NAPAKUNOT-NOO si Adrian nang pagbaba niya sa living room ay naabutan niya roon si Angelie na kampanteng nakaupo sa sofa. Hindi niya maipaliwanag pero naiinis siya kapag nakikita niya ito, lalo na ang ayos nito kapag pumupunta ito sa kanila. Katulad ng dati, halos makita ang kaluluwa nito sa suot na body-fit blouse at miniskirt."Hi, Adrian!" Tumayo ito at lumapit sa kanya. Hindi siya nakaiwas nang halikan siya nito sa pisngi. "Mabuti't nagising ka na. Kanina pa kita hinihintay, eh."
"May kailangan ka ba?"
"Magpapasama sana ako sa iyo mamayang gabi." Lalong tumamis ang pagkakangiti nito at ipinulupot pa ang braso nito sa braso niya.
Inalis niya ang braso nito at saka siya umupo sa sofa. Tumabi naman ito sa kanya.
"Birthday kasi ng kaibigan ko. Wala akong maisip na ibang maisasama sa party niya, eh. Puwede ka ba?"
Napahugot siya ng malalim na hininga. Wala kang ibang maisip na maiparadang boyfriend maliban sa akin. Ano ako, trophy? ngalingaling sabihin niya rito. "Gusto sana kitang samahan pero may dinner kami mamaya ng isa sa mga distributors namin," pag-a-alibi niya.
Kumunot ang noo nito. "Ang sabi ni Tita Vera, tamang-tama raw ang pag-iimbita ko sa iyo dahil ipina-cancel mo na kahapon pa ang meeting mong iyon."
He silently cursed. Bakit ba ubod ng daldal ng tiyahin niya? Wala tuloy siyang maikakatwiran para makaiwas sa babaeng ito. "Wala ka ba talagang ibang maisasama?"
Umiling ito at tiningnan siya na parang nagpapaawa.
"Okay," napipilitang sabi niya. "Anong oras ang party?"
Lumarawan ang tuwa sa mukha nito. "Eight o'clock," sagot nito. "So, sunduin mo ako sa bahay nang mga around seven?"
Gusto niyang umiling dahil daig pa nito ang nobya niya kung mag-demand pero tumango na lang siya.
"Well, hindi na ako magtatagal." Kinuha nito sa coffee table ang handbag at pagkatapos ay hinalikan uli siya sa pisngi. "Bye. See you later."
Napahinga siya ng malalim habang sinusundan ito ng tingin. Nang wala na ito ay saka siya tumayo at nagtungo sa kusina para mag-almusal. Naabutan niya roon si Vera na nagbe-bake ng cake.
"Good morning, Tita," bati niya rito. Hinagkan niya ito sa pisngi.
Nginitian lang siya nito.
Si Tita Vera ang nag-iisang kapatid ng yumao niyang ama. Ito ang nakatulong ng kanyang papa sa pagpapalaki sa kanya dahil maagang namatay ang kanyang mama. Kung minsan ay nagi-guilty siya kapag naiisip niyang tumandang dalaga ito dahil sa pag-aalaga sa kanya. Mahal na mahal niya ito at parang tunay na ina ang turing niya rito.
"Nagkausap na ba kayo ni Angelie?" tanong nito.
Tumango lang siya. Nagsalin siya ng juice sa isang baso. Kumuha siya ng butter at jam sa refrigerator bago siya nagsalita. "Bakit ho pinatuloy na naman ninyo ang babaeng 'yon?"
"Ikaw naman, alangan namang ipagtabuyan ko siya. Nakakahiya naman kung gagawin ko iyon."
Hindi siya sumagot.
"Pagpasensiyahan mo na lang. Pasasaan ba't magsasawa rin iyon sa kakahabol sa iyo kapag naramdaman niyang wala talagang pag-asa na magustuhan mo siya." Lumapit ito sa oven at ipinasok doon ang bine-bake nito.
Patuloy siya sa pag-aalmusal habang pinanonood niya ang ginagawa ng tiyahin. Nang malinis na nito ang nagkalat na ingredients sa ibabaw ng mesa ay hinubad nito ang apron at saka humarap sa kanya.
"Bakit nga ba ayaw mo kay Angelie? Maganda naman siya, may pinag-aralan at sopistikada. Hindi naman siya nakakahiyang maging nobya."
"Hindi siya ang tipo ng babae na gusto ko," simpleng paliwanag niya.
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...