TUMINGALA si Rima. Tama naman ang numero ng building.
"Yes, Ma'am?" sabi sa kanya ng guwardiyang nakatalaga sa harap ng parang showroom ng iba't ibang klaseng ilaw, gripo, at lababo.
"Ito ba ang Fixtures?" tanong niya.
"Yes, Ma'am." Sumulyap sa pader sa kanan ang guwardiya. May signboard doon: FIXTURES Unlimited.
"Ah, okay," aniya.
"Tuloy po kayo, Ma'am," anito at binuksan ang pinto para sa kanya.
Parang tindahan ng furniture iyon, pero imbes na mga sofa at mesa ang naka-display, mga ilaw—iba't ibang klase. Sa tingin pa lang ay alam na niyang hindi niya afford ang mga iyon, ganoon din ang mga gripo at lababo.
At akalain ba niyang may nag-e-exist sa mundo na ganoon kagaganda at kagagarang mga inidoro? Dapat siguro masasarap lang ang kakainin ng mga gagamit niyon. Nakakahiya naman kay Mr. Inodoro from Italy kung bagoong at kangkong lang ang ilalagak ng uupo roon.
"May I help you, Ma'am?"
Medyo nagulat si Rima at nilingon ang nagsalita. Isang lalaki iyon na marahil ay mas bata sa kanya. Nakaitim na slacks at light blue na barong ang lalaki. Nakapuwesto ito sa likod ng isang desk sa bandang kanan, katabi ng mga sample ng imported tiles.
Lumapit siya rito at ngumiti. Sana lang, nakapag-retouch muna siya ng makeup dahil nasira ang poise niya at disposisyon dahil sa lalaking bangag. Pero wala na siyang magagawa.
Just try to look my very best, sa loob-loob niya.
"Hi, good morning. I'm Rima Manibog. I am here to apply for a job." Ibinaba niya sa desk ng lalaki ang envelope na naglalaman ng kanyang kapirasong credentials—high school card at diploma, transcript of records at diploma ng tinapos niyang two-year secretarial course, at comprehensive resumé.
"Kailangan nga namin ng mga account executives, Miss. Kaya lang—"
"Mel, is Andy in?"
Napalingon si Rima sa pinanggalingan ng tinig. Galing iyon sa isang lalaking mataas, pero mas mataas iyong lalaking bangag. Tsinito ito; tuwid ang buhok na one-length, hanggang balikat, mas makinang at mukhang mas malambot pa sa buhok niya. Ang kinis din nito, parang artista, pink na ang kulay ng balat. Nakaitim na maong pants ito; naka-polo na de-paha; nakatsinelas lang, pero balat at saka halatang mamahalin.
"Yes, Sir. Good morning, Sir." Tumayo pa ang kausap niya sa pagbati sa lalaki.
"Well, well, let's see what she has to say," anang bagong dating. Napatingin ito sa kanya. "Client?"
"Applicant, Sir," sabi ng lalaking kausap niya kanina na Mel pala ang pangalan.
"Hmn." Lumapit sa kanya ang tsinito. "May karanasan ka ba sa sales?"
"Sales po? Opo. Promo girl po ako. Magaling akong magbenta ng produkto," sagot niya. Akala ba niya, executive position ang a-apply-an niya? Bakit sales?
"Really? Gaano katagal ka nang promo girl? Can you describe your job?" Parang amused sa kanya ang tsinito.
"Isang taon na po. Sa mga supermarket po ako naka-assign. I-aaahm, I tell customers to sample our products and we are always friendly and nice because customers is always right and we also cook samples and give away the finished products—" Napahinto siya dahil napansin niya na napapangiwi si Mel. Bakit kaya? Dead-mahin na lang niya, ang mahalaga, mukhang interesado ang tsinito na kung hindi siya nagkakamali ay boss doon.
BINABASA MO ANG
Blush Series 2: Crush Clash
RomanceAlam ni Rima sa sarili na hindi lang siya pang-promo girl sa supermarket na nagpapa-sample ng iba't ibang produkto. She had proven herself right nang matanggap siyang account executive sa isang kompanya. From selling instant noodles, she would now b...