When You And Me Collide-cHappy four

559 27 4
                                    

When You And Me Collide-cHappy four

TRICIA's pov

"Ayos lang po sakin na hindi niyo na ko sunduin mamaya, Tita Rose. Alam ko naman po kung saan ang papuntang sakayan dito sa subdivision," sabi ko habang inaayos ang mga dadalhin ko sa school mamaya. Nagdala ako ng extra t-shirt dahil paniguradong pagpapawisan daw kami pati baong inumin. Ngayon ang unang araw ng intrams sa Centaurus Academy at ang sabi may mga ibang eskwelahan daw ang dadalo para sa mga sports na sasalihan. Nagkataon kasi na ang school ang napiling lugar ng pagdadausan ng mga tournament sa iba't-ibang sports. Hindi ako athletic na tao kaya wala akong alam sa mga ganyan. Walkathon nga ang gusto ko sanang salihan para swabe lang kaso inechapwera ng mga kaklase ko ang nakataas kong kamay kaya ayun napunta ko sa three-legged-race. At tignan mo nga naman, kapartner ko si Allisa na 'sing hinhin ni Maria Clara. Goodluck na lang.

"Are you sure? Ayoko lang naman na mahirapan ka sa pag-a-adjust mo dito sa Maynila, Tricia. Kamusta nga pala kahapon? May mga umaway ba sa'yo dahil bago ka lang?"

Napakamot ako sa sentido ko nang maalala ang tatlong kaibigan. "Wala pa naman po. Kung meron man 'Ta, kayang-kaya ko sila," sinara ko na ang bag ko at sinuot. Nakatitig lang sakin si Tita Rose habang umiinom ng kape. Medyo diskumpyado sa pinapakita kong tapang. Easy, 'wag magpapahalata na hindi ok ang lahat. Ayokong bigyan ng problema si Tita. Nakakahiya na nga na sakanya ako nakatira at pinapag-aral niya ako tapos aalalahanin niya pa ang mga ganung bagay. 'Wag na, keri ko naman. Kahit papaano.

Bumuntong-hininga siya. "Talaga?"

Tumango ako at ngumiti ng malaki. Sus, 'di problema sakin 'yun. Basta pag-aaral lang ang aatupagin ko at wala ng iba.

"Sige, ubusin ko lang 'tong kape tapos umalis na tayo. Ilagay mo na sa bag mo ang mga kakailanganin mo, ha," bilin niya pa.

"Sige po," inayos ko ang buhok ko para itirintas. Wavy kasi ang buhok ko at kapag humahangin nagmumukha akong bruha sa paningin ng mga tao. Hangga't maaari, nakapusod ako o di kaya ay nakatirintas ang buhok. Kapag nasa bahay lang ako nakalugay dahil kung ako ang tatanungin, mas gusto kong walang ipit ang buhok ko. Kahit na mukha akong sinabunutan ng sampung unggoy.

Maya-maya pa ay binabaybay na namin ang papuntang school. Palapit na kami sa gate nang mapansin na nagkaroon ng trapik sa dami ng sasakyan na pumapasok sa school.

"Ang dami yatang sasakyan ngayon, ah. Bigatin talaga ang CA. Sayang 'no?"

"Po?"

"Hindi ba pwedeng i-credit ang one point difference para scholarship mo? I mean, it's only one point. Pwede naman siguro nilang palampasin 'yun."

Nalaman namin ang resulta ng exam na tinake ko noon na para pala sa scholarship ng school. Sayang nga eh, isang puntos na lang pasado na raw ako.

"Hayaan niyo na po. Kung 'yun ang patakaran nila sa school, wala na po tayong magagawa. Gagalingan ko na lang Tita."

"But..." bumuntong-hininga siya. "Kind of unfair pero sige na nga," muli niyang pinaandar ang kotse na kaunti lang naman ang abante. Nakakainip naman 'to.

"Tita, dito na lang po kaya ako? Baka malate pa kayo sa trabaho niyo."

Tumingin siya sa malayo na animo tinatantiya ang gate ng school mula rito. "Medyo malayo pa tayo, eh."

"Lalakarin ko na lang po. Para makapag-warm up na rin ako para mamaya. Sige na, 'Ta."

Nagdadalawang isip pa siya pero sa huli pinakawalan niya rin ako. May mga bilin pa siya sakin na tinanguan ko lang saka naglakad na matapos magpaalam. Sanay ako sa mahabang lakaran dahil walking distance lang din noon ang eskwelahan ko sa probinsiya kaya batak ang mga paa at binti ko. Habang pinagmamasdan ko ang mga sasakyan na usad-pagong ay naalala ko ang usapan namin ni Locus. Parang sinasadya talaga ng tadhana na palaging pagtagpuin ang landas namin. Sa dinami-rami ng taong magrereview sakin ay siya pa. Iniisip ko pa lang kinakabahan na ko. Mukha kasi siyang masungit, tss.

When You and Me Collide [TSCM series 5]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon