Halos magkanda-dapa-dapa si Ella sa kakatakbo papasok sa kanilang tahanan sa sobrang pag-aalala. Naabutan nito ang naghihinagpis na anak, yakap-yakap ang kanyang asawa...
"Thess, an---nak! Ano'ng nangyari??? Koko Mahal ko! Dala ko na ang pakpak mo!" tumakbo ito palapit sa mag-ama ngunit sa kanyang pagka-dismaya, nakapikit na ang asawa at wala ng hininga....
"Kokooooooo!!! Paano'nt nangyari? Paanong iniwan no kami??? Thess!!!! Bakit wala ng buhay ang ama mo! Hindi iyon maaari!!!!" ang tumatangis na sigaw ni Ella habang hawak-hawak sa kanyang mga balikat si Thess at niyuyugyog...
Wala ng boses ang paghikbi ni Thess... Naalala niya ang sinabi ng ama bago ito nalagutan ng hininga...
"Anak, ipangako mong wala kang ibang magiging biktima. Kundi ang pamilyang iyon, tama na anak, tama na. Kung kaya ko lang wakasan ang pagiging aswang ng lahi natin ay matagal ko ng ginawa. Pero sana sa mga kamay mo ito magsisimula, wala na sanang susunod pa sa ating lahi... Ipangako mo ding aalagaan mo ang nanay mo, 'wag mo na siyang hayaang gumala kapag gabi. Maghanap ka ng paraan upang siya'y di makabiktima ng mga tao, anak. Ipangako mo, Thess!"
"Oo, Daddy! Pinapangako ko, wala akong ibang magiging biktima kundi ang mga taong may kagagawan nito sa'yo! Pangako ama! Aalagaan ko din si Mommy!" Ang pangako ni Thess sa ama ang siyang nagpa-panatag sa kalooban ni Koko na lisanin ang mundo. Bigla siyang hinila ni Koko palapit sa mukha nito, akala niya ay hahalikan lang siyang ng ama ngunit biglang ihinarap ni Koko ang bunganga nito sa kanya hanggang sa may kung anong lakas ang pumapasok sa kanyang katawan mula sa bunganga ng ama. Nanghina ang ama at bigla itong bumitiw sa kanya.
"Thess, anak? Tinanggap mo ba? Tinanggap mo ba ang bertud ng iyong ama?"
"Mommy, naisalin niya sa akin Mommy at ipina-pangako niya akong ang pamilya lang ng gumawa n'on sa kanya ang magiging biktima ko..." ikinuwento ni Thess sa ina ang lahat. Ang bilin ng ama at ang pangako niya.
Tumangis ng husto si Ella. Ang katotohana'y pati siya'y pagod na rin sa kanilang pamumuhay sa dilim. At bilang paggalang sa bilin ng asawa, sisikapin niyang di na mamiktima. Pagtutuunan na lamang nila ng pansin ang paghanap ng katarungan sa pagkawala ni Koko.
***
"Ano'ng nangyari???" tumatakbo si Jane palabas ng bahay ng marinig ang malakas na tinig nina Queenie at Manong Sakong.
"Yang asawa mo kasi!" paninimula ni Queenie.
"Ano'ng ako?" nag-uumpisa na naman ang walang katapusang bangayan ng magkapatid.
"Hindi ba't ikaw? Dapat natusok na ang demonyong 'yon kung di namuti 'yang itlog mo sa takot!"
"Ah, over the belt na'yan ah! Anong pakialam ng itlog ko sa nangyari? At paano mo nalaman na puti ito?"
"Aba siyempre! Minsan din kitang inalagaan noon!"
"ANO BA!! DI BA KAYO TITIGIL! Ano ang nangyari!!!!" ang galit na galit na sigaw ni Jane sa magkapatid.
"NABAWI NG ASWANG ANG PAKPAK!" Ang kurong sagot ng magkapatid. Nasampal ni Jane ang kanyang noo dahil sa kaharap niya. Parang aso't-pusa ang dalawa simula pa noon ngunit di naman nagdadamot ng tulong sa bawat-isa, 'yan ang ipinapasalamat niya.
"Pasok na kayo sa loob! Magbubukang-liwayway na, wala pa akong tulog! Sinisira niyo ang healthy body ko!" ang wika ni Queenie saka nagmartsa papasok sa kubo nina Jane.
"At kailan pa naging healthy yang katawan mo?"
"Ano ba, Pa! Tama na! May problema pa tayong hinaharap, wag mo kasing ganyanin ang kapatid mo."
"Ma, wala naman iyan eh. Nasanay na kami sa tratuhang ganyan. Pero mahal ko si Ate."
"Paano tayo ngayon?"
"Magpahinga na tayo, bukas na bukas din ipapaalam ko sa baranggay ang nangyari."
"Paano kung babalik ang mga aswang?"
"Sisilay na ang araw at walang aswang na nangangain ng tao sa kasikatan nito."
Inalalayan ni Manong Sakong ang asawa papasok sa kubo.
"Kamusta ang babay natin?"
"Maayos naman. Salamat sa Diyos at dumating kayo ni Ate." ang pagpapasalamat ni Jane.
Pagpasok nila sa loob ay nakita nilang nakatalungko si Queenie at malalim ang iniisip.
"Akala ko ba matutulog ka na?" kapagkuwa'y tanong ni Manong Sakong at lumapit ito sa kapatid.
"Sa nangyari ngayon makakatulog ba ako?"
"Ate, kailangan 'yan ng healthy body mo."
"Tumahimik ka nga. Nag-uumpisa ka na naman."
"Matulog ka na, bukas aayusin natin ang lahat pero sa ngayon.... Aayusin ko muna ang bubong." sumilay ang munting ngiti sa labi ni Queenie.
"Salamat sa lahat, Ate." niyakap ni Jane si Queenie.
"Wala 'yon, responsibilidad kong alagaan kayo. Si Sakong... nangako ako sa aming ama na hinding-hindi ko siya pababayaan kahit ganyan 'yan..." may pumatak na luha sa mga mata ni Queenie.
"Salamat, Ate. At nandito lang kami kung kailangan mo ng masasandalan." nag-iisa sa buhay si Queenie. Hindi siya nakapag-asawa dahil na rin sa kanyang kalagayan, sa kanyang trabaho. Kaya mas minabuti niyang ibigay na lang ang buong puso niya sa pagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan sa kanya.
KINAUMAGAHAN:
"Ang aga mo namang nagising, Ate." si Jane nang magisingan si Queenie na may inaayos sa kusina nila.
"Tulog manok lang ang nagawa ko." ang sagot nito habang may inilalagay sa isang pirasong tela.
"Para saan 'yan, Ate?"
"Para sa kaligtasan ng pamangkin ko."
"Di ba may binigay ka na sa akin kagabi?"
"Oo, sa'yo iyon para di ka malapitan ng aswang habang pinagbubuntis mo ang pamangkin ko. Ito para sa pamangkin ko, pagkapanganak mo sa kanya. Huwag na huwag mo itong iwala sa katawan niya."
"Bakit Ate? Hindi ba kami titigilan ng Aswang? Seguro naman di na iyon babalik."
"Hindi tayo nakakaseguro, Jane. Nasaktan sila ng asawa mo at seguradong maghihiganti ang mga iyon at isa pa isang masarap na ulam para sa kanila ang laman ng tiyan mo."
"Anong gagawin namin nito? Ate naman eh, natatakot ako."
"Kaya nga ginagawan kita ng pam-proteksiyon eh."
Biglang sumulpot si Manong Sakong na pupungas-pungas pa ng mata.
"Bakit sila may mga proteksiyon? Ako din ba ginawan mo, Ate?" ang tanong ni Manong Sakong sa kapatid.
"Para saan pa? Ang laki ng katawan mo para bigyan ka pa ng panangga."
"Ate naman eh! Ikaw mismo ang nagsabi na puti ang---- kwan ko.... tapos di mo ako gagawan ng panangga."
"Sasapukin kita diyan eh! Ba't di mo sinusuot ang binigay ni Tatay sa'yo noon? Nasaan na iyon?"
"Sorry nakalimutan ko." naalala ni Manong Sakong na may iniwan pala sa kanya ang kanilang ama. Isang kwintas na panangga daw sa masasamang espiritu ngunit tinanggal niya ito sa unang gabi ng ikinasal sila ni Jane at di na niya ito isinuot muli.
"Isuot mo 'yon bilang iyong proteksiyon dahil ayaw kong may mangyari sa'yong masama lalo na 'pag ako'y wala na. Ingatan mo ang pamilya mo kagaya sa pag-iingat ko sa'yo kahit ganyan mo ako tinatrato." ant mahabang litanya ni Queenie.
Biglang may sumundot na ibang damdamin sa puso ni Manong Sakong. Na-guilty siya sa mga naituran ng kapatid. Iba ang kanyang naramdaman, parang nagpapahiwatig ito ng pamamaalam?