MAGHAPONG abala si Adrian sa plantasyon nang araw na iyon. Pagkatapos ng kanyang mga trabaho ay sumakay siya sa kanyang kotse at tahimik na nagmaneho patungo sa bahay ng Tita Myrna ni Norraine. Apat na araw na ang nakararaan mula nang malaman niya ang tungkol sa kanyang anak. Nagpasya si Lorraine na doon sa bahay ng tiyahin nito pansamantalang tumira.
Ilang sandali pa ay nakarating na siya sa kanyang destinasyon. Ang pinsang babae ni Norraine ang nagbukas sa kanya ng gate. Sinamahan siya nito papasok sa bahay.
“Good evening ho, Tita Myrna,” bati niya sa ginang na nadatnan niya sa sala at nanonood ng telebisyon.
Ngumiti ito nang makita siya. “Hijo, kumusta ka na? Halika, maupo ka.”
Naupo siya sa sofa. “Nariyan ho ba sina Norraine at Adrianna?” tanong niya.
“Oo, nasa kuwarto sila,” sagot nito. Tinawag nito ang anak nito na nagbukas ng gate para sa kanya at inutusang tawagin ang kanyang mag-ina.
Ilang sandali pa ay nakita na niyang pababa ng hagdan sina Norraine at Adrianna.
“Daddy!” malakas na sabi ng bata at patakbo itong lumapit sa kanya.
Kinarga niya ito at malambing naman itong humalik sa kanyang pisngi.
“Maiwan ko muna kayo,” paalam ni Tita Myrna. “Aakyat na ako sa itaas.”
Umupo uli siya sa sofa at kinalong si Adrianna.Umupo si Norraine sa tabi niya. “Hindi ka nagpasabing pupunta ka rito ngayon,” sabi nito sa kanya.
“Biglaan kasi. May naisip ako na dapat kong sabihin sa iyo,” sagot niya.
Kumunot ang noo nito.
“Ano kaya kung doon na kayo sa mansiyon tumira ni Adrianna? Naisip ko kasi na mabuting naroon kayo ni Adrianna, tutal ay magiging abala tayo sa pag-aasikaso sa kasal natin.”
“Ha?”“Bakit, ayaw mo ba?” tanong niya. Nabakas niya sa mukha nito na parang gusto nitong tumanggi sa suhestiyon niya.
“Hindi naman sa ganoon, kaya lang, nakakahiya kasi—”
“Kung ang iniisip mo ay ang sasabihin ng mga tao, huwag mo iyong intindihin.”
“Kunsabagay, maganda nga ang naisip mo para mapalapit lalo ang loob sa iyo ni Adrianna. Pero gaya nga ng sabi mo, magiging abala na tayo sa pag-aayos ng kasal natin. Walang mag-aalaga sa bata.”
“Magpapahanap tayo ng yaya at tutor para sa kanya. Payag ka na ba?”
Tumango ito.
“Ayusin mo na ang mga gamit n’yo at isasama ko na kayo ngayon.”
Tumalima ito. Umakyat uli ito sa ikalawang palapag ng bahay. Sinabi marahil nito sa tiyahin nito ang kanilang napag-usapan kaya bumalik sa sala si Tita Myrna at muling nakipag-usap sa kanya. Pagkalipas nang ilang sandali ay nagpaalam na sila at umalis patungo sa mansiyon. Pagdating nila roon ay siya ring pagdating ni Tita Vera mula sa restaurant.
“Good evening, Tita,” aniya rito. Hinagkan niya ito sa pisngi.
Ganoon din ang ginawa ni Norraine. Si Adrianna naman ay nagmano rito. Blangko ang mukha ni Tita Vera. Ni hindi ito ngumiti. Hindi na lamang niya iyon pinansin.
“Tita, naipahanda na ho ba ninyo iyong kuwartong tutuluyan nina Norraine?” tanong niya. Nang nagdaang araw pa niya nasabi rito ang plano niyang pagsundo sa kanyang mag-ina.
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...