“MAMAYANG gabi na ang biyahe namin ng mga kapatid mo patungo sa Maynila,” pagbibigay-alam ni Ma’am Vera kay Jamelia nang matiyempuhan siya nito na mag-isa sa kusina.
Tumigil siya sa pagtitimpla ng juice ni Adrianna at tiningnan niya ito.
“Huwag mong kakalimutan ang mga bilin ko. Huwag na huwag mo ring mababanggit kay Adrian kung saan talaga ako pupunta.”
Hindi siya nagsalita.
“Ang alam niya ay pupunta ako sa kaibigan ko sa Laguna. Tandaan mo, walang dapat makaalam sa usapan natin.”
“Opo,” aniya na sinundan pa ng pagtango.
“Ikaw na ang bahala rito. Mga dalawang linggo siguro akong mawawala para maasikaso ko nang mabuti ang ate mo.”
“Paano ho sila kapag umuwi na kayo rito?”
“May kaibigan ako sa Maynila na siyang mag-aasikaso sa kanila kapag bumalik na ako rito. Doon na rin muna kami sa bahay ni Jackie titira habang hinihintay naming mai-schedule ang operasyon ng kapatid mo.”
Napanatag ang isip at kalooban niya sa narinig. “Puwede ko ho bang makausap sina Ate bago kayo umalis? Pupuntahan ko ho sila.”
Umiling ito. “Huwag na. Baka maghinala sina Adrian at Norraine kapag magkasabay tayong nawala rito sa mansiyon. Patatawagin ko na lang sila sa iyo pagdating namin sa Maynila.”
Gusto pa sana niyang ipilit na makita ang mga kapatid pero naisip niyang may punto ito.
“Huwag mo nang alalahanin ang mga kapatid mo. Ako na ang bahala sa kanila. Ang misyon mo ang intindihin mo.” Tinapik siya nito sa balikat. “Tatawag ako para alamin ang nangyayari dito habang wala ako.”
Tumango siya.
Sabay silang napalingon sa pinto ng kusina nang biglang bumukas iyon at pumasok doon si Adrianna. Lumapit ito sa kanila.
“Hi, Lola Vera,” nakangiting bati rito ng bata.
Pilit na ngiti lang ang ibinigay rito ni Ma’am Vera. Bakas sa mukha nito na mabigat ang loob nito sa apo nito.
“Bakit sumunod ka pa rito sa kusina?” tanong niya. “Tapos mo na ba iyong ipinapagawa ko sa iyo?”
“Hindi pa po, Miss Jamelia. Ang tagal po kasi ninyo, eh. Nauuhaw na po ako,” sabi nito.Noon lang niya naalala ang dahilan kung bakit naroon siya sa kusina. Dali-dali niyang nilagyan ng asukal ang juice na tinitimpla niya. Pagkatapos niya iyong haluin ay iniabot na niya kay Adrianna ang baso.
“Maiwan ko na kayo at may aayusin pa ako sa restaurant. Ang usapan natin, Jamelia.” Makahulugan ang tingin na ibinigay sa kanya ni Ma’am Vera bago sila nito iniwan.
Huminga siya nang malalim nang wala na ito.
*****NATANAW ni Adrian si Norraine na nakatayo sa terrace at nakatingin kina Adrianna at Jamelia na nasa hardin. Lumapit at tumayo siya sa tabi nito. “Mukhang malalim ang iniisip mo, ah,” pukaw niya rito.
“Pinapanood ko lang si Adrianna.” Nilingon siya nito at nginitian. “Napakabilis ng panahon. Parang kailan lang noong umalis ako rito at ipinanganak ko siya. Ngayon ay ang laki-laki na niya.”
“Mabuti ka nga at nasubaybayan mo ang paglaki ng anak natin,” aniyang hindi maitago ang hinanakit dito.
Yumuko ito. “I’m sorry. Hindi ko naman sinadyang ipagkait sa iyo si Ad—”
“Huwag na natin iyong pag-usapan,” maagap na sabi niya. “Ang mahalaga ay nandito na kayong mag-ina.”
Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Sigurado ka ba sa naging desisyon mo?”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...