Chapter 3

2.4K 83 0
                                    

MAAGANG nagising si Jamelia nang umagang iyon. Nag-inat siya at saka bumangon mula sa kama. Tiniklop niya ang ginamit na kumot. Pagpihit niya ay nakita niya ang isang paper bag na nakalagay sa ibabaw ng side table. Nakakunot ang noong binuksan niya iyon at tiningnan ang laman. Namilog ang kanyang mga mata nang makitang cellphone ang laman niyon. Napangiti siya nang maisip niya kung kanino posibleng nanggaling iyon.

Nagmamadali siyang lumabas ng kanyang kuwarto. Dumiretso siya sa kusina. Naabutan niya roon ang kanyang ate na nagluluto ng almusal nilang magkakapatid. Tiningnan siya nito.

"Gising ka na pala. Ang aga mo naman yatang bumangon," wika nito. Ibinagsak nito sa kawali ang dinikdik na bawang para sa iluluto nitong sinangag.

"Sa iyo ito galing?" Ipinakita niya rito ang bagong cellphone na hawak niya.

"Oo," matipid na sagot nito. Nilingon siya nito habang naggigisa ito ng bawang.

Napangiti siya at niyakap niya ito. "Thank you," sabi niya.

"Wala 'yon. Naaawa na kasi ako sa iyo. Alam kong ang nawalang cellphone mo ang ipinaghihimutok mo kaya lagi kang tahimik. Alam kong importante iyon sa iyo dahil pinaghirapan mong pag-ipunan ang ipinambili mo ro'n."

"Pero nagastusan ka pa dahil sa akin."

"Okay lang 'yon. Sige na, bumitaw ka na sa akin at nang makapagluto ako ng maayos."

Bumitaw siya rito at inayos niya ang mesa. "Magkano ang bili mo sa cellphone na ito?" usisa pa niya.

"Bakit itinatanong mo ang presyo? Babayaran mo?" pabirong sabi nito.

Natawa siya. "Itinatanong ko lang naman, eh. Nahihiya kasi ako. Nabawasan na naman ang budget mo dahil dito."

"Naisip ko kasing kailangan mo rin iyan kapag may lakad ka, lalo na ngayong naghahanap ka ng trabaho."

"May landline naman tayo, eh."

Tiningnan siya nito. "Bakit ba parang hindi mo nagustuhan iyang ibinigay ko? Akin na nga iyan. Ibalik mo na lang sa akin kung ayaw mo."

"Hindi naman sa ayaw ko. Sayang kasi ang pera," agad na sabi niya.

"Huwag mo na kasing intindihin 'yon. Basta ipangako mo lang sa akin na iingatan mo iyan at mag-iingat ka na sa susunod." Tapos na itong magsangag. Hinango nito iyon sa isang bandehado at saka nito iyon ibinaba sa mesa. Nagprito naman ito ng tuyo at itlog.

Maya-maya ay pumasok si Lester sa kusina. Naupo ito sa harap ng mesa at agad nitong nakita ang hawak niyang cellphone. "Bago 'yan, ah," puna nito.

"Binili sa akin ni Ate Jenny," sabi niya.

"Alam ko. Magkasama kami ni Ate nang bilhin niya iyan. Huwag mong ingatan 'yan, ha? Pairalin mo uli ang katangahan mo," pabirong sermon nito sa kanya.

"Oho, 'Kuya.' Mag-iingat na ako."

Nagkatawanan silang tatlo.

Ilang sandali pa ay magkakasalo na silang nag-almusal. Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang tumunog ang telepono sa sala. Tumayo si Lester at sinagot nito iyon.

"Ate Jam, para sa 'yo! Si Ate Linda raw!" malakas na sabi nito.

Tumayo siya at naghugas ng kamay sa lababo bago patakbong nagtungo sa sala. Kinuha niya kay Lester ang telepono. "Hello, Linda. Bakit napatawag ka?" tanong niya sa nasa kabilang linya.

"Ikaw ang bakit hindi nagpaparamdam? Tatlong araw na akong nagte-text sa iyo pero hindi ka sumasagot," ani Linda.

"Na-holdap kasi ako noong galing ako diyan sa inyo."

Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon