Chapter 13

1.7K 64 0
                                    

HUMUGOT ng malalim na hininga si Jamelia bago siya kumatok sa pinto ng opisina ni Ma’am Vera. Dalawang araw pa lang ang nakakalipas mula nang kausapin siya nito tungkol sa iniaalok nito sa kanya. Dalawang gabi niya iyong pinag-isipan at ngayon  nga  ay nakapagdesisyon na siya. Tatanggapin niya ang iniaalok nitong trabaho hindi lamang  para  sa kapakanan ng mga kapatid niya kundi dahil mahal niya si Adrian. Kahit alam niyang puwede siya nitong kasuklaman ay gagawin pa rin niya iyon para protektahan ito.

“Tuloy!” narinig  niyang sabi ni  Ma’am Vera  mula  sa  loob ng opisina nito. Pinihit niya ang seradura at tahimik siyang pumasok sa pinto. Nag-angat ito ng tingin pero agad din nitong ibinalik ang mga mata sa mga papel na binabasa nito. “May kailangan ka ba, Jamelia?” tanong nito.

“Opo,” sagot niya. Lumapit siya rito. “Mayroon  na  ho akong  nabuong  desisyon  tungkol sa iniaalok  ninyong  tulong  sa akin.”

Nag-angat uli ito ng tingin at sa pagkakataong iyon ay tinitigan siya nito. “Talaga? Maupo ka, hija.”

Tumalima siya. “T-tinatanggap  ko na ho ang alok ninyo. G-gagawin ko po ang  lahat para mailayo kay Norraine ang pamangkin ninyo.”

Lumuwang ang ngiti nito. Halatang tuwang-tuwa  ito  sa  naging pasya niya. “Thank you, hija. Maganda  ang naging desisyon mo.”

Ngumiti lang siya nang tipid.

“Tatlong buhay ang matutulungan mo sa gagawin mong ito—ang dalawang kapatid mo at ang pamangkin ko.”

“Paano ko ho ba magagawa ang iniuutos ninyo?” tanong niya.

“Madali lang, hija. Naghahanap ng tutor at yaya si  Adrian  para kay Adrianna. Graduate  ka  naman  ng Education, 'di ba? Ikaw ang irerekomenda ko sa kanya.”

Hindi siya umimik. Sa pakiwari niya ay naplano na nito ang lahat.

“Stay in  ang kailangan nila kaya doon ka titira  sa mansiyon.”

Tumango siya. “Kailan ho ninyo paooperahan si Ate?”    

“Kailangan pa siyang matingnan ng mga espesyalista bago siya i-schedule for operation. Kapag nasa  mansiyon  ka  na ay saka ko ipapadala sa Maynila ang ate mo.”

“Bakit ho sa Maynila pa? Puwede naman ho sigurong dito na lang sa atin siya operahan para maaalagaan pa rin siyang mabuti ni Lester.”

“Nasa Maynila  ang  magagaling na  espesyalista. Papasamahin ko na rin si  Lester  sa  kanya roon.”

“P-pero hindi ho ba mas malaki ang gagastusin  ninyo roon?” nahihiyang sabi niya.

Ngumiti ito. Inabot nito ang kamay niya na nakapatong sa  ibabaw ng mesa at bahagyang pinisil  nito iyon. “Huwag mo nang intindihin ang bagay  na  iyon. Kulang pa ngang kabayaran iyon sa pabor na hinihingi ko, eh. Kinabukasan ng nag-iisa kong pamangkin ang magiging kapalit ng kaunting halagang iyon.”

Hindi  siya kumibo. Kung tutuusin nga naman  ay  mas mahirap ang pabor na gagawin niya para dito. “May isa nga ho pala akong ipapakiusap sa inyo, Ma’am Vera,” sabi niya nang biglang may maalala.

“Ano 'yon, hija?”

“Kung puwede ho sana ay tayong dalawa lang ang makaalam ng kasunduan nating ito. Ayoko hong malaman ng mga kapatid ko ang kapalit ng tulong na ibibigay ninyo sa amin. Tiyak ho kasing magagalit si Ate Jenny sa akin kapag nalaman niya ito.”    

“Sige, kung iyan ang gusto mo. Wala akong sasabihin sa kanila tungkol sa kasunduan natin.”

Ngumiti siya. “Maraming salamat ho.”

Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon