpapa-sample ng iba't ibang produkto. She had proven herself right nang matanggap siyang account executive sa isang kompanya. From selling instant noodles, she would now b...