When You And Me Collide—cHappy eleven.point.two
TRICIA's pov
"I deeply apologize for scaring you. Hindi sa akin nabanggit ni Locus na papapuntahin ka niya kaya hindi ako nakapaghanda."
Umiling ako ng malibis. "Hindi po. Ayos lang po." Kasalukuyan kaming nasa study room nila. Dito ako dinala nang mahimasmasan ako sa pag-iyak kanina. Hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang panginginig ng kalamnan pero kaunti na lang. Masakit din ang lalamunan ko dahil sa pagsinok. Kaya ayokong umiiyak, mahirap akong patahanin.
Nasa harap ko ang Tatay ni Locus. Hindi gaya ng inaasahan ko, bata pa ang itsura nito. Meron itong manipis na balbas na nakakorte ayon sa mukha nito para magmukhang mature tignan. Mapanga, matangos ang ilong, magaspang tignan ang mukha, at may pagka-expressive ang mga mata. Bagay na alam kong pareho ng kay Locus. Nakaputing long-sleeve polo ito na tinupi hanggang siko. Kita ang ugat sa braso nito tuwing gumagalaw. Kulay navy blue naman na checkered ang kurbata nito pareho ng slacks na suot.
Si Locus ay katabi ko ngayon. Sapat lang ang lapit namin sa isa't-isa upang makadaan ang hangin. Kanina pa siya nakatingin sakin kahit sinabi ko ng ayos lang. Masyado ko yata siyang nagulat sa pag-iyak ko. Wala pa nga yon kumpara noon, kahit mga magulang ko hindi ako magawang patahanin.
"This tea may calm your nerves. Drink." Lahad ng Tatay ni Locus sa tasang nasa harap ko.
Hindi ko pinahalatang nanginginig pa rin ako nang kunin ko iyon. Bahagyang sumimsim ako para lang masabing uminom ako. Hindi ko matagalan ang pait na lasa at ayaw ko man, hindi ko na nacontrol ang mukha ko. Kusang kumulubot dahil sa pait. Yak!
"Masarap po." Shet, ang plastic nun girl.
Tumawa lang siya at sinenyasan ang lalaking nakatayo sa pinto. Kinuha nito ang tasa mula sa akin at umalis.
"You don't like tea, I get it. I'll bring something over, is that okay?"
"A-ayos lang po. 'Wag na po kayong mag-abala. Okay na po ako." Ngumisi pa ko para ipakitang strong ako kahit gusto ko ng maihi sa takot.
Ngumiti lang ito at binalingan si Locus sa tabi ko. "Did you give her a hard time? Bakit hindi mo nabanggit na kakambal ko ang namatay nang araw na 'yon nang hindi na siya magulat kung nakita niya ako?"
Pagilid kong tinignan si Locus na hindi man lang natinag sa tanong ng Tatay nito.
Pero teka... "Kakambal niyo po ang namatay?" Gusto ko lang kumpirmahin kung tama nga ang narinig ko. Kasi parang naghang sa utak ko ang sinabi niya.
"Unfortunately, yes." Bumuntong-hininga ito at pinagsalikop ang dalawang palad, pinatong ang siko sa tuhod. "He was shot in the head after they saw him doing an undercover mission. I'm sorry hija, you had to witness such a horrible scene."
Napaawang ang labi ko. "Hindi po. Hindi ko po alam..."
"Pa," may pagbabanta sa boses ni Locus. Ngayon ko lang narinig na tinawag niya ito matapos ang pananahimik niya. "Nag-usap na kami. She has no idea why she was chased after."
"I see." Bakas sa mukha nito ang panghihinayang.
"Pasensiya na po wala akong naitulong. Iyon lang ho talaga ang nakita ko." Pumikit ako. Inalala ang sinabi ng lalaki bago ito patayin. Bahala na nga basta sasabihin ko na lang kahit pakiramdam ko hindi makakatulong ang sasabihin ko. "Ang sabi niya handa siyang mamatay para protektahan ang... ang..." kumunot ang noo ko. "Ang... ang batang lalaki?..." tama ba? Parang magulo. Iyon nga ba 'yon? Aishhh.
Hindi talaga ako sigurado kung iyon nga narinig ko. Masyado na kasing matagal at hindi ko rin naman naintindihan ang ibig sabihin nun. Pero tanda ko kung gaano kadeterminado ang lalaking 'yun sa sinasabi niya. Napatunayan 'yon nang mamatay siya ng may isang salita. Ang protektahan ang sinomang lalaking iyon.