MAAGANG nagtungo si Adrian sa bahay nina Jamelia. Linggo noon kaya alam niyang walang pasok ang dalaga sa restaurant. Kumatok siya ng marahan sa pinto ng apartment nito.
“Kuya Adrian,” ani Lester nang buksan nito ang pinto at makita siya. Niluwangan nito ang pagkakabukas niyon at pinapasok siya.Nakita niya sina Jamelia at Jenny na nasa sala. “Good morning!” masiglang bati niya sa mga ito.
“Ang aga mo namang dumalaw,” nakangiting sabi sa kanya ni Jamelia.
“Tanghali na nga, eh. Hindi na natin makikita ang pagsikat ng araw,” nakangiti niyang sabi.
Kumunot ang noo ng mga ito.
“Naisip ko kasing yayain kayong pumunta sa resort namin para makapag-relax naman kayo ng kaunti. Makakabuti iyon para kay Jenny.”
“Maiwan na lang ako.”
“Hindi puwede, Jenny,” mabilis na sabi niya. “Dahil nga sa iyo kaya ko naisip ang lakad na ito, eh.”
“Pero abala lang ako sa inyo. Hindi kayo makakapag-enjoy dahil sa akin.”
“Ang dami namang drama ni Ate, eh,” pabirong sabi ni Lester. “Ihahanda ko na ang mga gamit namin, Kuya Adrian.” Pagkasabi niyon ay umakyat ito sa itaas.
“Salamat, ha?” ani Jamelia sa kanya. “Sandali lang. Magbibihis lang ako at saka kukuha ng pamalit ni Ate.” Binalingan nito ang kapatid. “Ate, ikaw muna ang bahala kay Adrian.” Pagkasabi niyon ay umakyat na rin ito sa hagdan.
Pagbalik ni Jamelia ay nakapagbihis na ito at may dala rin itong damit para sa ate nito. Dinala nito si Jenny sa banyo at doon tinulungang magbihis.
Ilang sandali pa ay nakasakay na silang apat sa kanyang kotse. Pagdating nila sa kanilang resort ay magkatulong na binuhat nila ni Lester si Jenny pababa ng kotse. Ito ang nagtulak sa wheelchair kaya sila ni Jamelia ang magkatulong na nagbaba ng kanilang mga dalahin patungo sa cottage na ipinahanda niya para sa kanila.
“Adrian, maraming salamat sa pagtulong mo sa amin sa paglibang kay Ate Jenny,” wika nito nang mapag-isa sila sa cottage dahil naglakad-lakad sa tabing-dagat sina Lester at Jenny.
Nginitian niya ito. “Tama na nga iyang kakapasalamat mo. Basta mag-enjoy lang kayong magkakapatid.”
*****
“HINDI ko na nga rin alam kung ano ang gagawin ko sa pamangkin kong iyan, mare,” ani Vera sa ina ni Angelie na si Mrs. Imelda Ronquillo. Matalik na kaibigan niya ito at isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi niya pinipigilan si Angelie sa paglapit at pagpapakita nito ng motibo sa kanyang pamangkin. “Talagang mailap siya sa mga babae.”
“Baka naman nasa anak ko talaga ang problema kaya hindi siya magustuhan ng pamangkin mo. Masyado kasing modernang kumilos at mag-isip si Angelie,” ani Mrs. Ronquillo. “Kahit kami ng asawa ko ay nahihirapang intindihin ang batang iyon kung minsan.”
“Natural lang naman iyon sa henerasyon ngayon, eh,” agad niyang sabi. Ang totoo ay ibig niyang sumang-ayon dito. Ang masamang ugali naman kasi ni Angelie ang talagang iniaayaw rito ni Adrian.
“Pinagsabihan ko na noon si Angelie na bawasan ang ugali niyang iyon dahil iba ang iniisip ng ibang tao sa kanya. Alam mo naman ang mga taga-rito sa atin. Kapag nakitang iba ang ikinikilos mo, eh, tiyak na pag-uusapan ka.”
Hindi siya sumagot.
“Kaya nga nagdesisyon kaming mag-asawa na payagan na siyang pumunta sa Amerika. Malapit na kasi ang eleksiyon. Alam mo na, ayaw naming magkaproblema ng asawa ko,” anito. “Mabuti na rin iyon. Baka sakaling magbago ang ugali niya kapag nalayo siya rito. Baka kasi negatibo na rin ang iniisip ni Adrian sa kanya dahil sa malakas na personality niya.”
“Hindi naman sa ganoon, mare,” wika niya. “Talaga lang hindi pa handa ang pamangkin ko na pumasok uli sa isang commitment. Pero malay natin, kapag dumating ang panahon na handa na si Adrian ay si Angelie rin ang makatuluyan niya.”
J
Tumango ito. “Sana nga ay ganoon ang mangyari. Si Adrian kasi talaga ang gusto ko para sa anak ko. Pero ang balita ko, mare, ay madalas siyang makita na may kasamang babae.”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...