Chapter 18

2.1K 64 0
                                    

SUNUD-SUNOD na pagbusina ang ginawa ni Adrian paghinto niya sa tapat ng gate nina Tita Myrna. Humahangos naman itong lumabas at pinagbuksan siya ng gate. “Tita, nasaan ho si Norraine?” tanong niya pagbaba niya ng sasakyan.

“Naroon siya sa itaas,” sagot nito. “Ano ba ang nangyari?”

“Mamaya ko na ho ipapaliwanag sa inyo.” Tumuloy siya sa loob ng bahay. Papunta na sana siya sa hagdan nang harangin siya ng kapatid ni Norraine.

“Mamaya mo na kausapin si Ate,” sabi nito sa kanya. “Nasa itaas si Inay at kausap siya.”

“P-pero—”

“Kuya Adrian, nakikiusap ako. Hayaan mo muna si Ate.”

Napahinga siya nang malalim. Hindi na siya nagpilit pang umakyat. Naupo na lang siya sa sofa at isinubsob ang mukha sa kanyang mga palad. Nag-angat siya ng tingin nang may maliliit na kamay na humawak sa kanyang braso.

“Daddy, ano po ang nangyayari?” inosenteng tanong sa kanya ni Adrianna.

Hindi siya sumagot. Niyakap lang niya ito.

“Bakit umiiyak si Mommy? Nag-away po ba kayong dalawa?”

“Nagkaroon lang kami ng kaunting mis-understanding, baby.”  Hinagkan niya ito sa noo. Lalo siyang na-guilty. Natitiyak niyang lubha itong maaapektuhan sa anumang kalalabasan ng nangyayari sa kanila ni Norraine.

Ilang sandali pa siyang naghintay sa sala kasama ang kanyang anak. Napatingin siya sa hagdan nang may narinig siyang mga yabag na pababa roon. Tumayo siya nang makita ang inay ni Norraine. Blangko ang ekspresyon nito kaya hindi niya masabi kung galit ba ito o hindi. Lumapit ito sa kanya.

“Puwede ko na ho bang kausapin si Norraine?” agad na tanong niya.

Tumango ito. “Sige na. Handa na rin siyang kausapin ka. Umakyat ka na. Naroon siya sa silid sa bandang kanan.”

Nagtungo siya sa silid na itinuro nito. Naabutan niya si Norraine na tahimik na nakaupo sa kama. Hindi ito umiiyak pero namumugto pa rin ang mga mata nito. Isinara niya ang pinto at lumapit siya rito.

“Norraine, I’m sorry.”

Hindi ito umimik.

“Lasing na lasing ako—”

“Hindi ba’t noon ko pa sinabi sa iyo na baka nabibigla ka lang sa desisyon mong pakasalan ako?” putol nito sa sinasabi niya.

“Hindi ako nabibigla lang.”

“Ang ibig mo bang sabihin, hindi nabawasan o nawala ang pagmamahal mo sa akin sa kabila ng ginawa kong pag-iwan noon sa iyo?”

Hindi siya nakasagot. Nanatili lamang siyang nakatitig dito.

Ngumiti ito nang mapait at umiling-iling ito. “Maging totoo ka sa sarili mo, Adrian. Alam ko namang hindi mo na ako mahal.”

“Norraine...”

“Alam ko namang kaya mo ako pakakasalan ay dahil lang kay Adrianna. Hindi ako tanga para hindi maisip iyon.”

Napayuko siya.

“Sinabi ko naman noong ipinakilala ko ang bata sa iyo na hindi mo ako kailangang pakasalan.”

Nanatili lang siyang tahimik.

“Tawagan mo ang mga kaibigan natin at pati ang lahat ng mga imbitado sa kasal natin. Sabihin mo sa kanila na hindi na matutuloy ang kasal.”

Napatingin siya rito.

Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon