Four months later.
NAGMAMANEHO si Adrian patungo sa bahay nina Norraine sa Las Piñas. Tahimik siya pero hindi maalis sa kanyang isip kung ano ang aabutan niya sa pupuntahan. Nang tawagan kasi siya ng inay nito nang nagdaang araw ay umiiyak ito. Ayaw naman nitong sabihin sa kanya kung bakit. Inihinto niya ang kanyang kotse sa harap ng isang katamtaman ang laking bahay. Bumaba siya ng sasakyan at pumasok sa loob ng gate. Sinalubong siya ng ina ni Norraine.
“Mabuti naman at nakarating ka, hijo. Naroon sa itaas si Norraine. Kanina ka pa hinihintay.”
“Ano ho ba’ng nangyayari?” tanong niya nang mapansing tila malungkot ito.
“Hindi ako ang dapat magsabi sa iyo. Halika na. Umakyat na tayo at kayo na lang ni Norraine ang mag-usap.” Nagpatiuna itong pumasok sa loob ng bahay.
Sumunod siya rito hanggang sa makarating sila sa isang silid. Binuksan nito ang pinto. Para siyang itinulos sa kinatatayuan nang makita niya ang babaeng nakaratay sa kama. “Norraine?” Lalong namayat ito. Maputlang-maputla rin ito at may suot itong turban. Pilit na ngumiti ito sa kanya.
“Daddy!” sabi ni Adrianna na umagaw ng kanyang atensiyon. Lumapit ito sa kanya.
Hinagkan niya ito sa noo bago muling tiningnan si Norraine.
“Inay, ilabas ho muna ninyo si Adrianna para makapag-usap kami nang maayos ni Adrian,” wika ni Norraine na hirap na hirap sa pagsasalita.
Tumalima ang inay nito. Kasama nitong lumabas ang apo nito.
“Ano’ng nangyari?” tanong niya nang lapitan niya si Norraine. Mula nang mag-usap sila nito at sabihin nitong ayaw na nitong ituloy ang kasal ay noon lang uli sila nagkita. Ang kapatid nito ang naghahatid kay Adrianna sa kanilang probinsiya tuwing weekends para makasama niya ang bata.
“Nakikita mo naman, 'di ba? I’m sick. Actually, I’m dying, Adrian.”
Nanghihinang napaupo siya sa silyang nasa tabi ng kama nito. “Anong... Bakit hindi—”
“Mamaya na natin pag-usapan ang kalagayan ko. Marami kang dapat malaman. Marami akong kailangang sabihin sa iyo. Unang-una na ang paghingi ko sa iyo ng tawad. I’m sorry, Adrian.”
“For what?” nakakunot ang noong tanong niya.
“Sa ginawa kong pag-iwan sa iyo noon.”
“Napag-usapan na natin 'yon, 'di ba? Matagal na kitang napatawad.”
“Pero hindi ko pa nasasabi sa iyo ang totoong dahilan ng bigla kong paglayo.”
Naguguluhang tiningnan niya ito.
“Sinabi ko sa iyo na natatakot akong hindi matanggap ng pamilya mo ang pagbubuntis ko. Totoo iyon. Ang isa pang dahilan ay dahil...” Ibinitin nito ang sinasabi. Humugot ito ng malalim na hininga. “Dahil hindi ko tiyak kung sa iyo nga ang batang dinadala ko noon.”
Nagsalubong ang dalawang kilay niya.
Pinilit nitong ngumiti. “Kung iniisip mong pinagtaksilan kita, nagkakamali ka. I was raped, Adrian.”
“What?!”
“Natatandaan mo pa ba noong um-attend tayo ng debut ng kapatid ni Lisa? Hindi ba’t mag-isa lang ako noong umuwi dahil nagkaroon tayo ng argumento? Noon nangyari ang panggagahasa sa akin.”
Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan.
“Bakit hindi mo iyon sinabi sa akin?” kapagkuwan ay tanong niya.
“Dahil natatakot akong pandirihan mo ako. Hindi ko iyon ipinaalam sa iba dahil ayokong kaawaan ako. Kina Inay ko lang sinabi ang nangyari sa akin. Sinikap ko na walang ibang makaalam niyon dahil ayokong pati ang pangalan mo ay makaladkad sa eskandalong maaaring ihatid niyon.”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...