NATATAWA si Jamelia habang pinapanood si Linda na kinukuhanan ng sukat ng mananahi ng dress shop. Panay kasi ang pagre-react nito habang sinasabi ng mananahi ang sukat ng katawan nito. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya.
“Ang laki talaga ng itinaba ko. Todo na nga ang pagda-diet ko pero parang walang epekto!”
“Anong diet ang sinasabi mo? Iyong tatlong kanin sa isang kainan?” natatawang sabi niya.
Hinampas siya nito sa braso. “Ang yabang mo! Por que hindi ka tumataba kahit anong kain ang gawin mo, nanlalait ka na.”
Ngumiti siya at kapagkuwan ay tumayo. Pumuwesto siya sa kinatatayuan nito kanina dahil siya naman ang kukuhanan ng sukat.
“Kumusta nga pala ang pagdya-job hunting mo? May resulta na ba?” tanong ni Linda habang binuklat nito ang album ng iba’t ibang design ng mga wedding gowns.
“Wala pa nga, eh. Naiinip na nga rin ako.”
“Sinabi ko naman kasi sa iyo, mag-apply ka na rin doon sa pinagtuturuan ko. Okay iyong habang nagtatrabaho ka, eh, nagma-master ka.”
“Ayoko nga ng ganoon dahil baka mawili ako sa pagtuturo at mawala na sa isip ko na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Tingnan mo ikaw, plano mo rin dati na mag-master pero nang makapagturo ka na, nawalan ka na ng ganang ituloy.”
Nagkibit-balikat ito. “Dapat kasi, pagka-graduate natin, nag-masteral ka kaagad.”
“Alam mo namang malaki ang gastos namin noon, 'di ba? Mabuti sana kung hindi nagkasakit si Lester noon.” Huminga siya nang malalim. “Parang nagsisisi na nga ako kung bakit iniwan ko ang trabaho ko noon sa Maynila, eh.”
Nagtrabaho siya noon sa Maynila pero nag-resign siya dahil nahirapan siyang mapalayo sa kanyang mga kapatid. Sa dalawang taong pagtatrabaho niya ay linggu-linggo siyang umuuwi para makasama ang mga ito. Hanggang sa sinabihan siya ng kanyang ate na magbitiw na lamang sa trabaho dahil wala naman daw nangyayari sa suweldo niya. Napupunta lamang daw iyon sa pamasahe niya. Pagbalik niya sa San Felipe ay natanggap siya sa isang maliit na department store pero ilang buwan lang ay nag-resign siya dahil ayaw niya sa ugali ng boss niyang lalaki.
“Sa Huwebes nga pala, lalabas tayo nina Aileen. Girls’ night out daw,” sabi ni Linda nang tumabi uli siya rito.
“Hindi ako puwede. May trabaho kami ni Ate Jenny. Anniversary kasi ng Benitez Pineapple Plantation. Kailangan ng dagdag na serbidora kaya nagprisinta ako.”
Sumimangot ito. “Lagi ka na lang hindi nakakasama sa mga gimik ng barkada natin.”
“Balikan na lang ninyo sa Sabado ang mga gowns ninyo,” sabi sa kanila ng mananahi.
Tumango sila at pagkatapos ay lumabas na sila ng shop. Gusto na sana niyang umuwi pero pinilit siya ni Linda na mag-merienda muna kaya wala siyang nagawa kundi pagbigyan ito.
*****
NAPAHINGA ng malalim si Jamelia bago lumabas sa malawak na hardin ng mansiyon ng mga Benitez kung saan ginaganap ang selebrasyon para sa anibersaryo ng plantasyon ng mga ito. Bitbit ang tray na may lamang baso ng alak, nag-serve uli siya sa mga bisita. Nang maubos ang mga baso ng alak na dala niya ay bumalik uli siya sa kusina. Nagmamadali siyang uminom ng isang basong tubig at naupo. Nananakit na ang mga binti niya at pagod na talaga siya.
“Okay ka lang ba?” tanong sa kanya ng Ate Jenny niya. Abala ito sa pagsu-supervise sa mga nagluluto.
Tumango siya habang minamasahe ang kanyang mga binti.
Napapangiti ang kanyang ate.
“Ano’ng nakakatawa?” tanong niya rito.
“Wala,” sagot nito. “Hindi ka kasi talaga sanay sa ganitong trabaho. Ikaw kasi, nagprisinta ka pa.”
BINABASA MO ANG
Kahit Isang Saglit (COMPLETED - Published 2007 under Precious Hearts Romances)
RomanceMatagal nang isinara ni Adrian ang kanyang puso sa mga babae dahil sa isang pangyayari sa kanyang nakaraan. Until he met Jamelia. May kung anong espesyal na katangian ito na muling nagpatibok sa kanyang puso kaya madali siyang napalapit rito. Pero...