PAGDATING ni Adrian sa mansiyon ay nakita niya sa lanai ang Tita Vera niya. Tahimik na umiinom ito ng mamahaling alak. Nilapitan niya ito. “Can I join you, Tita?” tanong niya rito.
“Hijo, narito ka na pala. Sige, samahan mo ako.”
“I’ll just get another glass.” Iniwan niya ito sandali. Kumuha siya ng baso sa kalapit na bar. Pagbalik niya sa lanai ay umupo siya sa silyang kaharap nito. Kumuha siya ng yelo sa ice bucket at inilagay iyon sa baso niya bago niya sinalinan ng alak. “Mukhang malalim ang iniisip mo, Tita, ah,” puna niya rito.
“May naalala lang ako.” Humugot ito ng malalim na hininga. “Ikaw, saan ka ba galing at ginabi ka na ng uwi?”
Uminom siya ng alak bago siya sumagot. “Pumunta po ako kina Ruel. May inihanda kasing dinner ang mama niya para sa birthday ng lolo niya kaya tinawagan niya ako at pinapunta roon. Then on the way home, napadaan ako sa lugar nina Jamelia kaya binisita ko na rin sila.”
Kumunot ang noo nito. “Jamelia? Iyong kapatid ba ni Jenny ang tinutukoy mo?”
Tumango siya. “Maaga pa naman kasi kaya dumaan ako sa kanila. Nagkakuwentuhan lang kami nang kaunti. Nalaman ko na wala pala siyang trabaho ngayon.”
Hindi ito nagsalita. Inubos nito ang laman ng baso nito at muling nagsalin ng inumin.
“Tita, may bakante ba sa restaurant mo?”
Tiningnan siya nito. “Wala sa ngayon.”
“Baka may alam kang trabahong puwedeng mapasukan ni Jamelia.”
“Wala akong alam pero susubukan kong magtanung-tanong sa mga kakilala at kaibigan ko.”
Ngumiti siya ng tipid. “Salamat, Tita.”
“Adrian, bakit gusto mong tulungan si Jamelia?” biglang tanong nito.
“Wala naman ho,” sagot niya. “Nasabi ko lang kasi sa kanya kanina na susubukan ko siyang tulungang makahanap ng trabaho.”
“Why?” Vera pressed on.
Nagkibit-balikat siya. “Nagmamalasakit lang ako sa kanilang magkakapatid. Mabait rin kasi si Jamelia and she's my friend. Wala namang masama sa pagtulong sa kaibigan hindi ba?”“Sigurado ka bang kaibigan lang ang tingin mo sa kanya o baka naman iba na iyan?”
“We’re just friends, Tita,” agad na sabi niya.
“Are you sure you?” tanong nito pagkalipas ng ilang sandali. Base sa ekspresyong nakarehistro sa mukha nito ay hindi ito kumbinsido sa isinagot niya. Titig na titig ito sa kanya na wari ay binabasa ang nasa isip niya.
“Tita...”
“Wala na ba talagang pag-asang buksan mo iyang puso mo?” hirit nito.
Itinirik niya ang kanyang mga mata. Sinasabi na nga ba niya at ang linya na namang iyon ang maririnig niya. Hindi yata talaga ito susuko sa kakapilit sa kanya na maghanap na siya ng nobya. Ang akala yata nito ay hindi niya napapansin na kung sinu-sinong babae ang pasimple nitong inilalapit sa kanya para magustuhan niya. Sinubukan niyang pakisamahan ang mga babaeng iyon pero ni isa sa mga iyon ay hindi talaga niya nagustuhan.
“Tita, hayaan na lang ninyo ako sa bagay na 'yan.”
“Adrian, hindi naman sa pinakikialaman kita. Ikaw lang ang inaalala ko. Ayokong tumanda ka ng walang makakasama sa buhay.”
Napahinga siya nang malalim. Sinalinan uli niya ng alak ang kanyang baso. Uminom siya at saka niya ito tiningnan nang seryoso. “Ikaw, Tita, bakit hindi ka nag-asawa?” kapagkuwan ay tanong niya.
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...