MATAGAL na tinitigan ni Adrian si Norraine na para bang malalaman niya sa mukha nito kung nagsasabi ito ng totoo. Pagkatapos ay napailing siya. Imposible ang sinasabi nito. Hindi puwedeng maging anak niya ang batang babae na kausap niya kanina. Pero bigla siyang napaisip. Bakit pagkakita niya sa bata ay may iba siyang naramdaman? Hindi siya malapit sa mga bata pero magaan ang loob niya kay Adrianna. Iyon ba ang tinatawag na lukso ng dugo?
Lalo siyang naguluhan. Paano nangyaring siya ang ama ng batang iyon? Isang beses lang may nangyari sa kanila ni Norraine noon. “That’s impossible. Hindi 'yan totoo. I don’t believe you,” sabi niya pagkalipas ng ilang sandali.
“Adrianna is your daughter, Adrian,” giit ni Norraine. “Nagbunga ang minsang pagkalimot nating dalawa. Buntis ako nang magdesisyon akong umalis ng San Felipe kasama si Inay at ang kapatid ko.”
Nagtagis ang kanyang mga bagang sa galit niya rito. Ganoon na lamang ang pagpipigil niyang murahin ito. Wala na ba talaga itong gagawin kundi guluhin ang buhay niya at bigyan siya ng sama ng loob? “Itigil mo na ang kalokohan mong ito, Norraine. Tama na ang pagsisinungaling mo!”
Huminga ito nang malalim at kumurap-kurap na para bang pinipigilan nitong tumulo ang mga luha nito. Bakas sa mukha nito na nasasaktan ito sa mga sinasabi niya. “Inaasahan ko nang iyan ang magiging reaksiyon mo. Hindi kita masisisi, Adrian. Alam kong nasaktan ka noon sa pag-alis ko nang walang paalam.” Basag na ang tinig nito. “Pero maniwala ka, totoo ang sinasabi ko. Anak mo si Adrianna. Anak natin siya.”
Tinitigan niya ito. Oo nga at sinaktan siya nito at bigla siya nitong iniwan noon, pero kilala niya ito. Hindi nito kayang manloko ng tao. Hindi ito kailanman nagsinungaling sa kanya noon. Pero iniwan ka pa rin niya! sigaw ng isang bahagi ng kanyang isip. Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita.
“Kung totoong anak ko si Adrianna, bakit ka umalis? Bakit mo ako iniwan? Kung totoong buntis ka noon, bakit ka umalis sa panahong kailangang-kailangan mo ako?”
Matagal siya nitong tinitigan pagkatapos ay yumuko ito at nagsalita. “N-natakot ako.”
“Natakot ka saan?”
Nag-angat ito ng tingin. “Natakot ako na baka hindi ako matanggap ng pamilya mo. Baka hindi nila matanggap ang kalagayan ko. Alam nating pareho kung gaano kalayo ang estado na—”
“That’s bullshit, Norraine!” malakas na putol niya sa pagsasalita nito. “Alam mong kahit kailan ay hindi naging issue sa atin ang pagkakaiba ng estado natin sa buhay. Kilala mo rin ang pamilya ko. Tanggap ka nila. Kahit kailan, wala kang narinig sa kanila na anumang pagtutol.”
“Hindi mo ako masisisi, Adrian. Alam mo ang nangyari sa namatay kong kapatid, 'di ba? Nagpakamatay siya nang iwan siya ng mayamang lalaking minahal niya noon. Natakot lang ako na baka gawin mo rin iyon sa akin.” Naglandas na sa magkabilang pisngi nito ang mga luha nito.
“Alam mong hindi ko iyon magagawa sa iyo, 'di ba?”
Humagulhol ito. Umiiyak na isinubsob nito ang mukha nito sa kanyang dibdib. “I’m very sorry, Adrian. Hindi mo lang alam kung gaano ko pinagsisisihan ang ginawa kong pag-iwan sa iyo.”
Napapikit siya. Bakit may pakiramdam siya na totoo ang sinasabi nito? Niyakap niya ito at hindi niya inaasahan ang biglang lumabas mula sa kanyang bibig. “M-magsisimula uli tayo, Norraine. Iaayos natin ang lahat.”
Tiningnan siya nito. “A-ano’ng ibig mong sabihin?”
Lumunok siya bago nagsalita. “M-magpapakasal tayo.”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...