ILANG gabing pinag-isipan nang mabuti ni Jamelia kung susundin niya ang ipinayo sa kanya ng Ate Jenny niya. Naisip niyang humingi ng payo kay Linda kaya tinawagan niya ito.
“Hello,” bati niya sa nag-angat ng telepono sa kabilang linya. “Puwede ho bang makausap si Linda? Pakisabi ho, si Jamelia ito.”“Sandali lang, hija, at tatawagin ko siya sa itaas,” anang boses ng matandang babae. Narinig nga niyang tinawag nito ang kanyang kaibigan. Mayamaya ay si Linda na ang kausap niya sa kabilang linya.
“Jamelia, ano’ng nangyari sa iyong babae ka at napakatagal mong hindi nagparamdam? Pinuntahan kita sa bahay ninyo three weeks ago pero matagal na raw walang tao roon sabi ng mga kapitbahay ninyo. Nasaan ba kayo?” mabilis na sabi nito.
“Narito kami sa Manila. Ipinaopera na namin si Ate,” maikling tugon niya.
“Nakapagpaopera na si Ate Jenny? Saan kayo kumuha ng pera? Ang akala ko, hindi na ninyo ibinenta ang lupa ninyo?”
Hindi siya sumagot.
“Huwag mong sabihing tinanggap mo ang alok sa iyo ni Vera Benitez?” wika nito na bahagyang tumaas ang boses.
“O-oo.”
“Oh, my God!” Pumalatak ito.
Ikinuwento niya rito ang mga nangyari.
“Bakit hindi ka man lang tumawag sa akin para ipaalam ang naging desisyon mo?”
“I’m sorry,” mahinang sabi niya.
“Kawawa naman si Adrian. Napakawalanghiya naman pala ng tiyahin niyang iyon, eh. At ikaw, napakagaga mo at pumayag kang maging kasangkapan sa balak niya!”
“Hindi ko naman alam na iyon pala talaga ang dahilan kaya ayaw ni Ma’am Vera na matuloy ang kasal nina Adrian at Norraine. Nang nalaman kong ang iniwang kayamanan ng papa ni Adrian ang habol ni Ma’am Vera ay wala na akong nagawa dahil hawak na niya ang mga kapatid ko,” katwiran niya.
Namayani ang sandaling katahimikan.“Nagsisisi ka ba?” kapagkuwan ay tanong nito.
“Oo, siyempre. Napalapit na sa akin si Adrianna kaya awang-awa ako sa bata. Nawala ang pagkakataon niyang magkaroon ng isang buo at masayang pamilya dahil sa akin.”
“Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang tinutukoy ko ay ang namagitan sa inyo ni Adrian,” ani Linda.
Hindi agad siya nakaimik. Naramdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Kumurap-kurap siya para pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
“Jamelia,” wika nito na hinihintay ang sagot niya.
“Hindi. Mahal ko siya, Linda. Isa iyon sa mga dahilan kaya tinanggap ko ang alok ni Vera noon. Gusto kong protektahan ang taong mahal ko dahil akala ko ay totoo ang sinabi ni Ma’am Vera na oportunista si Norraine.”
Bumuntong-hininga lang ito.
“May hihingin sana akong pabor sa iyo. Puwede bang puntahan mo ang address na ito?” Idinikta niya rito ang tinutukoy niyang address. Dalawang beses niyang inulit iyon hanggang sa maisulat nito nang tama iyon.
“Ano’ng gagawin ko pagpunta ko sa bahay na 'yon?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya.
“Hanapin mo si Norraine. Alamin mo kung naroon pa siya, 'tapos, tawagan mo agad ako,” tugon niya. “Uuwi ako riyan. Kakausapin ko siya. Aayusin ko ang gulong ginawa ko.”
“Paano si Vera?”
“Sigurado naman akong hindi na niya kami matatagpuan ng mga kapatid ko.”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...