Chapter 17

2K 66 0
                                    

PAROON at parito si Jamelia sa loob ng kanyang silid. Dinig niya ang ingay nina Adrian at ng mga kaibigan nito sa ibaba ng bahay. Lalong nagpapa-nerbiyos iyon sa kanya. Diyos ko! Tulungan Ninyo ako, dasal niya.

Aaminin niya na mahal niya si Adrian pero hindi iyon sapat na dahilan para ibigay niya rito ang kanyang sarili. Lalong hindi tama na gawin niya iyon dahil iyon ang utos ni Ma'am Vera. Pero wala siyang ibang pagpipilian.

Napapitlag siya nang bumukas ang pinto ng kanyang silid. Pumasok doon si Ma'am Vera. May dala itong isang kopita at isang bote ng alak.

"Lasing na sina Adrian. Ilang sandali na lang at aalis na ang mga kaibigan niya at aakyat na siya sa silid niya. Handa ka na ba?"

Hindi siya sumagot. Napaupo siya sa kama.

Tinitigan siya nito. Kapagkuwan ay umiling ito. Ibinaba nito sa bedside table ang kopita at sinalinan nito iyon ng alak. Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang kopita.

"Ano 'yan?" tanong niya.

"Alak," sagot nito. "Inumin mo ito." Inilagay nito sa kamay niya ang kopita. "Pampalakas-loob 'yan."

Tiningnan niya ito nang matalim pero ininom din niya ang alak na ibinigay nito.

"Alisin mo iyang kaba sa dibdib mo. Ang mga kapatid mo ang isipin mo. Nakasalalay sa iyo ang kaligtasan nila," nagbabanta ang tinig na sabi nito.

"Napakasama mo! Hayop ka!" asik niya rito.

Humalakhak ito at hinawakan nito ang kanyang mukha. Halos bumaon ang mga daliri nito sa magkabilang pisngi niya. "Tandaan mo, hawak ng hayop na kaharap mo ngayon ang buhay at kinabukasan ninyong magkakapatid!"

Galit na tinabig niya ang kamay nito.

Ngumiti ito at saka nagtungo sa pinto. "Tatawagin na lang kita mamaya kapag nasa kuwarto na niya si Adrian. Uminom ka niyang alak pero huwag mong dadamihan. Baka naman mas lasing ka pa mamaya kaysa kay Adrian." Iyon lang at iniwan na siya nito.

Humugot siya ng malalim na hininga bago napipilitang ininom niya ang alak. Lakasan mo ang loob mo, Jamelia. Tonta ka kasi. Basta ka na lang pumasok sa isang kasunduan na hindi iniisip ang magiging consequences niyon, kastigo niya sa sarili.

Hindi naman siguro masamang isipin ko ang ikabubuti ng mga kapatid ko, depensa ng isang bahagi ng kanyang isip. Hindi ko nga lang ine-expect na ganito ang kahihinatnan ng lahat.

Nakailang shot na siya ng Chivas Regal bago siya tumigil sa pag-inom. Madali siyang tinamaan ng alak dahil hindi siya sanay uminom. Tumayo siya at pumasok sa banyo na nasa loob din ng kanyang silid. Naghilamos at nag-toothbrush siya. Kalalabas lang niya ng banyo nang siya namang pagpasok uli ni Ma'am Vera sa pinto. May dala itong palangganita na may lamang tubig at bimpo.

"Magbihis ka na. Isuot mo ang ibinigay kong damit sa iyo. Nasa kuwarto na si Adrian." Ibinaba nito ang dala sa ibabaw ng mesa.

Walang kibo na sumunod siya. Muli siyang bumalik sa banyo at nagpalit ng damit. Paglabas niya ng banyo ay iniabot sa kanya ni Ma'am Vera ang isang maliit na botelya ng pabango.

"Bukas, kapag nakita na kayo ni Norraine, umalis ka agad. May kotseng maghihintay sa iyo sa labas ng mansiyon. Iyon ang maghahatid sa iyo sa kinaroroonan ng mga kapatid mo."

Tumango lang siya nang marahan.

"Hindi ka dapat makita o makausap pa ni Adrian pagkatapos ng mangyayaring ito sa inyo," dagdag na sabi nito.

"Hindi mo na kailangan pang sabihin 'yon."

Kinuha niya ang palangganita. Nasa pinto na siya nang magsalita uli ito.

Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon