MAGHAPONG naghanap ng trabaho si Jamelia. Kahit anong posisyon ay in-apply-an niya. Basta sa tingin niya ay kaya niyang gawin o pag-aralan ang trabaho ay nagpapasa agad siya ng resume. Malaking bayan ang San Felipe at marami na ring nagsusulputang mga establishment sa kanilang lugar kaya kahit paano ay nakakasabay ang kanilang lugar sa modernong pamumuhay ng ibang mga siyudad.
Pagkatapos mag-apply ay naisip niyang dumaan sa bahay ng isa niyang kaibigan na nakatira sa katabing bayan. Kalahating oras lang ang biyahe mula roon hanggang sa kanila. Alas-otso ng gabi na siya umalis doon dahil pinilit siya ni Linda na doon maghapunan sa bahay nito.
“Ano ba? Ang tagal naman ng jeep! Magkikinse minutos na ako rito, ah,” mahinang sabi niya sa sarili habang mag-isa siyang nag-aabang ng jeep sa waiting shed. Hanggang doon lang siya inihatid ni Linda. Pinauwi na rin niya ito dahil alam niyang marami pa itong gagawin lalo na at may trabaho pa ito kinabukasan.
Napabuga siya ng hangin. Luminga-linga siya. Madilim na at ang tanging nagbibigay ng liwanag sa paligid ay ang ilaw sa poste na malapit sa waiting shed na kinatatayuan niya. Mayamaya ay isang lalaki na sa tingin niya ay nasa late thirties na ang dumating at tumayo sa tabi niya.
“Mahirap bang makasakay ng jeep dito, Miss?” tanong nito sa kanya.
“Opo, lalo na kapag ganitong oras,” sagot niya. “Hindi po ba kayo tagarito?”
“Taga-kabilang bayan ako,” tugon nito. “Ang layo nga ng nilakad ko papunta rito dahil wala akong masakyang jeep doon sa pinuntahan ko.”
“Mabuti ho at hindi kayo napaano. Minsan ho kasi may mga loko sa lugar na ito. Ilang beses na hong nabalita na may na-rape at na-holdap dito. Kaya nga ho nagsisisi ako at nagpagabi ako. Nagkasarapan po kasi kami ng kuwentuhan ng kaibigan ko.”
“Ganoon ba?”
“Opo. Kaya ho mag-iingat kayo. Kanina pa nga ho ako kinakabahan, eh. Mabuti na lang ho at dumating kayo, Manong. At least, may makakasama ako sa paghihintay ng jeep dito. Saan nga ho pala ang pun—” Natigil siya sa pagsasalita nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. “Excuse me,” aniya sa lalaki bago niya kinuha sa loob ng kanyang bag ang cellphone at sinagot iyon.
“Nasaan ka na ba? Gabi na, ah,” sabi ni Ate Jenny sa kabilang linya.
“Pumunta kasi ako kina Linda. Sa kanila ako pinag-dinner ng mama niya pero pauwi na rin ako, Ate,” tugon niya.
“Ikaw talagang babae ka, alam mong delikado sa bayan na iyan kapag gabi, pumunta ka pa riyan.”
“Oo na, sorry na. Pauwi na nga ako. Nandito na ako sa sakayan ng jeep. Huwag kang mag-alala dahil may kasabay naman akong naghihintay rito. Sige na, bye.” Pinindot niya ang End call button ng kanyang cellphone. Ibabalik na sana niya iyon sa loob ng kanyang bag nang may maramdaman siyang tumutusok na matulis na bagay sa kanyang tagiliran.
“Akin na iyang cellphone mo,” utos sa kanya ng katabi niya. “Hubarin mo rin iyang kuwintas mo at ibigay mo sa akin ang wallet mo.”
Gusto niyang manlambot sa narinig. Napatingin siya sa kanyang tagiliran at nakita niya ang nakatutok na balisong doon.
“Bilisan mo! Ibigay mo na sa akin ang mga iyan!” may pagmamadali sa boses na sabi nito.
Nanginginig ang mga kamay na iniabot niya sa lalaki ang kanyang cellphone. Hinubad din niya ng mabilis ang kanyang kuwintas na regalo pa sa kanya ng ate niya noong magtapos siya ng high school. Inilabas din niya ang kanyang wallet at ibinigay rito. Pagkaabot nito sa mga iyon ay itinulak pa siya nito bago ito kumaripas ng takbo.
Maluha-luha siyang tumayo. “Walanghiya kang lalaki ka! Madapa ka sana! Hayop!” umiiyak na sigaw niya habang nakatingin sa palayong lalaki. Pinagpagan niya ang narumihan niyang pantalon. Hindi siya makapaniwala sa nangyari sa kanya.
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...