Chapter 13

11.4K 309 17
                                    

"HI!" TIPID na bati ni Rima kay Andy nang pagbuksan niya ang lalaki ng pinto. Pasado alas-diyes na ng gabi.

"Hi, where's Dakota?" tanong nito habang niluluwagan ang necktie.

"Natutulog na siya. Sabi ko kasi, dapat magsanay na uli siya na matulog nang maaga kasi sa Monday, balik-school na siya. Dapat maaga na uli siya gumising."

Magdadalawang linggo na sila ni Dakota na nakatira sa town house ni Andy. So far, so good. Well, not so good. May kaunting problema. Hindi kasi niya maintindihan kung bakit parang ipinagtutulakan siya ni Dakota sa ama nito.

Araw-araw na lang, walang bukambibig ang alaga niyang bagets kundi ang mga katangian ng ama nito at kung ano-ano ang mga gusto nito—sa pagkain, sa pabango, sa mga tao, sa lahat-lahat.

Siya naman itong parang sira na sunod-sunuran sa alaga. Kapag sinabi ni Dakota na ipagluto niya ang ama nito, magluluto nga agad siya. At madalas, nahuhuli na lang niya ang sarili na nakatitig sa kawalan at iniisip si Andy. At bago siya matulog sa gabi, ang lalaki rin ang laman ng isip niya.

Ano ba iyon? Epekto ng suggestions ni Dakota o talagang hindi maiiwasan na magka-crush siya kay Andy dahil lagi niya itong nakikita, nakakasama, at bulag lang ang hindi mapapalingon sa good looks nito?

Ang resulta, kapag silang dalawa lang ni Andy ang magkaharap at wala si Dakota sa paligid, nako-conscious na siya. Hindi niya malaman kung paano kikilos, nagba-buckle pa siya.

"A-akin na 'yan," ani Rima, ang tinutukoy ay ang isang pumpon ng mga bulaklak na dala ni Andy. "Ilalagay ko na sa vase sa kuwarto ni Dakota. Matutuwa 'yon paggising."

"Para sa 'yo 'to," anito.

"Ha? Akin? Bakit?" Parang gymnast ang puso niya, natataranta kung paano ta-tumbling.

Binibigyan siya ni Andy ng bulaklak? Iyong mga nanliligaw lang naman ang nagbibigay ng bulaklak sa dalaga, hindi ba? Wala naman siyang sakit para bigyan niyon. At kahit may sakit siya, mas dapat, mga prutas ang ibigay sa kanya.

Ano ito?

"Napadaan ako sa flower shop, naisip kong bilhan ka para sa lahat-lahat ng ginagawa mo sa anak ko. Natutuwa ako na malaki ang ipinagbago ng ugali niya. Hindi na sumpungin. At dahil sa 'yo 'yon."

Tinanggap niya ang bulaklak. "Pero hindi ka na dapat nag-abala. Don't give me the credit for everything, kasi, dahil din sa 'yo kaya nagbago si Dakota. Saka mabait naman talaga siyang bata, nagkukunwari lang na salbahe. Pero ngayong alam na niya na mahal mo siya, wala nang rason para makaisip siyang gumawa ng mga kalokohan."

"Still, I owe that to you. Kung hindi sa mga reports mo sa akin, hindi ko malalaman ang mga gusto ng anak ko. Thank you for being honest and straight with me."

"W-walang anuman. K-kumain ka na ba? Nagluto kami ng cheese macaroni with tuna. Gusto mo raw 'yon, sabi ni Dakota. Siya ang nagpilit magluto." Pero ang totoo, tagabasa lang sa recipe book ang alaga niya. Siya ang nagpakahirap talaga. Ang masaklap, feel na feel niya ang pagluluto kanina. At nang masarap ang resulta, tuwang-tuwa siya at ina-anticipate na ang papuri ni Andy.

Kung hindi ba naman siya sira.

"Sure. Tumawag nga sa akin si Dakota kanina. Nagluto raw kayo kaya hindi ako kumain masyado kanina. Ginabi lang ako dahil may kausap ako. Magpapalit lang ako ng damit."

"O-okay." Ano ba itong nangyayari sa kanya at habang tumatagal, patuliro siya nang patuliro sa harap ni Andy? Baka kapag nagtagal pa, mabaliw na siya o atakihin sa puso. Lagi na lang siyang nate-tense. Marinig lang niya ang boses nito, dumadagundong na sa kaba ang puso niya.

Blush Series 2: Crush ClashTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon