Chapter 16

1.9K 58 0
                                    

NAPAHINGA nang malalim si Jamelia habang iniisip pa rin ang mga narinig niya sa restaurant. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga palad. Diyos ko! Ano ba itong gulong napasukan ko? naisaloob niya. Napaangat ang kanyang tingin nang may kumatok sa labas ng kanyang silid. Tumayo siya at binuksan ang pinto.

“Ang sabi n’ong isang waitress ay pumunta ka raw sa restaurant kanina. Bakit? Ano’ng kailangan mo sa akin?” agad na tanong sa kanya ni Ma’am Vera.

Hindi siya sumagot. Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto at pinatuloy ito roon. Agad na kumunot ang noo nito nang makita ang kanyang mga gamit.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit nakaempake ang mga gamit mo?”

“Aalis na ho ako,” sagot niya. Pagkadating niya mula sa restaurant ay agad niyang inayos ang kanyang mga gamit. Hinihintay lang niyang dumating sina Adrian at Norraine dahil sasabihin din niya sa mga ito ang narinig niya. Malas nga lang at naunang dumating si Ma’am Vera. Mabuti na rin siguro iyon para makausap niya ito.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong nito nang balingan siya nito.

“Hindi ko talaga kayang gawin ang ipinapagawa ninyo sa akin. Ayoko nang maging kasangkapan para matuloy ang mga binabalak n’yo,” aniya na bakas sa tinig ang galit dito.

“Ano ba’ng sinasabi mo?” nakakunot ang noong tanong nito.

Tiningnan niya ito nang diretso sa mga mata. “Alam ko na ang lahat. Narinig ko ang usapan ninyo ng bisita n’yo sa restaurant kanina. Alam ko na ang totoong dahilan kung bakit ayaw n’yong matuloy ang kasal nina Adrian at Norraine.”

Natigilan ito at halatang nagulat.

“Pumayag ako sa gusto ninyo dahil bukod sa kagustuhan kong maipaopera si Ate, ang akala ko ay gusto n’yo lang talagang protektahan ang pamangkin n’yo. Kung alam ko lang na kasinungalingan lang ang lahat ng mga sinabi n’yo, hindi na sana ako pumayag.”

Nawala ang pagkabigla sa mukha nito. Ngumisi ito. “Hindi kita pinilit na gawin ito. Pumayag ka kapalit ng isang malaking pabor.”

“Kahit pa kailangang-kailangan namin ng pera ay hindi ko tatanggapin iyon kung alam ko lang ang totoong pinaplano n’yo!”

“Hindi ko na kasalanan  na ganyan ka katanga at kung napakadaling mabilog ng ulo mo!”

Umiling-iling siya. “Ang akala ko ay mabuti kayong tao pero hindi pala. Pati ang sarili n’yong pamangkin ay magagawa n’yong saktan para sa pera.”

“Dapat lang na mapunta sa akin ang perang iyon dahil ilang taon ko ring pinaghirapan 'yon!” pasigaw na sabi nito sa kanya. “Walang karapatan si Norraine at ang anak niya sa perang iyon!”

“Anak ni Adrian ang bata at ma—”

“Wala akong pakialam kahit anak nga talaga niya ang batang 'yon!”

Tinitigan niya ito. “Napakasama n’yo pero sisiguruhin ko na hindi kayo magtatagumpay sa gusto n’yong mangyari!” Tinabig niya ito para kunin ang mga bag niya. Pero hinawakan siya nito nang mahigpit at marahas siya nitong iniharap dito.

“Ano’ng gagawin mo? Sasabihin mo kay Adrian ang mga nalalaman mo? Hah! Tingnan ko lang kung paniwalaan ka niya!”

Hindi siya nakakibo.

“Sa tingin mo, sino ang mas paniniwalaan sa atin ni Adrian? Ako na tiyahin niya o ikaw na isang oportunista?”

Natural na ito ang paniniwalaan ng pamangkin nito at siya ang lalabas na masama. Pahila niyang binawi ang kanyang braso mula sa pagkakahawak nito. “Hindi ko sasabihin kay Adrian ang mga nalaman ko pero tulad ng sinabi ko, hindi na ako papayag na maging kasangkapan sa mga plano n’yo.” Tinabig niya ito at nilagpasan niya ito. Nasa pinto na siya nang magsalita ito.

Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon